Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pasanin, Pabigat

Pasanin, Pabigat

[sa Ingles, burden].

Isang dalahin; isang pasan, maaaring literal o makasagisag. Iba’t ibang salitang Hebreo at Griego ang ginagamit sa Kasulatan upang tumukoy sa isang “pasanin,” “pabigat,” o “pasan,” anupat kung minsan ay nauugnay ang mga iyon sa materyales na dala-dala ngunit kadalasa’y tumutukoy sa mga bagay na makasagisag gaya ng pananagutan, pagkakasala, o isang mensahe mula sa Diyos. Karaniwan na, ang isang pasanin ay minamalas bilang isang mabigat na pasan. Sa iba’t ibang salitang-ugat na Hebreo na nauugnay sa mga pasanin at mga pasan, isa sa mga ito (ang ka·vedhʹ) ay may saligang kahulugan na “maging mabigat.” (Gen 18:20; ihambing ang 1Sa 4:18.) Ang isa pa, ang pandiwang na·saʼʹ, ay nangangahulugan namang “dalhin; itaas” (Gen 47:30; Job 30:22) at ito ang salitang-ugat ng mas·saʼʹ, isinasalin bilang “pasanin; pasan.” (2Cr 35:3; Bil 11:11) Ang pandiwang sa·valʹ, isinalin bilang “magdala ng mga pasanin” sa Genesis 49:15, ay nauugnay sa sab·balʹ (“tagapagdala ng pasan” [Ne 4:10]) at seʹvel (“pasanin” [Ne 4:17]; “sapilitang paglilingkod” [1Ha 11:28]).

Noon, nagtalaga sa mga Israelita sa Ehipto ng mga pinuno sa puwersahang pagtatrabaho “sa layuning siilin sila sa pagdadala nila ng pasanin” at pilitin silang magbuhat at gumamit ng argamasang luwad at mga laryo bilang mga materyales sa pagtatayo. (Exo 1:11-14; 2:11) Gayunman, inilabas sila ni Jehova “mula sa ilalim ng mga pabigat ng mga Ehipsiyo.” (Exo 6:6; Aw 81:6) Kapag inililipat ng lugar ang tabernakulo at ang mga kagamitan nito, ang mga Levitang Kohatita, Gersonita, at Merarita ay may kani-kanilang espesipikong pasan na dapat buhatin. (Bil 4) Nang maglaon, nagkaroon si Solomon ng 70,000 tagapagdala ng pasan sa kaniyang napakalaking pangkat ng mga manggagawa. (1Ha 5:15; 2Cr 2:18) Nangailangan at gumamit din ng mga tagapagdala ng pasan noong kumpunihin ni Haring Josias ang templo (2Cr 34:12, 13) at, pagkaraan ng maraming taon, noong pangasiwaan ni Nehemias ang muling pagtatayo ng pader ng Jerusalem.​—Ne 4:17; tingnan ang SAPILITANG PAGLILINGKOD.

Noong sinaunang mga panahon, mga hayop ang kadalasang ginagamit upang magdala ng pasan, at ang mga Israelita ay sinabihan na kapag nakita nila ang asno ng sinumang napopoot sa kanila na nakalugmok sa ilalim ng pasan nito, sa halip na iwanan ito, dapat na ‘kalagan ito ng isang tao nang walang pagsala.’ (Exo 23:5) Ang dami ng materyales na kayang dalhin ng isang hayop ay tinatawag na pasan, gaya ng “mapapasan [o, pasan] ng isang pares na mula.”​—2Ha 5:17.

Makasagisag na Paggamit. Ang salitang Hebreo na mas·saʼʹ, kadalasang ginagamit para sa isang literal na pasan o isang pasanin, ay maaaring tumukoy sa isang “mabigat na mensahe,” gaya ng mensaheng ibinigay ng ina ni Haring Lemuel sa kaniya bilang pagtutuwid. (Kaw 31:1) Maaari rin itong tumukoy sa isang kapahayagan. (Isa 13:1; 14:28; Eze 12:10; Na 1:1) Kadalasan, ang kapahayagang iyon ay pagtuligsa sa kabalakyutan at sa gayo’y tulad ng isang mabigat na pasanin ng kahatulan.

Maaaring ihagis kay Jehova ng taong tapat sa Diyos ang kaniyang makasagisag na pasanin, o ang takdang bahagi niya sa mga bagay na gaya ng mga pagsubok at mga kabalisahan. Kaya naman ipinahayag ni David: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo. Hindi niya kailanman ipahihintulot na ang matuwid ay makilos.” (Aw 55:22; ihambing ang 1Pe 5:6, 7.) Naantig din si David na bumulalas: “Pagpalain nawa si Jehova, na sa araw-araw ay siyang nagdadala ng pasan para sa atin, ang tunay na Diyos ng ating kaligtasan.”​—Aw 68:19.

Ang “pasanin” ay maaaring tumukoy sa isang pananagutang iniatang ni Kristo. (Apo 2:24) Minagaling ng banal na espiritu at ng Kristiyanong lupong tagapamahala na huwag nang magdagdag ng higit pang “pasanin” sa mga Kristiyano maliban sa mga bagay na kinakailangan, samakatuwid nga, “na patuloy na umiwas sa mga bagay na inihain sa mga idolo at sa dugo at sa mga bagay na binigti at sa pakikiapid.”​—Gaw 15:28, 29.

Sa iba pang diwa, tiniyak ni Pablo sa mga taga-Corinto na hindi siya magiging pabigat sa kanila at na hindi niya ninanasa ang kanilang mga ari-arian kundi “buong lugod [siyang] gugugol at lubusang magpapagugol” para sa kanilang mga kaluluwa. (2Co 12:14-18) Bilang isang apostol ni Kristo, si Pablo ay maaari namang maging isang “magastos na pasanin” sa mga Kristiyano sa Tesalonica. Gayunman, siya’y hindi man lamang kumain ng pagkain mula sa sinuman nang walang bayad at maaari niyang ipaalaala sa kanila na “sa pagtatrabaho at pagpapagal gabi at araw ay gumagawa kami upang hindi kami magpataw ng magastos na pasanin sa kaninuman sa inyo,” hindi dahil wala siyang awtoridad na gawin iyon, kundi upang magsilbing halimbawa na matutularan nila.​—2Te 3:7-10.

Tinuligsa ni Jesus ang mga eskriba at mga Pariseo, anupat sinabi niya: “Nagbibigkis sila ng mabibigat na pasan at ipinapasan ang mga ito sa mga balikat ng mga tao, ngunit ayaw man lamang nilang galawin ang mga ito ng kanilang daliri.” (Mat 23:2, 4) Maliwanag na ang tinutukoy ni Jesus ay ang kuntil-butil na mga alituntunin at ang nagpapahirap na mga tradisyon na ipinataw ng mga lalaking ito sa karaniwang mga tao, anupat ayaw nilang alisin ang isa man lamang maliit na tuntunin upang mapagaan ang mga bagay-bagay para sa mga iyon.​—Mat 23:13, 23, 24.

Sa kabilang dako naman, pinalaya ni Jesus ang mga tao sa espirituwal na paraan mula sa gayong mapaniil na mga tradisyon. (Ju 8:31, 32) Inanyayahan niya yaong mga nagpapagal at nabibigatan na pumaroon sila sa kaniya, pasanin ang kaniyang pamatok, at maging kaniyang mga alagad, sapagkat siya ay mahinahong-loob at mababa ang puso, anupat masusumpungan nila ang kaginhawahan ng kanilang mga kaluluwa. Sinabi niya: “Ang aking pamatok ay may-kabaitan at ang aking pasan ay magaan.” (Mat 11:28-30) Si Kristo ay hindi mabagsik o mapaniil kundi mabait, at yaong mga pumaparoon sa kaniya ay pakikitunguhan sa wastong paraan. Kung ihahambing sa pamatok na iniatang ng mga relihiyosong tradisyonista sa mga tao, ang pamatok ni Kristo ay maituturing na magaan. Maaari ring ang ibig sabihin ni Jesus ay na yaong mga nanghihimagod dahil sa pasanin ng kasalanan at kamalian ay dapat pumaroon sa kaniya para sa espirituwal na kaginhawahan. Maliwanag na kasangkot sa pagdadala ng isang tao ng magaan na “pasan” ni Jesus ang pagkakaroon ng kabatiran sa mga kahilingan ng Diyos at ang pagtupad sa mga ito, isang bagay na kinalugdang gawin ni Jesus noong panahon ng kaniyang buhay at ministeryo sa lupa. (Ju 17:3; 4:34) Nang maglaon, inihalintulad ni Pablo ang landasing Kristiyano sa pagtakbo sa isang karerahan at hinimok niya ang kaniyang mga kapananampalataya na magbawas ng mga pabigat sa kanilang sarili, anupat sinabihan niya sila na alisin “ang bawat pabigat at ang kasalanan na madaling nakasasalabid sa atin,” at ‘takbuhin nang may pagbabata ang takbuhan na inilagay sa harap natin,’ samantalang nakatinging mabuti sa “Punong Ahente at Tagapagpasakdal ng ating pananampalataya, si Jesus.”​—Heb 12:1, 2.

Pagdadala ng mga Pasanin ng Iba. Sumulat si Pablo sa mga taga-Galacia: “Patuloy ninyong dalhin ang mga pasanin [o, “nakababagabag na mga bagay”; sa literal, “mabibigat na bagay”] ng isa’t isa, at sa gayon ay tuparin ninyo ang kautusan ng Kristo.” (Gal 6:2, tlb sa Rbi8) Dito, ang ginamit ng apostol para sa “mga pasanin” ay baʹre, ang anyong pangmaramihan ng baʹros, isang salitang Griego na palaging ginagamit upang tumukoy sa anumang bagay na nagpapahirap o mabigat. Tiyak na ang kasalanan at, samakatuwid, ang pasanin ng isang tao dahil sa paggawa ng “maling hakbang” (tinukoy sa naunang talata) ay hindi magaan kundi mabigat. Gayunman, sinasabi ng apostol sa talata 5: “Sapagkat ang bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan,” samakatuwid nga, ang kaniyang pasan ng pananagutan. Para sa “pasan,” ginamit dito ni Pablo ang salitang Griego na phor·tiʹon, nangangahulugang anumang bagay na binubuhat o dinadala, anupat hindi nagpapahiwatig ng bigat ng bagay na iyon. Kaya ipinakikita niya sa mga talatang ito ang pagkakaiba ng “pasanin” at ng “pasan.” Ipinahihiwatig nito na kung ang isang Kristiyano ay magkaroon ng suliranin sa espirituwal na napakahirap para sa kaniya na batahin, dapat siyang tulungan ng kaniyang mga kapananampalataya, sa gayon ay tinutulungan nila ang iba sa pagdadala ng pasanin. Nagpapamalas ng pag-ibig ang gayong mga tao at sa gayon ay tinutupad nila ang kautusan ni Kristo. (Ju 13:34, 35) Kasuwato ito ng sinabi ni Pablo, na nakaulat sa Galacia 6:1, tungkol sa pagsisikap na maisauli ang isang tao sa espirituwal na paraan, isang bagay na posible sa pamamagitan ng pag-ibig, kabaitan, at panalangin. (Ihambing ang San 5:13-16.) Gayunman, gaya ng sumunod na ipinakita ng apostol, ang pagdadala ng mga pasanin ng isa’t isa ay hindi nangangahulugang dapat dalhin ng isang tao ang pasan ng kaniyang kapuwa may kaugnayan sa espirituwal na pananagutan nito sa Diyos. Sa konteksto ring iyon, nililinaw ni Pablo na nililinlang ng isang tao ang kaniyang sariling isipan kung iniisip niya na siya ay mahalaga samantalang siya ay walang anuman, at hinimok ng apostol ang mga Kristiyano na ‘patunayan kung ano ang kaniyang sariling gawa,’ sapagkat “kung magkagayon ay magkakaroon siya ng dahilan na magbunyi may kinalaman sa kaniyang sarili lamang, at hindi kung ihahambing sa ibang tao.” (Gal 6:3, 4; ihambing ang 2Co 10:12.) Pagkatapos, sinabi ng apostol na “ang bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan” ng pananagutan sa harap ng Kataas-taasang Hukom, ang Diyos na Jehova.