Paraiso
Isang magandang parke, o isang tulad-parkeng hardin. Ang salitang Griego na pa·raʹdei·sos ay lumilitaw nang tatlong ulit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. (Luc 23:43; 2Co 12:4; Apo 2:7) Mula pa noong panahon ni Xenophon (mga 431-352 B.C.E.), ginamit na ng mga Griegong manunulat ang salitang ito, at kinilala ni Pollux na nagmula ito sa isang salitang Persiano (pairidaeza). (Cyropaedia, I, iii, 14; Anabasis, I, ii, 7; Onomasticon, IX, 13) Sinasabi ng ilang leksikograpo na ang salitang Hebreo na par·desʹ (pangunahin na, nangangahulugang isang parke) ay hinalaw rin mula roon. Ngunit yamang ginamit ni Solomon (ng ika-11 siglo B.C.E.) ang par·desʹ sa kaniyang mga akda, samantalang ang umiiral na mga akdang Persiano ay mula lamang noong mga ikaanim na siglo B.C.E., ang gayong paghalaw ng terminong Hebreong ito mula sa salitang Persiano ay pala-palagay lamang. (Ec 2:5; Sol 4:13) Ang iba pang pagkagamit ng par·desʹ ay sa Nehemias 2:8, kung saan tinutukoy ang isang maharlikang kakahuyang parke ng Persianong si Haring Artajerjes Longimanus, noong ikalimang siglo B.C.E.—Tingnan ang PARKE.
Gayunman, ang tatlong termino (ang Hebreong par·desʹ, ang Persianong pairidaeza, at ang Griegong pa·raʹdei·sos) ay pawang nagtatawid ng saligang ideya ng isang magandang parke o tulad-parkeng hardin. Ang una sa gayong mga parke ay yaong ginawa sa Eden ng Maylalang ng tao, ang Diyos na Jehova. (Gen 2:8, 9, 15) Sa Hebreo ay tinatawag itong gan, o “hardin,” ngunit maliwanag na tulad-parke ang laki at katangian nito. Angkop na ginagamit ng Griegong Septuagint ang terminong pa·raʹdei·sos bilang pagtukoy sa harding iyon. (Tingnan ang EDEN Blg. 1; HARDIN [Hardin ng Eden].) Dahil sa kasalanan, naiwala ni Adan ang kaniyang karapatang manirahan sa paraisong iyon at ang kaniyang pagkakataong matamo ang karapatan sa buhay na walang hanggan, karapatan na kinatawanan ng bunga ng isang punungkahoy na itinalaga ng Diyos at nasa gitna ng hardin. Sa paanuman, waring nakukulong ang hardin ng Eden, yamang ang silangang panig lamang nito ang kinailangang lagyan ng mga anghelikong bantay upang hindi ito mapasok ng tao.—Gen 3:22-24.
Ano ang Paraiso na ipinangako ni Jesus sa manggagawa ng kasamaan na namatay sa tabi niya?
Sa ulat ni Lucas, ipinakikita na isang manggagawa ng kasamaan, palibhasa’y nilapatan ng parusang kamatayan sa tabi ni Jesu-Kristo, ang nagsalita upang ipagtanggol si Jesus at humiling na alalahanin siya ni Jesus kapag ‘dumating na ito sa kaniyang kaharian.’ Tumugon si Jesus: “Katotohanang sinasabi ko sa iyo ngayon, Makakasama kita sa Paraiso.” (Luc 23:39-43) Sabihin pa, ang bantas na makikita sa salin ng mga salitang ito ay depende sa pagkaunawa ng tagapagsalin sa diwa ng mga salita ni Jesus, yamang hindi naman ginamitan ng sistematikong pagbabantas ang orihinal na tekstong Griego. Lumaganap lamang ang makabagong istilo ng pagbabantas noong mga ikasiyam na siglo C.E. Bagaman maraming tagapagsalin ang naglalagay ng kuwit bago ang salitang “ngayon” at sa gayon ay ipinahihiwatig na ang manggagawa ng kasamaan ay pumasok sa Paraiso noon mismong araw na iyon, hindi ito sinusuportahan ng iba pang bahagi ng Kasulatan. Si Jesus mismo ay nanatiling patay at nasa libingan hanggang noong ikatlong araw at pagkatapos ay binuhay siyang muli bilang “ang unang bunga” ng pagkabuhay-muli. (Gaw 10:40; 1Co 15:20; Col 1:18) Umakyat siya sa langit pagkaraan ng 40 araw.—Ju 20:17; Gaw 1:1-3, 9.
Samakatuwid, ipinakikita ng katibayan na ginamit ni Jesus ang salitang “ngayon” hindi upang tukuyin ang panahon kung kailan mapapasa-Paraiso ang manggagawa ng kasamaan, kundi sa halip ay upang itawag-pansin ang panahon kung kailan ibinigay ang pangako na siya ring panahon kung kailan sa paanuman ay nagpakita ng pananampalataya kay Jesus ang manggagawa ng kasamaan. Noong araw na iyon, si Jesus ay itinakwil at
hinatulan ng pinakamatataas na lider ng relihiyon ng kaniyang bayan at pagkatapos nito ay hinatulan siyang mamatay ng Romanong awtoridad. Naging tudlaan siya ng panlilibak at panunuya. Kaya isang kahanga-hangang katangian at kapuri-puring saloobin ng puso ang ipinamalas ng manggagawa ng kasamaan sa tabi niya dahil hindi ito nakiayon sa karamihan kundi sa halip ay nagsalita ito alang-alang kay Jesus at nagpahayag ng paniniwala sa kaniyang dumarating na Paghahari. Palibhasa’y kinikilala ng ibang mga tagapagsalin na wastong ilagay ang diin sa panahon ng pagbibigay ng pangako sa halip na sa panahon ng katuparan nito, isinasalin nila ang tekstong ito, gaya nina Rotherham at Lamsa sa Ingles, nina Reinhardt at W. Michaelis sa Aleman, gayundin ang Curetonian Syriac ng ikalimang siglo C.E., sa pananalitang kahawig ng mababasa sa Bagong Sanlibutang Salin, na sinipi rito.Hinggil sa kung ano ang Paraiso na binanggit ni Jesus, malinaw na hindi iyon tumutukoy sa makalangit na Kaharian ni Kristo. Mas maaga noong araw na iyon, ang pagpasok sa makalangit na Kahariang iyon ay iniharap bilang isang pag-asa para sa tapat na mga alagad ni Jesus ngunit salig sa ‘pananatili nilang kasama niya sa kaniyang mga pagsubok,’ isang bagay na hindi kailanman natupad ng manggagawa ng kasamaan, yamang ang pagkamatay niya sa tulos sa tabi ni Jesus ay kaparusahan lamang sa kaniya mismong mga gawang kriminal. (Luc 22:28-30; 23:40, 41) Maliwanag na ang manggagawang ito ng kasamaan ay hindi ‘naipanganak muli,’ mula sa tubig at espiritu, na ipinakita ni Jesus na isang kahilingan bago ang isa ay makapasok sa Kaharian ng langit. (Ju 3:3-6) Ang manggagawa ng kasamaan ay hindi rin isa sa mga “nananaig” na sinabi ng niluwalhating si Kristo Jesus na makakasama niya sa kaniyang makalangit na trono at may bahagi sa “unang pagkabuhay-muli.”—Apo 3:11, 12, 21; 12:10, 11; 14:1-4; 20:4-6.
Inihaharap ng ilang reperensiyang akda ang pangmalas na ang tinutukoy ni Jesus ay isang paraisong lokasyon sa Hades o Sheol, diumano’y isang kompartment o dibisyon doon para sa mga sinang-ayunan ng Diyos. Inaangkin nila na itinuro ng mga Judiong rabbi ng panahong iyon ang pag-iral ng gayong paraiso para sa mga namatay na naghihintay ng pagkabuhay-muli. May kinalaman sa mga turo ng mga rabbi, sinasabi ng Dictionary of the Bible ni Hastings: “Ang Rabinikong teolohiya na nakarating sa atin ay kakikitaan ng pambihirang pagkakasari-sari ng mga ideya hinggil sa mga tanong na ito, at sa kaso ng marami sa mga iyon, mahirap tiyakin kung anong petsa ang dapat itakda sa mga iyon. . . . Kung uunawain ang akda sa simpleng paraan, waring ipinapalagay ng ilan na ang Paraiso ay nasa lupa mismo, ipinapalagay naman ng iba na bahagi ito ng Sheol, at ipinapalagay naman ng iba pa na wala ito sa lupa ni sa ilalim ng lupa, kundi nasa langit . . . Ngunit sa paanuman ay pinag-aalinlanganan ang ilang bahagi nito. Sa totoo, ang iba’t ibang konseptong ito ay sa mas huling Judaismo matatagpuan. Lumilitaw ang mga ito nang eksaktung-eksakto at detalyadung-detalyado sa Cabbalistikong Judaismo ng Edad Medya . . . Ngunit hindi matiyak kung kailan ito nagpasimula noong nakaraang panahon. Waring ang mas matandang teolohiyang Judio . . . ay bahagya lamang nagpapahiwatig o hindi nagpapahiwatig ng ideya ng isang pansamantalang Paraiso. Bumabanggit ito ng isang Gehinnom para sa balakyot, at isang Gan Eden, o hardin ng Eden, para sa matuwid. Kuwestiyunable kung lumalampas ito sa mga konseptong iyon at kung pinagtitibay nito na may Paraiso sa Sheol.”—1905, Tomo III, p. 669, 670.
Sakali mang nagturo sila ng gayong bagay, hindi makatuwirang maniwala na magpapalaganap si Jesus ng gayong konsepto, kung isasaalang-alang na hinatulan niya ang di-Biblikal na mga relihiyosong tradisyon ng mga Judiong lider ng relihiyon. (Mat 15:3-9) Malamang na ang paraisong pamilyar na pamilyar sa salaring Judio na kinausap ni Jesus ay ang makalupang Paraiso na inilarawan sa unang aklat ng Hebreong Kasulatan, ang Paraiso ng Eden. Kung gayon nga, makatuwirang sabihin na ang pangako ni Jesus ay tumutukoy sa pagsasauli ng gayong malaparaisong kalagayan ng lupa. Kaya naman ang kaniyang pangako sa manggagawa ng kamalian ay nagbibigay ng tiyak na pag-asa ng pagkabuhay-muli ng gayong taong di-matuwid upang magkaroon siya ng pagkakataong mabuhay sa isinauling Paraisong iyon.—Ihambing ang Gaw 24:15; Apo 20:12, 13; 21:1-5; Mat 6:10.
Isang Espirituwal na Paraiso. Sa maraming makahulang aklat ng Bibliya, matatagpuan ang mga pangako ng Diyos may kinalaman sa pagsasauli ng Israel mula sa mga lupaing pinagtapunan dito pabalik sa nakatiwangwang na sariling lupain nito. Pangyayarihin ng Diyos na ang pinabayaang lupaing iyon ay mabungkal at mahasikan, magbunga nang sagana, at magkaroon ng maraming tao at hayop; ang mga lunsod ay muling itatayo at tatahanan, at sasabihin ng mga tao: “Ang lupaing iyon na tiwangwang ay naging tulad ng hardin ng Eden.” (Eze 36:6-11, 29, 30, 33-35; ihambing ang Isa 51:3; Jer 31:10-12; Eze 34:25-27.) Gayunman, ipinakikita rin ng mga hulang ito na ang malaparaisong mga kalagayan ay may kaugnayan sa mga tao mismo, na dahil sa kanilang katapatan sa Diyos ay maaari na ngayong ‘sumibol’ at lumagong gaya ng mga “punungkahoy ng katuwiran,” anupat magtatamasa ng magandang espirituwal na kasaganaan tulad ng isang “hardin na nadidiligang mainam,” yamang pauulanan ito ng saganang pagpapala mula sa Diyos dahil natamo nito ang kaniyang pabor. (Isa 58:11; 61:3, 11; Jer 31:12; 32:41; ihambing ang Aw 1:3; 72:3, 6-8, 16; 85:10-13; Isa 44:3, 4.) Ang bayan ng Israel ay naging ubasan ng Diyos, ang kaniyang tanim, ngunit ang kanilang kasamaan at pag-aapostata mula sa tunay na pagsamba ay naging sanhi ng isang makasagisag na ‘pagkatuyot’ ng kanilang espirituwal na bukid, bago pa man naganap ang literal na pagkatiwangwang ng kanilang lupain.—Ihambing ang Exo 15:17; Isa 5:1-8; Jer 2:21.
Gayunman, maliwanag na kalakip sa mga hula ng pagsasauli na itinala ng mga propetang Hebreo ang mga elemento na magkakaroon din ng pisikal na katuparan sa isinauling makalupang Paraiso. Halimbawa, may ilang bahagi ng Isaias 35:1-7, gaya ng pagpapagaling sa bulag at sa pilay, na hindi nagkaroon ng literal na katuparan pagkatapos ng pagsasauli mula sa sinaunang Babilonya, ni natutupad man ang mga ito sa gayong paraan sa Kristiyanong espirituwal na paraiso. Hindi magiging makatuwiran na kasihan ng Diyos ang mga hulang gaya niyaong nasa Isaias 11:6-9, Ezekiel 34:25, at Oseas 2:18, kung ang intensiyon lamang niya ay magkaroon ang mga iyon ng makasagisag o espirituwal na kahulugan, anupat walang literal na katuparan ang mga bagay na ito sa pisikal na mga karanasan ng mga lingkod ng Diyos. Ang paraisong binanggit ni Pablo sa 2 Corinto 12:4 ay maaari ding tumukoy sa paraiso sa hinaharap, kapuwa pisikal at espirituwal, na katuparan ng mga hulang ito sa Hebreong Kasulatan, at posible ring isang pangitain tungkol sa “paraiso ng Diyos,” ang pinagpalang kalagayan sa langit.—Apo 2:7.
Pagkain sa “Paraiso ng Diyos.” Binabanggit ng Apocalipsis 2:7 ang isang “punungkahoy ng buhay” sa “paraiso ng Diyos” at na ang pagkain mula roon ay magiging pribilehiyo ng isa “na nananaig.” Yamang ang ibang mga pangako na ibinigay sa seksiyong ito ng Apocalipsis sa gayong mga nananaig ay maliwanag na nauugnay sa pagtatamo nila ng makalangit na mana (Apo 2:26-28; 3:12, 21), waring lumilitaw na sa kasong ito, ang “paraiso ng Diyos” ay makalangit. Ang salitang “punungkahoy” rito ay salin ng salitang Griego na xyʹlon, na literal na nangangahulugang “kahoy,” at sa anyong pangmaramihan ay maaaring tumukoy sa isang taniman ng mga punungkahoy. Sa makalupang Paraiso ng Eden, ang pagkain mula sa punungkahoy ng buhay ay maaari sanang nangahulugan ng walang-hanggang buhay para sa tao. (Gen 3:22-24) Maging ang bunga ng iba pang mga punungkahoy sa hardin ay tutustos sana sa buhay ng tao hangga’t nananatili siyang masunurin. Kaya maliwanag na ang pagkain mula sa “punungkahoy [o mga punungkahoy] ng buhay” sa “paraiso ng Diyos” ay nauugnay sa paglalaan ng Diyos ukol sa namamalaging buhay na ipinagkakaloob sa mga Kristiyanong nananaig, anupat ipinakikita ng ibang mga teksto na tatanggapin nila ang gantimpalang imortalidad at kawalang-kasiraan kasama ng kanilang makalangit na Ulo at Panginoon, si Kristo Jesus.—1Co 15:50-54; 1Pe 1:3, 4.