Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Panlalait

Panlalait

Pagsasalita ng pang-iinsulto o pang-aabuso sa isang tao.

Para sa mga Israelita, ang panlalait o pagsumpa sa mga magulang ay pagkakasalang nararapat sa parusang kamatayan. (Exo 21:17; Mat 15:4; Mar 7:10) Tulad ng berbal na pang-aabuso, ang pisikal na pang-aabuso sa mga magulang ay udyok ng masamang saloobin at, samakatuwid ay may gayunding parusa. (Exo 21:15) Yamang ang mga magulang ay mga kinatawan ni Jehova sa kanilang mga anak, ang isang anak na nanlalait sa kaniyang mga magulang ay, sa diwa, nanlalait sa Diyos.​—Ihambing ang Exo 20:12.

Dapat ding pagpakitaan ng kaukulang paggalang ang mga tagapamahala sa Israel. Iyan ang dahilan kung bakit ang apostol na si Pablo, bagaman pinakitunguhan nang di-makatarungan, ay humingi ng paumanhin dahil sa di-sinasadyang pagsasalita sa mataas na saserdote ng mga salitang itinuring ng iba bilang mapang-abuso.​—Exo 22:28; Gaw 23:1-5.

Walang dako ang sinasadyang panlalait sa gitna ng unang-siglong mga Kristiyano. (1Co 6:9, 10; 1Pe 3:8, 9) Ang isa na nagkakasala ng paulit-ulit at sinasadyang panlalait sa iba ay dapat itiwalag mula sa kongregasyon.​—1Co 5:11-13.

Palibhasa’y waring walang-halaga at di-popular sa sanlibutan dahil sa kanilang gawain at mensahe, ang mga tagasunod ni Jesu-Kristo ay madalas laitin ng iba. (Ihambing ang Ju 9:28, 29; 17:14; 1Co 1:18; 4:11-13.) Ngunit hindi sila dapat gumanti sa pamamagitan ng panlalait sa mga sumasalansang. Sa bagay na ito, si Kristo Jesus ay nagpakita ng halimbawa sa kanila. (1Pe 2:21, 23) Bagaman inakusahan na isang taong mahilig sa alak, matakaw, ahente ng Diyablo, manlalabag ng Sabbath, at mamumusong sa Diyos, hindi gumanti si Kristo Jesus sa pamamagitan ng panlalait sa kaniyang mga tagapag-akusa. (Mat 11:19; 26:65; Luc 11:15; Ju 9:16) Nang akusahan siya ng mga bulaang paratang sa harap ni Pilato, nanatiling tahimik si Jesus. (Mat 27:12-14) Ang pagtulad ng isang Kristiyano sa halimbawa ni Jesus ay maaaring magkaroon ng mabuting epekto sa ilang sumasalansang, anupat maaaring matanto nila na wala palang saligan ang kanilang mapang-abusong mga salita. Dahil dito ay baka luwalhatiin pa nga nila ang Diyos.​—Ihambing ang Ro 12:17-21; 1Pe 2:12.

Kinailangang pakaingatan ng mga Kristiyano ang kanilang mahusay na paggawi upang walang maging dahilan para manlait ang mga sumasalansang. Ito ang puntong idiniin ng apostol na si Pablo may kaugnayan sa mga nakababatang babaing balo sa kongregasyon. Yamang sila ay may tendensiyang maging tsismosa at manghimasok sa buhay-buhay ng ibang tao, pinasigla niya sila na mag-asawa at maging abala sa pagpapalaki ng mga anak at sa pamamahala ng sambahayan. Kung sila’y magiging abaláng mga asawang babae, hindi sila makapagbibigay ng anumang pangganyak sa sinumang sumasalansang upang laitin ang mga Kristiyano bilang mga tsismosa at mga mapanghimasok sa buhay-buhay ng ibang tao.​—1Ti 5:13, 14.

Noong narito sa lupa si Jesu-Kristo, ipinakita ng ilang tao na hindi sumasama sa kaniya, sa pamamagitan ng kanilang mga pagkilos, na sila’y ‘nasa kaniyang panig’ at na hindi sila madaling makikisama sa mga sumasalansang sa panlalait sa kaniya. Ito ang situwasyon ng isang tao na nagpapalayas noon ng mga demonyo salig sa pangalan ni Jesus, anupat maliwanag na binigyang-kapangyarihan siya ng Diyos upang magawa iyon. Ipinalagay ni Juan at ng iba pa na dapat pigilan ang taong ito, yamang hindi ito sumasama sa kanila. Ngunit sinabi ni Jesus: “Huwag ninyo siyang tangkaing pigilan, sapagkat walang sinumang gagawa ng makapangyarihang gawa salig sa aking pangalan ang madaling makapanlalait [sa literal, makapagsasalita ng masama tungkol] sa akin.” (Mar 9:38-40) Noong panahong sabihin ni Jesus ang pananalitang ito, kinikilala pa ng Diyos ang kongregasyong Judio at hindi pa naitatatag ang kongregasyong Kristiyano. (Ihambing ang Mat 16:18; 18:15-17.) Gayundin, hindi hiniling ni Jesus na ang lahat ng mananampalataya ay pisikal na sumunod sa kaniya. (Mar 5:18-20) Samakatuwid, kung ang isang Judio, na kabilang sa katipang bayan ng Diyos, ay magsagawa ng makapangyarihang mga gawa salig sa pangalan ni Jesus, sapat na itong patotoo na ang taong iyon ay may pagsang-ayon ng Diyos. Gayunman, nang maitatag ang kongregasyong Kristiyano, ang mga indibiduwal na nais magkamit ng pagsang-ayon ng Diyos ay kinailangang umugnay roon bilang tapat na mga tagasunod ni Jesu-Kristo. (Ihambing ang Gaw 2:40, 41.) Ang basta pagsasagawa ng makapangyarihang mga gawa salig sa pangalan ni Jesus ay hindi na isang katibayan na nasa panig ni Jesu-Kristo ang isang tao, ni garantiya man ito na hindi magkakasala ng panlalait sa Anak ng Diyos ang isang iyon.​—Mat 7:21-23; tingnan ang MAPANG-ABUSONG PANANALITA; PAMUMUSONG.