Parpar
Isa sa dalawang “ilog ng Damasco” na itinuring ni Naaman na nakahihigit kaysa sa “lahat ng tubig sa Israel.” (2Ha 5:12) Ang bagay na pangalawang binanggit ni Naaman ang Parpar ay maaaring nagpapahiwatig na ito ang mas maliit na ilog. Ang ilog na ito ay kadalasang iniuugnay sa Nahr el-ʼAʽwaj. Bukod pa sa Nahr Barada (iniuugnay sa Abana), ito lamang ang ilog sa rehiyon ng Damasco na hindi umaagos sa ibang ilog. Ngunit ang laki ng tubig ng ʼAʽwaj ay mga isang kapat lamang niyaong sa Barada. Ang mas maliliit na ilog na nagsasama-sama upang bumuo sa ʼAʽwaj ay nagsisimula sa mga silanganing dalisdis ng Bundok Hermon at nagsasanib mga 30 km (19 na mi) sa TK ng Damasco. Mula rito ang ilog ay nagpapaliku-liko sa isang malalim at mabatong agusan hanggang sa tuluyan itong maglaho sa isang latian sa dakong TS ng Damasco. Ang tuwid na distansiya na saklaw ng ilog na ito (pati na ang mga pinagmumulan nito) ay mga 64 na km (40 mi).
Ang pangunahing pagtutol sa pag-uugnay na binanggit sa itaas ay na ang ʼAʽwaj ay hindi talaga isang “ilog ng Damasco,” yamang umaagos ito nang mga 15 km (9.5 mi) at nasa mas dako pang T ng lunsod na iyon. Dahil dito, mas pabor ang ilan na iugnay ang Parpar sa Nahr Taura, isang sanga ng Nahr Barada. Gayunman, maaaring saklaw ng pagtukoy ni Naaman sa Damasco ang Kapatagan ng Damasco kung saan dumadaloy ang Nahr el-ʼAʽwaj.