Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paniki

Paniki

[sa Heb., ʽatal·lephʹ].

Isang lumilipad na mamalya na nahahawig sa daga ngunit may elastikong balat sa unahang biyas na nagsisilbing pakpak. Inuuri ng Kasulatan ang paniki sa maruruming lumilipad na nilalang na hindi dapat kainin ng mga Israelita. (Lev 11:19; Deu 14:18) Sa ngayon, mga 20 iba’t ibang uri ng paniki (Chiroptera) ang makikita sa Israel.

Kung araw, ang mga paniki ay karaniwang nakadapo nang patiwarik sa madidilim na yungib o tiwangwang na mga gusali, at kapag nagtakipsilim na ay lumalabas sila upang humanap ng pagkain kung gabi. Masangsang at amoy-daga ang lugar kung saan maraming paniki ang nakadapo. Sa ilang yungib, ang naipong dumi ng paniki ay nagiging makakapal na suson na pinagkukunan ng kapaki-pakinabang na pataba. Walang alinlangan na dahil mahilig mamugad ang paniki sa madidilim na lugar kung kaya binanggit ng propetang si Isaias na itatapon sa mga paniki ang mga diyos na yari sa ginto at pilak. Isang lugar na madilim at marumi ang marapat paglagyan ng gayong mga idolo, sa halip na mga lugar ng karangalan at katanyagan na iniuukol sa kanila ng kanilang mga nalinlang na mananamba.​—Isa 2:20.