Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Panghihilakbot

Panghihilakbot

[sa Ingles, dread].

Ito ang karaniwang salin ng pangngalang Hebreo na paʹchadh (pandiwa, pa·chadhʹ), na pangunahing tumutukoy sa isang bagay na sanhi ng panginginig. (Ihambing ang Mik 7:17.) Ang isang anyo naman ng kahawig na salitang quts ay isinasalin bilang ‘makadama ng nakapanlulumong takot’ (Exo 1:12; Bil 22:3; Isa 7:16) at kadalasan nang nagtatawid ng diwa ng “pagkamuhi.” (Tingnan ang NAKAMUMUHING BAGAY.) Ang pananalitang “panghihilakbot kung gabi” ay tumutukoy sa anuman na maaaring magdulot ng panghihilakbot o matinding takot kung gabi, gaya ng biglaang pagsalakay ng mga magnanakaw o pag-atake ng malalaking hayop na naninila.​—Sol 3:8.

Tinukoy ni Jacob ang Makapangyarihan-sa-lahat bilang “ang Panghihilakbot ni Isaac,” ang isa na itinuring ni Isaac na kapita-pitagan at kasindak-sindak, anupat natakot si Isaac na hindi Siya mapalugdan. Tinaglay rin ni Jacob ang pangmalas ng kaniyang amang si Isaac at ipinakikita ito ng panunumpa niya “sa pamamagitan ng Panghihilakbot ng kaniyang amang si Isaac.”​—Gen 31:42, 53.

Ang kapaki-pakinabang na panghihilakbot kay Jehova, na makikita sa pagnanais na iwasan ang hindi Niya sinasang-ayunan, ay kailangang taglayin ng isa kung nais niyang manatiling lingkod ng Diyos. Dahil sa panghihilakbot na ito, si Job ay nanatiling walang kapintasan at matuwid. (Job 1:1; 23:15; 31:23) At tinulungan nito ang salmista na manatili sa isang landasing kinalulugdan ng Diyos sa kabila ng pang-uusig ng mga prinsipe. (Aw 119:120, 161) Pinasigla ni Jehosapat ang mga inatasang hukom na magtaglay ng wastong panghihilakbot na ito upang huwag silang magtangi sa paglalapat ng makatarungang mga pasiya.​—2Cr 19:5-7.

Si Jehova ang nagsasanggalang at nagpapalakas ng kaniyang bayan. Kaya walang dahilan para ang isa ay manghilakbot sa mga tao, kakitaan ng matinding takot sa maaari nilang gawin, at dahil dito ay sumunod sa kanilang di-wastong mga kahilingan. (Aw 27:1; 78:53; 91:2-5; Isa 12:2) Subalit hindi ito nangangahulugan na hindi na magdurusa ang mga lingkod ng Diyos sa kasalukuyang sistema ng mga bagay. Sa pana-panahon ay nalalagay sila sa kahabag-habag at di-kaayaayang kalagayan. Palibhasa’y hindi napag-uunawa ng mga taong walang pananampalataya na pinagmamalasakitan pa rin sila ni Jehova, maaaring iwan sila ng mga ito dahil sa panghihilakbot, anupat ayaw na madamay sa kanilang waring walang pag-asang kinahinatnan. (Aw 31:11) Subalit hindi sila pababayaan ni Jehova.​—Aw 27:10; 94:14.

Dahil walang panghihilakbot sa Diyos ang mga balakyot, nagpapatuloy sila sa kanilang masasamang lakad. (Aw 36:1-4) Subalit hindi nila matatakasan ang panghihilakbot na idudulot ng kapahamakang sasapit sa kanila dahil sa pagwawalang-bahala sa makadiyos na karunungan.​—Kaw 1:26, 27.

Nang alisin ni Jehova ang kaniyang proteksiyon sa di-tapat na mga Israelita, dumanas sila ng panghihilakbot araw at gabi, anupat palaging nanganganib ang kanila mismong buhay. Hindi sila nakatakas sa kapahamakan. (Deu 28:66, 67; Isa 24:17-20; 33:14; Jer 30:5; Pan 3:47) Ang ganitong uri ng panghihilakbot ay hindi mararanasan niyaong mga kumikilos kaayon ng makadiyos na karunungan, niyaong mga laging may mapitagang pagkasindak sa Maylalang.​—Kaw 1:33; 3:24, 25; 28:14.

Ang mga pagpapamalas ni Jehova ng walang-kapantay na kapangyarihan, pagsuporta, o lingap ay maaaring magdulot ng panghihilakbot sa mga nagmamasid. (2Cr 17:10; Aw 53:5; 105:38; Isa 19:16, 17; Jer 33:9) Halimbawa, sa tulong ng Diyos, ang mga Israelita ay nagtamo ng kamangha-mangha at tunay na kakila-kilabot na mga tagumpay laban sa kanilang mga kaaway (Deu 11:25; 1Cr 14:17; 2Cr 14:12-14; 20:29), at noong panahon nina Mardokeo at Esther, dahil sa di-inaasahang pagbabago ng mga pangyayari na naging pabor sa mga Judio, ang kanilang mga kaaway ay nanghilakbot. (Es 8:17; 9:2, 3) Gayundin, ang katibayan na pinagkalooban ng Diyos ang isa ng lakas ng loob at katapangan ay maaaring magbunga ng kapaki-pakinabang na panghihilakbot at mabilis na pagtugon. Kaya naman nang mapuwersang mamanhik si Haring Saul sa mga Israelita na sumama sila sa pagtatanggol sa Jabes-gilead, nalipos sila ng “panghihilakbot kay Jehova” at tumugon na “parang iisang lalaki.”​—1Sa 11:7.

Dahil inihula na ni Jehova ang pagbagsak ng Babilonya sa kamay ni Ciro, walang dahilan upang manghilakbot ang mga Israelita sa pangyayaring iyon na gigimbal sa daigdig. Para sa kanila ay isa itong paglaya mula sa panghihilakbot sa mga Babilonyo. Gayunman, ang mga manggagawa ng mga idolo ay tiyak na manghihilakbot, yamang ang lahat ng bathalang gawa ng mga kamay ng tao ay walang maitutulong upang iligtas ang Babilonya.​—Isa 44:8-11, 24-28; 51:12, 13.