Pariseo
Isang prominenteng relihiyosong sekta ng Judaismo noong unang siglo C.E. Ayon sa ilang iskolar, ang pangalang ito ay literal na nangangahulugang “Mga Nakahiwalay; Mga Separatista,” na marahil ay tumutukoy sa pag-iwas nila sa seremonyal na karumihan o sa pagiging hiwalay sa mga Gentil. Hindi alam kung kailan nagsimula ang mga Pariseo bilang isang sekta. Ayon sa mga akda ng Judiong istoryador na si Josephus, noong panahon ni John Hyrcanus I (huling kalahatian ng ikalawang siglo B.C.E.), ang mga Pariseo ay isa nang maimpluwensiyang grupo. Sumulat si Josephus: “At napakalaki ng impluwensiya nila sa taong-bayan anupat magsalita man sila laban sa isang hari o mataas na saserdote, kaagad silang pinaniniwalaan.”—Jewish Antiquities, XIII, 288 (x, 5).
Nagbigay rin si Josephus ng mga detalye tungkol sa mga paniniwala ng mga Pariseo. Sinabi niya: “Naniniwala sila na ang mga kaluluwa ay nakaliligtas sa kamatayan at na sa ilalim ng lupa ay may mga gantimpala at mga kaparusahan para sa mga namuhay nang mabuti o masama: walang-hanggang pagkabilanggo ang kahihinatnan ng masasamang kaluluwa, samantalang ang mabubuting kaluluwa naman ay maalwang makatatawid tungo sa panibagong buhay.” (Jewish Antiquities, XVIII, 14 [i, 3]) “Ang bawat kaluluwa, paniwala nila, ay di-nasisira, ngunit tanging ang kaluluwa ng mabubuti ang napapasalin sa ibang katawan, samantalang ang mga kaluluwa ng mga balakyot ay dumaranas ng walang-hanggang kaparusahan.” Hinggil sa kanilang mga ideya tungkol sa tadhana o kapalaran, iniulat ni Josephus: “Ipinapalagay [nila] na ang lahat ng bagay ay nangyayari dahil sa Tadhana at sa Diyos; naniniwala sila na ang paggawa ng tama o mali, sa kalakhang bahagi, ay talagang nakasalalay sa mga tao, ngunit sa bawat pagkilos ay sangkot din ang Tadhana.”—The Jewish War, II, 162, 163 (viii, 14).
Ipinakikita ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na ang mga Pariseo ay nag-aayuno nang makalawang ulit sa isang linggo, istriktong nagbibigay ng ikapu (Mat 9:14; Mar 2:18; Luc 5:33; 11:42; 18:11, 12), at tutol sa mga Saduceo na nagsasabing “walang pagkabuhay-muli ni anghel man ni espiritu.” (Gaw 23:8) Ipinagmamapuri nila na sila’y matuwid (sa totoo, mapagmatuwid sa sarili) at hinahamak nila ang karaniwang mga tao. (Luc 18:11, 12; Ju 7:47-49) Upang pahangain ang iba sa kanilang pagiging matuwid, pinalalapad ng mga Pariseo ang mga sisidlang naglalaman ng kasulatan na isinusuot nila bilang pananggalang at pinalalaki nila ang mga palawit ng kanilang mga kasuutan. (Mat 23:5) Maibigin sila sa salapi (Luc 16:14) at hangad nila ang katanyagan at ang labis na mapamuring mga titulo. (Mat 23:6, 7; Luc 11:43) Napakakitid ng pagkakapit ng mga Pariseo sa Kautusan anupat ginawa nila itong pabigat sa taong-bayan, palibhasa’y iginigiit nilang tuparin ito ayon sa kanilang mga ideya at tradisyon. (Mat 23:4) Kinaligtaan nila ang mahahalagang bagay, samakatuwid nga, ang katarungan, awa, katapatan, at pag-ibig sa Diyos. (Mat 23:23; Luc 11:41-44) Napakasigasig ng mga Pariseo sa paggawa ng mga proselita.—Mat 23:15.
Ang pangunahing ipinakikipagtalo nila kay Kristo Jesus ay ang pangingilin ng Sabbath (Mat 12:1, 2; Mar 2:23, 24; Luc 6:1, 2), pagsunod sa tradisyon (Mat 15:1, 2; Mar 7:1-5), at pakikisama sa mga makasalanan at mga maniningil ng buwis (Mat 9:11; Mar 2:16; Luc 5:30). Lumilitaw na sa pangmalas ng mga Pariseo, nakapagpaparungis ang pakikisama sa mga taong hindi tumutupad sa Kautusan ayon sa pagkaunawa nila rito. (Luc 7:36-39) Kaya naman tumutol sila nang si Kristo Jesus ay makihalubilo sa mga makasalanan at mga maniningil ng buwis at kumain pa ngang kasama ng mga ito. (Luc 15:1, 2) Pinulaan ng mga Pariseo si Jesus at ang kaniyang mga alagad dahil sa hindi nila pagtupad sa tradisyonal na paghuhugas ng mga kamay. (Mat 15:1, 2; Mar 7:1-5; Luc 11:37, 38) Ngunit inilantad ni Jesus ang kanilang maling pangangatuwiran at ipinakitang nilalabag nila ang kautusan ng Diyos dahil sa pagsunod nila sa mga tradisyon ng mga tao. (Mat 15:3-11; Mar 7:6-15; Luc 11:39-44) Sa halip na magsaya at luwalhatiin ang Diyos dahil makahimalang nagpagaling si Kristo Jesus sa araw ng Sabbath, lubhang ikinagalit ng mga Pariseo ang diumano’y paglabag sa kautusan ng Sabbath kung kaya nagpakana silang patayin si Jesus. (Mat 12:9-14; Mar 3:1-6; Luc 6:7-11; 14:1-6) Ganito ang sinabi nila sa isang lalaking bulag na pinagaling ni Jesus sa araw ng Sabbath: “Hindi ito isang taong mula sa Diyos, sapagkat hindi niya tinutupad ang Sabbath.”—Ju 9:16.
Makikita sa saloobin ng mga Pariseo na di-matuwid at di-malinis ang kanilang panloob na pagkatao. (Mat 5:20; 23:26) Gaya ng iba pang mga Judio, kailangan silang magsisi. (Ihambing ang Mat 3:7, 8; Luc 7:30.) Ngunit mas pinili ng karamihan sa kanila na manatiling bulag sa espirituwal (Ju 9:40) at pinag-ibayo nila ang kanilang pagsalansang sa Anak ng Diyos. (Mat 21:45, 46; Ju 7:32; 11:43-53, 57) May-kabulaanang inakusahan ng ilang Pariseo si Jesus na nagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng tagapamahala ng mga demonyo (Mat 9:34; 12:24) at na isa siyang bulaang saksi. (Ju 8:13) Tinangka rin ng ilang Pariseo na takutin ang Anak ng Diyos (Luc 13:31), hinilingan siyang magtanghal sa kanila ng isang tanda (Mat 12:38; 16:1; Mar 8:11), sinikap na hulihin siya sa kaniyang pananalita (Mat 22:15; Mar 12:13; Luc 11:53, 54), at sinubok siya sa pamamagitan ng mga pagtatanong (Mat 19:3; 22:34-36; Mar 10:2; Luc 17:20). Lubusan silang napatahimik ni Jesus nang tanungin niya sila kung paanong ang panginoon ni David ay anak din ni David. (Mat 22:41-46) Kasama ang mga Pariseo sa pangkat ng mang-uumog na dumakip kay Jesus sa hardin ng Getsemani (Ju 18:3-5, 12, 13), at sa pangkat na humiling kay Pilato na pabantayang mabuti ang libingan ni Jesus upang huwag manakaw ang katawan nito.—Mat 27:62-64.
Noong panahon ng ministeryo ni Kristo Jesus sa lupa, napakalakas ng impluwensiya ng mga Pariseo anupat pati ang mga taong prominente ay takót na ipahayag siya nang lantaran. (Ju 12:42, 43) Maliwanag na isa sa kanila ay si Nicodemo, na isa ring Pariseo. (Ju 3:1, 2; 7:47-52; 19:39) Posible rin na may mga Pariseong hindi nagpakita ng matinding pagsalansang o naging mga Kristiyano nang maglaon. Halimbawa, ang Pariseong si Gamaliel ay nagpayo na huwag hadlangan ang gawain ng mga Kristiyano (Gaw 5:34-39), at ang Pariseong si Saul (Pablo) ng Tarso ay naging apostol ni Jesu-Kristo.—Gaw 26:5; Fil 3:5.