Paran
Ang malaking bahagi ng malawak na pook na ilang kung saan nagpagala-gala ang bansang Israel sa loob ng mga 38 taon bago sila pumasok sa Lupang Pangako. (Bil 10:11, 12; Deu 2:14) Yamang walang takdang mga hangganan, sakop ng Paran ang gitna at hilagang-silangang bahagi ng Peninsula ng Sinai. Nasa S nito ang bahagi ng Rift Valley na kilala bilang Araba at gayundin ang Gulpo ng ʽAqaba, sa T ay ang Ilang ng Sinai, sa TK ay ang Ilang ng Sin, at sa HK at sa H ay ang Ilang ng Etham at ang Ilang ng Sur. Sa gawing Dagat na Patay sa dakong HS, ang Paran ay dumurugtong sa Ilang ng Zin at marahil ay nagiging bahagi nito ang ilang na iyon at umaabot ito hanggang sa Beer-sheba malapit sa kabundukan ng Juda.—1Sa 25:1, 2.
Sa kalakhang bahagi ang Paran ay isang baku-bako at bulubunduking pook na batong-apog. Tulad-talampas ito sa ilang dako, anupat ang gitnang bahagi ay may taas na nasa pagitan ng 600 at 750 m (2,000 hanggang 2,500 piye). (Deu 33:2; ihambing ang Hab 3:3.) Iniulat din ito bilang bahagi ng “ilang na iyon na malaki at kakila-kilabot” na tinukoy sa Deuteronomio 1:1, 19; 8:15. Maliban na lamang kung panahon ng maikling tag-ulan, ang mabatong hitsura ng baku-bakong lalawigang ito ay salat sa luntiang pananim. Kakaunti ang mga bukal dito at malalayo sa isa’t isa. Idiniriin ng mga salik na ito kung gaano lubusang nakadepende ang bansang Israel, na marahil ay 3,000,000 katao, sa makahimalang paglalaan ni Jehova ng pagkain at tubig noong mga taon ng kanilang pagpapagala-gala sa ilang.—Exo 16:1, 4, 12-15, 35; Deu 2:7; 8:15, 16.
Lumilitaw na unang tinukoy ang Ilang ng Paran noong mga araw ni Lot nang talunin ni Kedorlaomer at ng kaniyang mga kaalyado ang ilang lunsod sa kapaligiran ng Dagat na Patay at Edom hanggang sa T sa El-paran. (Gen 14:4-6) Nang maglaon, matapos paalisin si Ismael ng kaniyang amang si Abraham, namayan siya sa Ilang ng Paran at nagpakaabala sa pangangaso.—Gen 21:20, 21.
Gayunman, ang pangunahing mga pagbanggit sa Paran ay may kaugnayan sa pagpapagala-gala ng mga Israelita. Pagkaalis sa Bundok Sinai, nagkampo ang Israel sa Tabera at sa Kibrot-hataava, pagkatapos ay sa Hazerot sa timugang gilid ng Paran, bago sila bumaling sa H patungong Kades-barnea. (Bil 10:12, 33; 11:3, 34, 35; 12:16) Di-nagtagal pagkatapos nilang pumasok sa Paran, isinugo ang 12 tiktik upang magsiyasat sa Canaan. (Bil 13:3, 26) Dahil sa masamang ulat ng karamihan pagkabalik nila, itinalaga ni Jehova na tatagal ang pananatili ng bansa sa ilang hanggang sa mamatay ang lahat ng mga rehistrado na nagbulung-bulungan laban sa Diyos. (Bil 13:31-33; 14:20-34) Sa 40 taóng iyon, ang karamihan sa mga lugar na pinagkampuhan ng Israel, mula sa Ehipto hanggang sa Lupang Pangako, ay nasa Paran.—Bil 33:1-49.
Ayon sa Griegong Septuagint, si David ay pumaroon sa Ilang ng Maon pagkamatay at pagkalibing ni Samuel. Gayunman, sinasabi ng tekstong Masoretiko, ng Syriac na Peshitta, at ng Latin na Vulgate na siya’y pumaroon sa Ilang ng Paran. (1Sa 25:1) Nang maging hari si David at makipagdigma sa Edom, ang batang Edomitang prinsipe na si Hadad, kasama ang ilan sa mga lingkod ng kaniyang ama, ay tumakas patungong Ehipto. Habang patungo roon, sumama sa kanila ang ilang lalaki ng Paran nang dumaan sila sa lupaing ito.—1Ha 11:15-18.