Patiunang Kaalaman, Patiunang Pagtatalaga
Ang patiunang kaalaman ay nangangahulugan ng pagkaalam sa isang bagay bago iyon mangyari o umiral. Sa Bibliya, pangunahin itong iniuugnay sa Diyos na Jehova na Maylalang at sa kaniyang mga layunin, bagaman hindi sa lahat ng pagkakataon. Ang patiunang pagtatalaga naman ay nangangahulugan ng patiunang pagtatakda, o pagpapasiya na maganap o umiral ang isang bagay.
Mga Salita sa Orihinal na Wika. Ang mga salita na karaniwang isinasalin bilang “patiunang alamin,” “patiunang kaalaman,” at “patiunang italaga” ay masusumpungan sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, bagaman ang kahawig na mga ideya ay matatagpuan din sa Hebreong Kasulatan.
Ang “patiunang kaalaman” ay isinalin mula sa Griegong proʹgno·sis (nanggaling sa pro, sa unahan, at gnoʹsis, kaalaman). (Gaw 2:23; 1Pe 1:2) Ang kaugnay na pandiwang pro·gi·noʹsko ay dalawang beses na ginamit may kinalaman sa mga tao: nang sabihin ni Pablo na ang ilang Judio ay “dati nang nakakakilala” sa kaniya, at nang tukuyin ni Pedro ang “patiunang kaalamang” taglay ng mga pinatungkulan niya ng kaniyang ikalawang liham. (Gaw 26:4, 5; 2Pe 3:17) Sa huling nabanggit na kaso, maliwanag na hindi lubusan ang gayong patiunang kaalaman; samakatuwid nga, hindi iyon nangahulugan na alam ng mga Kristiyanong iyon ang lahat ng detalye hinggil sa panahon, lugar, at sirkumstansiya ng panghinaharap na mga pangyayari at kalagayan na tinalakay ni Pedro. Ngunit may ideya sila sa kung ano ang aasahan, dahil naipagbigay-alam ito sa kanila bilang resulta ng pagkasi ng Diyos kay Pedro at sa iba pang mga manunulat ng Bibliya.
Ang “patiunang italaga” ay isinalin mula sa Griegong pro·o·riʹzo (nanggaling sa pro, sa unahan, at ho·riʹzo, itakda ang mga hangganan). Ang Luc 22:22; Gaw 17:26) Ang gayunding pandiwa ay ginagamit may kinalaman sa pagpapasiya ng mga tao, gaya noong ‘magpasiya [hoʹri·san]’ ang mga alagad na magpadala ng tulong sa kanilang nagdarahop na mga kapatid. (Gaw 11:29) Gayunman, sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang espesipikong mga pagtukoy sa patiunang pagtatalaga ay tanging sa Diyos lamang ikinakapit.
kahulugan ng pandiwang Griego na ho·riʹzo ay makikita sa sinabi ni Jesu-Kristo na siya, bilang ang “Anak ng tao,” ay “yayaon ayon sa itinakda [ho·ri·smeʹnon].” Sinabi ni Pablo na “itinalaga [itinakda, ho·riʹsas] niya [ng Diyos] ang mga takdang panahon at ang tiyak na mga hangganan ng pananahanan ng mga tao.” (Mga Salik na Dapat Kilalanin. Upang maunawaan ang patiunang kaalaman at patiunang pagtatalaga ng Diyos, may ilang salik na dapat kilalanin.
Una, malinaw na sinasabi sa Bibliya na may kakayahan ang Diyos na patiunang alamin at patiunang italaga ang mga bagay-bagay. Iniharap ni Jehova mismo bilang patotoo ng kaniyang pagka-Diyos ang kakayahan niyang ito na patiunang makaalam at patiunang magtalaga ng mga gawa ng pagliligtas, gayundin ng mga gawa ng paghatol at pagpaparusa, at pagkatapos ay isakatuparan ang mga iyon. Naging saksi sa katotohanang ito ang kaniyang piling bayan. (Isa 44:6-9; 48:3-8) Ang gayong patiunang kaalaman at patiunang pagtatalaga ng Diyos ang saligan ng lahat ng tunay na hula. (Isa 42:9; Jer 50:45; Am 3:7, 8) Hinamon ng Diyos ang mga bansang sumasalansang sa kaniyang bayan na patunayan ang inaangkin nilang pagkadiyos ng kanilang mga makapangyarihan at ng kanilang mga diyos na idolo, anupat nanawagan siya sa kanila na humula ng katulad na mga gawa ng pagliligtas o paghatol at pagkatapos ay pangyarihin ang mga iyon. Ipinakikita ng pagiging inutil nila sa bagay na ito na ang kanilang mga idolo ay ‘hangin at kabulaanan lamang.’—Isa 41:1-10, 21-29; 43:9-15; 45:20, 21.
Ang ikalawang salik na dapat isaalang-alang ay ang kakayahan at kalayaang magpasiya ng matatalinong nilalang ng Diyos. Ipinakikita ng Kasulatan na ibinibigay ng Diyos sa gayong mga nilalang ang pribilehiyo at pananagutan na gumawa ng malayang pagpili, na malayang makapagpasiya (Deu 30:19, 20; Jos 24:15), sa gayo’y pinananagot sila sa kanilang mga pagkilos. (Gen 2:16, 17; 3:11-19; Ro 14:10-12; Heb 4:13) Kaya naman hindi sila hamak na mga robot lamang. Hindi masasabi na ang tao ay talagang nilalang ayon sa “larawan ng Diyos” kung wala siyang kakayahan at kalayaang magpasiya. (Gen 1:26, 27; tingnan ang KALAYAAN.) Makatuwiran lamang na walang pagkakasalungatan ang patiunang kaalaman ng Diyos (gayundin ang kaniyang patiunang pagtatalaga) at ang kakayahan at kalayaang magpasiya ng kaniyang matatalinong nilalang.
Ang ikatlong salik na dapat isaalang-alang, na nakakaligtaan kung minsan, ay ang moral na mga pamantayan at mga katangian ng Diyos, kasama na ang kaniyang katarungan, pagkamatapat, kawalang-pagtatangi, pag-ibig, awa, at kabaitan. Sa gayon, ang anumang pagkaunawa sa paggamit ng Diyos ng kaniyang kapangyarihan na patiunang makaalam at patiunang magtalaga ay dapat na makasuwato, hindi lamang ng ilan sa mga salik na ito, kundi ng lahat ng ito. Sabihin pa, ang anumang bagay na patiunang aalamin ng Diyos ay tiyak na mangyayari, anupat masasabi na may kakayahan siyang tawagin ang “mga bagay na wala na para bang ang mga iyon ay umiiral.”—Ro 4:17.
Patiuna bang alam ng Diyos ang lahat ng gagawin ng mga tao?
Dahil dito ay bumabangon ang tanong: Wala bang limitasyon ang patiunang pag-alam ng Diyos sa mga bagay-bagay? Patiuna ba niyang nakikita at nalalaman ang lahat ng pagkilos sa hinaharap ng lahat ng kaniyang mga nilalang na espiritu at tao? At patiuna ba niyang itinatalaga ang gayong mga pagkilos o itinatadhana pa nga ang huling kahihinatnan ng lahat ng kaniyang nilalang, anupat ginagawa iyon bago pa man sila umiral?
Sa kabilang banda, pinipili at pinagpapasiyahan ba ng Diyos kung ano ang kaniyang patiunang aalamin, sa gayo’y tinitingnan at inaalam niya ang mga bagay na ipinasiya niyang tingnan at alamin nang patiuna, samantalang hindi naman niya tinitingnan o inaalam ang mga bagay na ipinasiya niyang huwag tingnan o alamin nang patiuna? At, sa halip na alam na ng Diyos ang walang-hanggang kahihinatnan ng kaniyang mga nilalang bago pa man sila umiral, hindi ba niya ito pinagpapasiyahan batay sa paghatol niya sa kanilang landasin sa buhay at sa napatunayang saloobin nila sa ilalim ng pagsubok? Ang mga sagot sa mga tanong na ito ay dapat na magmula sa Kasulatan mismo at sa impormasyong inilalaan nito may kinalaman sa mga pagkilos ng Diyos at sa mga pakikitungo niya sa kaniyang mga nilalang, kasama na yaong isiniwalat sa pamamagitan ng kaniyang Anak na si Kristo Jesus.—1Co 2:16.
Ang turo ng pagtatadhana. Ang pangmalas na walang limitasyon ang patiunang pag-alam ng Diyos sa mga bagay-bagay at na patiuna niyang itinatalaga ang landasin at kahihinatnan ng lahat ng indibiduwal ay tinatawag na pagtatadhana. Ikinakatuwiran ng mga tagapagtaguyod nito na yamang Ro 9:10-13); at binabanggit nila ang mga tekstong gaya ng Efeso 1:4, 5 bilang ebidensiya na patiunang inalam at patiunang itinalaga ng Diyos ang hinaharap ng lahat ng kaniyang nilalang bago pa man niya simulan ang paglalang.
ang Diyos ay kataas-taasan at sakdal, dapat ay alam niya ang lahat ng bagay, hindi lamang ang nakaraan at ang kasalukuyan kundi pati ang hinaharap. Ayon sa konseptong ito, hindi sakdal ang Diyos kung hindi niya patiunang nalalaman ang lahat ng bagay hanggang sa kaliit-liitang detalye. Inihaharap nila ang mga halimbawang gaya ng nangyari sa kambal na mga anak ni Isaac, sina Esau at Jacob, bilang katibayan na patiunang itinatalaga ng Diyos ang mga nilalang bago sila isilang (Mangyari pa, upang masabing tama ang ganitong pangmalas, dapat na kasuwato ito ng lahat ng salik na nabanggit na, pati na ng impormasyong inilalaan ng Kasulatan tungkol sa mga katangian, mga pamantayan, at mga layunin ng Diyos, at tungkol sa kaniyang matuwid na pakikitungo sa kaniyang mga nilalang. (Apo 15:3, 4) Kung gayon, angkop lamang na isaalang-alang natin ang mga implikasyon ng turo ng pagtatadhana.
Batay sa konseptong ito, bago lalangin ng Diyos ang mga anghel o ang makalupang tao, ginamit niya ang kaniyang kapangyarihan na patiunang alamin ang mga bagay-bagay at sa gayo’y patiuna niyang nakita at nalaman ang lahat ng magiging resulta ng kaniyang paglalang, kasama na ang paghihimagsik ng isa sa kaniyang mga espiritung anak, ang paghihimagsik ng unang mag-asawa sa Eden (Gen 3:1-6; Ju 8:44), at ang lahat ng masasamang bunga ng gayong paghihimagsik hanggang sa kasalukuyan at sa hinaharap. Mangangahulugan ito na bago pa magsimula ang paglalang, ang lahat ng kabalakyutang naganap sa kasaysayan (ang krimen at imoralidad, ang paniniil at ang dulot nitong pagdurusa, ang pagsisinungaling at pagpapaimbabaw, ang huwad na pagsamba at idolatriya) ay dati nang umiiral, bagaman sa kaisipan lamang ng Diyos, dahil patiuna na niyang inalam ang kaliit-liitang detalye ng lahat ng mangyayari sa hinaharap.
Kung talagang ginamit ng Maylalang ng sangkatauhan ang kaniyang kapangyarihan na patiunang alamin ang lahat ng pangyayari sa kasaysayan mula nang lalangin ang tao, mangangahulugan ito na ang lahat ng kabalakyutang naganap mula noon ay sinadyang pasimulan ng Diyos nang sabihin niya: “Gawin natin ang tao.” (Gen 1:26) Dahil sa mga nabanggit, nalalagay sa alanganin ang pagiging makatuwiran at mapananaligan ng konsepto ng pagtatadhana; lalo na yamang ipinakikita ng alagad na si Santiago na ang kaguluhan at ang iba pang buktot na mga bagay ay hindi nagmumula sa makalangit na presensiya ng Diyos kundi sa halip ay ‘makalupa, makahayop, at makademonyo.’—San 3:14-18.
Wala nga bang limitasyon ang patiunang pag-alam ng Diyos sa mga bagay-bagay? Sa katunayan, ang pagsasabing hindi sakdal ang Diyos kung hindi niya alam ang lahat ng detalye ng lahat ng mga pangyayari at mga kalagayan sa hinaharap ay personal na opinyon lamang hinggil sa kasakdalan. Ang kasakdalan, sa tamang kahulugan nito, ay hindi humihiling ng gayong lubus-lubusan at napakalawak na pagkakapit, yamang ang kasakdalan ng anumang bagay ay aktuwal na nakadepende sa ganap na pag-abot nito sa mga pamantayan ng kahusayan na itinakda ng isa na kuwalipikadong humatol dito. (Tingnan ang KASAKDALAN.) Sa katapus-tapusan, ang sariling kalooban at kaluguran ng Diyos, hindi ang mga opinyon o mga konsepto ng tao, ang mga salik na dapat pagbatayan kung sakdal ang isang bagay.—Deu 32:4; 2Sa 22:31; Isa 46:10.
Bilang paglalarawan, walang alinlangang ang kapangyarihan ng Diyos ay sakdal at walang limitasyon. (1Cr 29:11, 12; Job 36:22; 37:23) Ngunit bagaman sakdal siya sa kalakasan, hindi ito nangangahulugan na sa lahat ng pagkakataon ay gagamitin niya nang lubus-lubusan ang kaniyang kapangyarihan. Maliwanag na hindi iyon ginagawa ng Diyos; kung ginawa niya iyon noon, malamang na hindi lamang ilang sinaunang lunsod at ilang bansa ang napuksa, kundi baka pati ang lupa at ang lahat ng naririto ay matagal nang napawi dahil sa mga paglalapat ng Diyos ng kahatulan, na may kalakip na makapangyarihang mga pagpapamalas ng di-pagsang-ayon at poot, gaya noong Baha at sa iba pang mga pagkakataon. (Gen 6:5-8; 19:23-25, 29; ihambing ang Exo 9:13-16; Jer 30:23, 24.) Samakatuwid, ang paggamit ng Diyos ng kaniyang kapangyarihan ay hindi walang patumangga kundi palagi itong inuugitan ng kaniyang layunin at tinitimbangan ng kaniyang awa kapag may saligan para roon.—Ne 9:31; Aw 78:38, 39; Jer 30:11; Pan 3:22; Eze 20:17.
Sa katulad na paraan, kung ipapasiya ng Diyos, sa partikular na mga kaso, na gamitin ang kaniyang walang-limitasyong kakayahan na patiunang alamin ang mga bagay-bagay sa paraang mapamili at sa antas na ikinalulugod niya, tiyak na walang tao o anghel ang may-kawastuang makapagsasabi: “Ano ang iyong ginagawa?” (Job 9:12; Isa 45:9; Dan 4:35) Samakatuwid, ang isyu ay hindi ang kakayahan, o kung ano ang kaya ng Diyos na patiunang tingnan, patiunang alamin, at patiunang italaga, sapagkat “sa Diyos ay posible ang lahat ng mga bagay.” (Mat 19:26) Ang isyu ay kung ano ang minamarapat ng Diyos na patiunang tingnan, patiunang alamin, at patiunang italaga, sapagkat “ang lahat ng kinalugdan niyang gawin ay kaniyang ginawa.”—Aw 115:3.
Mapamiling paggamit ng patiunang kaalaman. Ang mapamiling paggamit ng Diyos sa kaniyang kapangyarihan na patiunang alamin ang mga bagay-bagay, na kabaligtaran ng pagtatadhana, ay dapat na makasuwato ng matuwid na mga pamantayan ng Diyos at makaayon niyaong isiniwalat niya sa kaniyang Salita tungkol sa kaniyang sarili. Salungat sa teoriya ng pagtatadhana, ipinakikita sa maraming teksto na sinusuri ng Diyos ang situwasyong bumabangon at gumagawa siya ng pasiya salig sa gayong pagsusuri.
Halimbawa, inilalahad sa Genesis 11:5-8 na itinuon ng Diyos ang kaniyang pansin sa lupa, sinuri niya ang situwasyon sa Babel, at, noong pagkakataong iyon, ipinasiya niya kung anong pagkilos ang gagawin upang mapatigil ang tiwaling proyekto roon. Nang lumago ang kabalakyutan sa Sodoma at Gomorra, ipinabatid ni Jehova kay Abraham ang kaniyang pasiya na magsiyasat (sa pamamagitan ng kaniyang mga anghel) upang “makita ko kung talagang gumagawi sila ayon sa daing tungkol doon na dumating sa akin, at kung hindi ay malalaman ko iyon.” (Gen 18:20-22; 19:1) Binanggit ng Diyos na ‘kinilala niya si Abraham,’ at nang ihahain na ni Abraham si Isaac, sinabi ni Jehova, “Sapagkat ngayon ay nalalaman ko ngang ikaw ay may takot sa Diyos sa dahilang hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong anak, ang iyong kaisa-isa.”—Gen 18:19; 22:11, 12; ihambing ang Ne 9:7, 8; Gal 4:9.
Ang mapamiling paggamit ng patiunang kaalaman ay nangangahulugan na maaaring piliin ng Diyos na huwag patiunang alamin ang lahat ng pagkilos ng kaniyang mga nilalang sa hinaharap. Mangangahulugan iyan na ang buong kasaysayan mula sa paglalang ay hindi pag-uulit lamang ng mga pangyayari na patiuna nang nakita at naitalaga ng Diyos, kundi sa halip ay buong-kataimtimang maiaalok ng Diyos sa unang mag-asawa ang pag-asang mabuhay nang walang hanggan sa isang lupa na walang kabalakyutan. Sa gayon, nang tagubilinan niya ang kaniyang unang mga taong anak na maging kaniyang sakdal at walang-kasalanang mga ahente upang punuin ang lupa ng kanilang mga supling at gawin iyon na isang paraiso, at gayundin upang supilin ang mga nilalang na hayop, ang ipinagkaloob niya sa kanila ay isang tunay na maibiging pribilehiyo na taimtim niyang ninais para sa kanila, anupat hindi niya sila basta binigyan ng isang atas na nakatalagang hindi nila maisasagawa. Bukod diyan, ang pagsasaayos ng Diyos ng isang pagsubok sa pamamagitan ng “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama” at ang paglalang niya ng “punungkahoy ng buhay” sa hardin ng Eden ay hindi walang-kabuluhan o mapangutyang mga pagkilos, na magkakagayon nga kung patiuna niyang alam na ang mag-asawa ay magkakasala at hindi kailanman makakakain mula sa “punungkahoy ng buhay.”—Gen 1:28; 2:7-9, 15-17; 3:22-24.
Ang pag-aalok sa isang tao ng isang bagay na lubhang kanais-nais salig sa mga kundisyong batid na antimano na hindi niya maaabot ay maliwanag na kapuwa kapaimbabawan at kalupitan. Ang pag-asang buhay na walang hanggan ay inihaharap sa Salita ng Diyos bilang isang tunguhin para sa lahat ng tao, isang tunguhin na posibleng maabot. Matapos himukin ang kaniyang mga tagapakinig na ‘patuloy na humingi’ ng mabubuting bagay mula sa Diyos, sinabi ni Jesus na ang isang ama ay hindi magbibigay ng bato o serpiyente sa kaniyang anak na humihingi ng tinapay o isda. Pagkatapos, upang ipakitang hindi binibigo ng kaniyang Ama ang lehitimong mga hangarin ng isang tao, sinabi ni Jesus: “Samakatuwid, kung kayo, bagaman balakyot, ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, lalo pa ngang higit na ang inyong Ama na nasa langit ay magbibigay ng mabubuting bagay sa mga humihingi sa kaniya?”—Mat 7:7-11.
Sa gayon, ang mga paanyaya at mga pagkakataong tumanggap ng mga kapakinabangan at walang-hanggang mga pagpapala ay inilagay ng Diyos nang may katapatan sa harap ng lahat ng tao. (Mat 21:22; San 1:5, 6) Maaari niyang himukin nang buong kataimtiman ang mga tao na ‘manumbalik mula sa pagsalansang at patuloy na mabuhay,’ gaya ng paghimok niya sa bayan ng Israel. (Eze 18:23, 30-32; ihambing ang Jer 29:11, 12.) Makatuwirang sabihin na hindi niya magagawa iyon kung patiuna niyang alam na bawat isa sa kanila ay nakatadhana nang mamatay dahil sa kabalakyutan. (Ihambing ang Gaw 17:30, 31; 1Ti 2:3, 4.) Gaya ng sinabi ni Jehova sa Israel: “Ni sinabi ko man sa binhi ni Jacob, ‘Hanapin ninyo ako nang walang kabuluhan.’ Ako ay si Jehova, na nagsasalita ng bagay na matuwid, nagsasabi ng bagay na matapat. . . . Bumaling kayo sa akin at maligtas, lahat kayong nasa mga dulo ng lupa.”—Isa 45:19-22.
Sa gayunding diwa, ang apostol na si Pedro ay sumulat: “Si Jehova ay hindi mabagal may kinalaman sa kaniyang pangako [hinggil sa dumarating na araw ng pagtutuos], gaya ng itinuturing ng ilang tao na kabagalan, kundi siya ay matiisin sa inyo sapagkat hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa kundi nais niya na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” (2Pe 3:9) Kung patiuna nang inalam at itinalaga ng Diyos libu-libong taon ang kaagahan kung sinu-sinong indibiduwal ang tatanggap ng walang-hanggang kaligtasan at kung sinu-sinong indibiduwal ang tatanggap ng walang-hanggang kapuksaan, baka itanong natin kung ano ang saysay ng gayong ‘pagtitiis’ ng Diyos at kung gaano kataimtim ang kaniyang pagnanais na “ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” Isinulat ng kinasihang apostol na si Juan na “ang Diyos ay pag-ibig,” at sinabi ng apostol na si Pablo na ‘inaasahan ng pag-ibig ang lahat ng bagay.’ (1Ju 4:8; 1Co 13:4, 7) Kasuwato ng nangingibabaw na katangiang ito ng Diyos, maaasahan lamang na magpapakita siya ng isang tunay na tapat at mabait na saloobin sa lahat ng tao, anupat nanaisin niyang magtamo sila ng kaligtasan, maliban na lamang kung patunayan nilang hindi sila karapat-dapat at wala na silang pag-asang magbago. (Ihambing ang 2Pe 3:9; Heb 6:4-12.) Kaya naman binanggit ng apostol na si Pablo ang tungkol sa “kabaitan ng Diyos [na] nagsisikap na akayin ka sa pagsisisi.”—Ro 2:4-6.
Bilang panghuli, kung sa pamamagitan ng patiunang kaalaman ng Diyos ay permanente nang pinagkaitan ng pagkakataong makinabang sa haing pantubos ni Kristo Jesus ang ilang indibiduwal, marahil ay ang milyun-milyon pa nga, bago pa man sila isilang, anupat wala na silang anumang magagawa upang maging karapat-dapat, hindi talaga masasabi na inilaan ang pantubos para sa lahat ng tao. (2Co 5:14, 15; 1Ti 2:5, 6; Heb 2:9) Maliwanag na hindi basta makasagisag na pananalita ang kawalang-pagtatangi ng Diyos. “Sa bawat bansa ang tao na natatakot sa [Diyos] at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Gaw 10:34, 35; Deu 10:17; Ro 2:11) Tunay na bukás sa lahat ng tao ang pagkakataong “hanapin . . . ang Diyos, kung maaapuhap nila siya at talagang masusumpungan siya, bagaman, sa katunayan, hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.” (Gaw 17:26, 27) Samakatuwid, hindi isang walang-katuturang pag-asa o walang-saysay na pangako ang iniaalok ng Diyos sa katapusan ng aklat ng Apocalipsis: “Ang sinumang nakikinig ay magsabi: ‘Halika!’ At ang sinumang nauuhaw ay pumarito; ang sinumang nagnanais ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.”—Apo 22:17.
Ang mga Bagay na Patiunang Inalam at Patiunang Itinalaga. Sa buong rekord ng Bibliya, ang patiunang pag-alam at patiunang pagtatalaga ng Diyos sa mga bagay-bagay ay palaging kaugnay ng kaniyang mga layunin at kalooban. Ang salitang “maglayon” ay nangangahulugan ng paglalagay ng isang bagay sa harapan bilang tunguhin o bagay na aabutin. (Ang salitang Griego na proʹthe·sis, isinasaling “layunin,” ay literal na nangangahulugang “paglalagay [ng isang bagay] sa harap o sa unahan.”) Yamang tiyak na magtatagumpay ang mga layunin ng Diyos, maaari niyang patiunang alamin ang magiging resulta ng mga iyon, ang sukdulang katuparan ng kaniyang mga layunin, at maaari niyang patiunang italaga ang mga iyon pati na ang mga hakbang na mamarapatin niyang isagawa upang matupad ang mga iyon. (Isa 14:24-27) Kaya naman sinasabi ng Kasulatan na kaniyang ‘inaanyuan’ o ‘hinuhubog’ (mula sa Hebreong ya·tsarʹ, kaugnay ng salita para sa “magpapalayok” [Jer 18:4]) ang kaniyang layunin may kinalaman sa mga pangyayari o mga pagkilos sa hinaharap. (2Ha 19:25; Isa 46:11; ihambing ang Isa 45:9-13, 18.) Bilang ang Dakilang Magpapalayok, ‘pinakikilos ng Diyos ang lahat ng mga bagay ayon sa ipinapasiya ng kaniyang kalooban,’ kasuwato ng kaniyang layunin (Efe 1:11), at ‘pinangyayari niya na ang lahat ng kaniyang mga gawa ay magkatulung-tulong’ sa ikabubuti ng mga umiibig sa kaniya. (Ro 8:28) Samakatuwid, sinasabi ng Diyos ang “wakas mula pa sa pasimula, at [ang] mga bagay na hindi pa nagagawa mula pa noong sinaunang panahon” partikular na kung ang mga iyon ay may kaugnayan sa kaniyang mga layunin na patiuna niyang itinalaga.—Isa 46:9-13.
Sakdal ang unang mag-asawa nang lalangin sila ng Diyos, at maaaring tingnan ng Diyos ang resulta ng lahat ng kaniyang gawang paglalang at sabihing iyon ay “napakabuti.” (Gen 1:26, 31; Deu 32:4) Sa halip na may-paghihinalang alamin kung ano ang gagawin ng mag-asawa sa hinaharap, sinasabi ng ulat na siya ay “nagpasimulang magpahinga.” (Gen 2:2) Maaari niyang gawin iyon yamang siya ang Makapangyarihan-sa-lahat at nagtataglay siya ng sukdulang karunungan; kaya naman walang pagkilos, kalagayan, o di-inaasahang pangyayari sa hinaharap ang maaaring maging balakid na di-mapagtatagumpayan o suliranin na di-malulutas upang makahadlang sa katuparan ng kaniyang layunin bilang Soberano. (2Cr 20:6; Isa 14:27; Dan 4:35) Samakatuwid, walang saligan sa Kasulatan ang argumento ng pagtatadhana na diumano’y manganganib ang mga layunin ng Diyos kung hindi niya patiunang aalamin ang mga bagay-bagay, anupat ang mga iyon ay “laging posibleng masira dahil sa kawalan ng patiunang kaalaman, at kailangan niyang patuluyang ituwid ang kaniyang kaayusan, kapag nawawala ito sa ayos, dahil sa di-inaasahang mga pagkilos ng mga nilalang na may kakayahang magpasiya.” Hindi rin magiging dahilan ang mapamiling paggamit na ito ng patiunang kaalaman upang magkaroon ang kaniyang mga nilalang ng kapangyarihang “sirain ang mga pamamaraan [ng Diyos], pangyarihin na patuluyan siyang magbago ng isip, isailalim siya sa kaligaligan, at dulutan siya ng kalituhan,” gaya ng inaangkin ng mga nagtataguyod ng pagtatadhana. (Cyclopædia nina M’Clintock at Strong, 1894, Tomo VIII, p. 556) Kung kahit ang makalupang mga lingkod ng Diyos ay walang tunay na dahilan upang “mabalisa tungkol sa susunod na araw,” makatuwirang isipin na hindi rin nakadama o nakadarama ng gayong kabalisahan ang kanilang Maylalang, na sa kaniya’y gaya ng “isang patak mula sa timba” ang mga bansa.—Mat 6:34; Isa 40:15.
May kinalaman sa mga grupo ng mga tao. May mga kaso ring binanggit kung saan talagang patiunang inalam ng Diyos ang landasing tatahakin ng partikular na mga grupo, mga bansa, o ng karamihan sa sangkatauhan, at sa gayon ay inihula niya ang pangkalahatang landasin ng kanilang mga pagkilos sa hinaharap at patiuna niyang itinalaga kung anong kaukulang pagkilos ang gagawin niya may kinalaman sa mga iyon. Gayunman, sa kabila ng gayong patiunang pag-alam o patiunang pagtatalaga, ang mga indibiduwal na kabilang sa gayong mga grupo o mga dibisyon ng sangkatauhan ay may kalayaan pa ring pumili ng partikular na landasing tatahakin nila. Makikita ito sa sumusunod na mga halimbawa:
Bago ang Baha noong mga araw ni Noe, ipinatalastas ni Jehova ang kaniyang layunin na pasapitin ang pagpuksang iyon, na papawi sa buhay ng mga tao at mga hayop. Gayunman, ipinakikita ng ulat ng Bibliya na ipinasiya iyon ng Diyos pagkatapos na umiral ang mga kalagayan na humiling ng gayong pagkilos, kasama na ang karahasan at iba pang kasamaan. Karagdagan pa, nagsuri ang Diyos, na “nakaaalam sa puso ng mga anak ng sangkatauhan,” at nasumpungan niya na ‘ang bawat hilig ng mga kaisipan ng puso ng mga tao ay masama na lamang sa lahat ng panahon.’ (2Cr 6:30; Gen 6:5) Gayunman, may mga indibiduwal, si Noe at ang kaniyang pamilya, na nagtamo ng lingap ng Diyos at hindi napuksa.—Gen 6:7, 8; 7:1.
Sa katulad na paraan, binigyan ng Diyos ang bansang Israel ng pagkakataong maging “isang kaharian ng mga saserdote . . . at isang banal na bansa” kung iingatan nila ang kaniyang tipan, ngunit pagkaraan ng mga 40 taon noong papasók na sa Lupang Pangako ang bansa, inihula ni Jehova na sisirain nila ang kaniyang tipan at na iiwan niya sila bilang isang bansa. Gayunman, may saligan ang patiunang kaalamang ito, yamang kinakitaan na sila ng pagiging masuwayin at mapaghimagsik bilang isang bansa. Kaya naman sinabi ng Diyos: “Sapagkat nalalaman kong lubos ang kanilang hilig na tumutubo sa kanila ngayon bago ko sila dalhin sa lupain na isinumpa ko.” (Exo 19:6; Deu 31:16-18, 21; Aw 81:10-13) Maaaring alamin ng Diyos nang patiuna kung ano ang magiging mga resulta ng gayong nakikitang hilig anupat masasabi niya na hahantong iyon sa paglago ng kabalakyutan. Magkagayunman, hindi siya ang may pananagutan sa gayong mga kalagayan, kung paanong ang isang tao na patiunang nakaalam na masisira ang isang gusali na ginamitan ng mahinang-klaseng materyales at hindi itinayo nang maayos ay walang pananagutan sa gayong pagkasira. Nasasangkot dito ang bigay-Diyos na alituntunin na ‘kung ano ang inihasik ay siya ring aanihin.’ (Gal 6:7-9; ihambing ang Os 10:12, 13.) Ang ilang propeta ay naghatid ng makahulang mga babala hinggil sa patiunang-itinalagang mga kapahayagan ng paghatol ng Diyos, na pawang salig sa dati nang umiiral na mga kalagayan at mga saloobin ng puso. (Aw 7:8, 9; Kaw 11:19; Jer 11:20) Ngunit kasabay nito, ang mga indibiduwal ay maaaring tumugon, at talaga namang may mga tumugon, sa payo, saway, at mga babala ng Diyos kung kaya naging karapat-dapat sila sa kaniyang pagsang-ayon.—Jer 21:8, 9; Eze 33:1-20.
Ang Anak ng Diyos, na nakababasa rin ng puso ng mga tao (Mat 9:4; Mar 2:8; Ju 2:24, 25), ay pinagkalooban ng Diyos ng kapangyarihan na patiunang makaalam ng mga bagay-bagay at humula siya hinggil sa panghinaharap na mga kalagayan, mga pangyayari, at mga kapahayagan ng paghatol ng Diyos. Inihula niya na tatanggap ng kahatulan ng Gehenna ang mga eskriba at mga Pariseo bilang isang grupo (Mat 23:15, 33) ngunit hindi niya sinabi na ang bawat Pariseo o eskriba ay nakatalagang mapuksa, gaya ng pinatutunayan ng kaso ng apostol na si Pablo. (Gaw 26:4, 5) Inihula ni Jesus na sasapitan ng mga kaabahan ang di-nagsisising Jerusalem at ang iba pang mga lunsod, ngunit hindi niya sinabi na ang bawat indibiduwal sa mga lunsod na iyon ay patiunang itinalaga ng kaniyang Ama na dumanas ng gayong mga kaabahan. (Mat 11:20-23; Luc 19:41-44; 21:20, 21) Patiuna rin niyang inalam ang kahahantungan ng hilig at saloobin ng puso ng mga tao at inihula niya ang mga kalagayang iiral sa sangkatauhan pagsapit ng “katapusan ng sistema ng mga bagay,” gayundin ang katuparan ng mga layunin ng Diyos. (Mat 24:3, 7-14, 21, 22) Sa katulad na paraan, ang mga apostol ni Jesus ay bumigkas ng mga hula na nagpakita na patiunang alam ng Diyos ang pag-iral ng partikular na mga grupo, gaya ng “antikristo” (1Ju 2:18, 19; 2Ju 7), at maging ang kawakasan na patiunang itinalaga para sa gayong mga grupo.—2Te 2:3-12; 2Pe 2:1-3; Jud 4.
May kinalaman sa mga indibiduwal. Bukod sa patiunang pag-alam ni Jehova sa mga bagay-bagay hinggil sa ilang grupo, may mga indibiduwal na espesipikong tinukoy sa mga hula ng Diyos. Kabilang sa mga ito sina Esau at Jacob (nabanggit na), ang Paraon noong panahon ng Pag-alis, si Samson, Solomon, Josias, Jeremias, Ciro, Juan na Tagapagbautismo, Hudas Iscariote, at ang mismong Anak ng Diyos, si Jesus.
Huk 13:3-5; Jer 1:5; Luc 1:13-17) Bagaman lubha silang pinagpala na mabigyan ng gayong mga pribilehiyo, hindi ito naging garantiya na magtatamo sila ng walang-hanggang kaligtasan o na mananatili silang tapat hanggang kamatayan (bagaman silang lahat ay nanatiling tapat). Gayundin naman, inihula ni Jehova na ang isa sa maraming anak ni David ay panganganlang Solomon at patiuna niyang itinalaga na si Solomon ang magtatayo ng templo. (2Sa 7:12, 13; 1Ha 6:12; 1Cr 22:6-19) Ngunit bagaman pinaboran sa ganitong paraan at nagkapribilehiyo pa ngang sumulat ng ilang aklat ng Banal na Kasulatan, si Solomon ay nahulog pa rin sa apostasya noong siya’y matanda na.—1Ha 11:4, 9-11.
Sa kaso nina Samson, Jeremias, at Juan na Tagapagbautismo, patiunang inalam ni Jehova ang ilang bagay tungkol sa kanila bago pa man sila isilang. Gayunman, hindi itinakda ng Diyos ang kanilang huling kahihinatnan. Sa halip, salig sa kaniyang patiunang kaalaman, itinalaga ni Jehova na mamumuhay si Samson alinsunod sa panata ng pagka-Nazareo at pasisimulan niya ang pagliligtas sa Israel mula sa mga Filisteo, na maglilingkod si Jeremias bilang propeta, at na maghahanda ng daan si Juan na Tagapagbautismo bilang tagapagpauna ng Mesiyas. (Sa kaso rin nina Esau at Jacob, hindi itinakda ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang patiunang kaalaman kung ano ang kanilang magiging walang-hanggang kahihinatnan kundi, sa halip, ipinasiya niya, o patiuna niyang itinalaga, kung alin sa mga liping pambansa na magmumula sa dalawang anak na lalaki ang mangingibabaw. (Gen 25:23-26) Ipinahiwatig din ng inihulang pangingibabaw na ito na si Jacob ang magtatamo ng karapatan sa pagkapanganay, isang karapatan na doo’y kalakip ang pribilehiyong mapabilang sa linya ng angkan na pagmumulan ng ‘binhing’ Abrahamiko. (Gen 27:29; 28:13, 14) Sa ganitong paraan, nilinaw ng Diyos na Jehova na ang pagpili niya ng mga indibiduwal para sa partikular na mga layunin ay hindi nalilimitahan ng mga kaugalian o mga pamamaraang kaayon ng inaasahan ng tao. Ni nagkakaloob man ang Diyos ng mga pribilehiyo salig lamang sa mga gawa, anupat baka madama ng isa na ‘pinagpaguran’ niya ang gayong mga pribilehiyo at na ‘kabayaran sa kaniya’ ang mga iyon. Idiniin ng apostol na si Pablo ang puntong ito nang ipakita niya kung bakit maaaring ipagkaloob ng Diyos sa mga bansang Gentil, salig sa di-sana-nararapat na kabaitan, ang mga pribilehiyo na dati’y waring nakalaan lamang para sa Israel.—Ro 9:1-6, 10-13, 30-32.
Ang mga pagsipi ni Pablo may kinalaman sa ‘pag-ibig ni Jehova kay Jacob [Israel] at sa pagkapoot niya kay Esau [Edom]’ ay hinalaw sa Malakias 1:2, 3, na isinulat matagal na panahon na pagkamatay nina Jacob at Esau. Kaya hindi naman talaga sinasabi ng Bibliya na gayon ang opinyon ni Jehova sa kambal bago sila isilang. Kinikilala ng siyensiya na sa panahon ng paglilihi, ang malaking bahagi ng pangkalahatang disposisyon at ugali ng bata ay natutukoy dahil sa henetikong mga salik mula sa bawat magulang. Walang alinlangang nakikita ng Diyos ang gayong mga salik; binanggit ni David na nakita ni Jehova “maging ang aking pagkabinhi.” (Aw 139:14-16; tingnan din ang Ec 11:5.) Hindi natin alam kung gaano kalaki ang naging epekto ng gayong kabatiran ng Diyos sa isinagawa niyang patiunang pagtatalaga sa dalawang bata; gayunman, hindi dahil pinili niya si Jacob sa halip na si Esau ay naitadhana na sa pagkapuksa si Esau o ang mga inapo nito, ang mga Edomita. Maging ang mga indibiduwal mula sa isinumpang mga Canaanita ay nagkapribilehiyong makasama ng katipang bayan ng Diyos at tumanggap ng mga pagpapala. (Gen 9:25-27; Jos 9:27; tingnan ang CANAAN, CANAANITA Blg. 2.) Bagaman may-pananabik na hinangad ni Esau nang may pagluha ang “pagbabago ng isip” ng kaniyang amang si Isaac, iyon ay isa lamang walang-saysay na pagtatangka upang baguhin ang pasiya ng kaniyang ama na mapunta lamang kay Jacob ang pantanging pagpapala para sa panganay. Samakatuwid, hindi iyon nagpahiwatig na pinagsisihan ni Esau sa harap ng Diyos ang kaniyang materyalistikong saloobin.—Gen 27:32-34; Heb 12:16, 17.
Sa hula ni Jehova may kinalaman kay Josias, isang inapo ni David ang kinailangang tawagin sa gayong pangalan, at sinabi sa hula na kikilos ito laban sa huwad na pagsamba sa lunsod ng Bethel. (1Ha 13:1, 2) Pagkaraan ng mahigit sa tatlong siglo, isang hari na may gayong pangalan ang tumupad sa hulang ito. (2Ha 22:1; 23:15, 16) Magkagayunman, hindi siya nakinig sa “mga salita ni Neco mula sa bibig ng Diyos,” at naging dahilan ito ng kaniyang kamatayan. (2Cr 35:20-24) Samakatuwid, bagaman patiunang inalam ng Diyos ang ilang detalye tungkol kay Josias at patiuna Niya siyang itinalaga ukol sa isang partikular na gawain, si Josias ay mayroon pa ring kakayahan at kalayaang magpasiya kung siya’y makikinig o magwawalang-bahala sa payo.
Sa katulad na paraan, inihula ni Jehova nang halos dalawang siglo ang kaagahan na gagamitin niya ang isang manlulupig na nagngangalang Ciro upang palayain ang mga Judio mula sa Babilonya. (Isa 44:26-28; 45:1-6) Ngunit hindi sinasabi ng Bibliya na ang Persianong binigyan ng gayong pangalan bilang katuparan ng hula ng Diyos ay naging isang tunay na mananamba ni Jehova, at ipinakikita ng sekular na kasaysayan na patuloy siyang sumamba sa huwad na mga diyos.
Sa gayon, ang mga kasong ito ng patiunang pag-alam ng Diyos sa mga bagay-bagay bago isilang ang
isang indibiduwal ay hindi salungat sa Kaniyang isiniwalat na mga katangian at ipinahayag na mga pamantayan. Ni may anumang indikasyon na pinilit ng Diyos ang mga indibiduwal na iyon na kumilos nang labag sa kanilang sariling kalooban. Sa kaso nina Paraon, Hudas Iscariote, at ng mismong Anak ng Diyos, walang pahiwatig na patiuna nang inalam ni Jehova ang mangyayari bago pa man sila umiral. Sa indibiduwal na mga kasong ito ay makikita ang ilang simulain na nauugnay sa patiunang kaalaman at patiunang pagtatalaga ng Diyos.Ang isa sa mga simulain ay ang pagsubok ng Diyos sa mga indibiduwal sa pamamagitan ng pagpapangyari o pagpapahintulot sa partikular na mga kalagayan o mga kaganapan, o sa pamamagitan ng pagpapangyaring marinig ng gayong mga indibiduwal ang kaniyang kinasihang mga mensahe; bilang resulta, nauudyukan silang gamitin ang kanilang kalayaang magpasiya at sa gayo’y malinaw na nasisiwalat ang saloobin ng kanilang puso, na nababasa ni Jehova. (Kaw 15:11; 1Pe 1:6, 7; Heb 4:12, 13) Alinsunod sa pagtugon ng mga indibiduwal, maaari rin silang hubugin ng Diyos sa landasin na kusang-loob nilang pinili. (1Cr 28:9; Aw 33:13-15; 139:1-4, 23, 24) Sa gayon, pagkatapos na kumiling muna “ang puso ng makalupang tao” sa isang partikular na hilig, saka pa lamang itutuwid o uugitan ni Jehova ang mga hakbang ng isang iyon. (Kaw 16:9; Aw 51:10) Sa ilalim ng pagsubok, malinaw na nakikita ang kalagayan ng puso ng isa, anupat maaari itong tumigas sa kalikuan at paghihimagsik o kaya’y tumatag sa di-nasisirang debosyon sa Diyos na Jehova at sa paggawa ng kaniyang kalooban. (Job 2:3-10; Jer 18:11, 12; Ro 2:4-11; Heb 3:7-10, 12-15) Kapag umabot na siya sa gayong punto ayon sa kaniyang sariling pagpili, ang kahihinatnan ng landasin ng indibiduwal ay maaari na ngayong patiunang alamin at patiunang sabihin nang hindi nilalabag ang katarungan at ang kalayaang magpasiya ng taong iyon.—Ihambing ang Job 34:10-12.
Ang kaso ng tapat na si Abraham, na tinalakay na, ay nagbibigay-linaw sa mga simulaing ito. Kabaligtaran naman niyan ang kaso ng manhid na Paraon noong panahon ng Pag-alis. Patiunang inalam ni Jehova na hindi pahihintulutan ni Paraon na lumisan ang mga Israelita “malibang sa pamamagitan ng isang malakas na kamay” (Exo 3:19, 20), at patiuna niyang itinalaga ang salot na ikamamatay ng mga panganay. (Exo 4:22, 23) Kadalasan nang mali ang pagkaunawa ng iba hinggil sa pagtalakay ng apostol na si Pablo sa mga pakikitungo ng Diyos kay Paraon; sinasabi nila na basta na lamang pinatitigas ng Diyos ang puso ng mga indibiduwal kasuwato ng kaniyang patiunang-itinalagang layunin, nang hindi isinasaalang-alang ang dating hilig, o saloobin ng puso, ng indibiduwal. (Ro 9:14-18) Gayundin, ayon sa maraming salin, sinabi ng Diyos kay Moises na ‘patitigasin niya ang puso’ ni Paraon. (Exo 4:21; ihambing ang Exo 9:12; 10:1, 27.) Gayunman, ang ulat na Hebreo ay isinasalin sa ilang bersiyon upang kabasahan na ‘hinayaan ng Diyos na tumapang ang puso ni Paraon’ (Ro); ‘hinayaan ni Jehova na magmatigas ang puso ni Paraon.’ (NW) Bilang suporta sa gayong salin, ipinakikita ng apendise ng salin ni Rotherham na sa Hebreo, ang paglalaan ng kalagayan para mangyari ang isang bagay o ang pagpapahintulot nito ay kadalasang inihaharap na para bang iyon ang sanhi ng pangyayari, at na “maging ang tuwirang mga utos ay dapat unawain kung minsan bilang pagpapahintulot lamang.” Kaya naman sa Exodo 1:17, ang orihinal na tekstong Hebreo ay literal na nagsasabing “pinangyari [ng mga komadrona] na mabuhay ang mga batang lalaki,” gayong ang totoo ay pinahintulutan nilang mabuhay ang mga sanggol sa pamamagitan ng hindi pagpatay sa mga iyon. Matapos sipiin ang mga iskolar sa Hebreo na sina M. M. Kalisch, H. F. W. Gesenius, at B. Davies bilang suporta, sinabi ni Rotherham na ang diwa sa Hebreo ng mga teksto tungkol kay Paraon ay na “pinahintulutan ng Diyos si Paraon na patigasin ang kaniyang sariling puso—pinanatili siyang buháy—binigyan siya ng pagkakataon, ng kalagayan, upang isagawa ang kabalakyutang nasa loob niya. Iyon lamang.”—The Emphasised Bible, apendise, p. 919; ihambing ang Isa 10:5-7.
Bilang suhay sa pagkaunawang ito, tuwirang sinasabi ng ulat na “pinapagmatigas [ni Paraon] ang kaniyang puso.” (Exo 8:15, 32, AS-Tg; “ginawa niyang manhid ang kaniyang puso,” NW) Sa gayon ay ginamit niya ang kaniyang sariling kalooban at sinunod ang kaniyang sutil na hilig, anupat ang magiging mga resulta ng gayong hilig ay patiunang nakita at naihula ni Jehova nang may katumpakan. Dahil sa maraming pagkakataon na ibinigay sa kaniya ni Jehova, kinailangan ni Paraon na gumawa ng mga pasiya, at sa kaniyang mga pagpapasiya ay naging mapagmatigas ang kaniyang saloobin. (Ihambing ang Ec 8:11, 12.) Gaya ng ipinakita ng apostol na si Pablo nang sipiin niya ang Exodo 9:16, pinahintulutan ni Jehova na mangyari iyon hanggang sa mailapat ang sampung salot upang mahayag ang kaniyang kapangyarihan at makilala ang kaniyang pangalan sa buong lupa.—Ro 9:17, 18.
Itinadhana ba ng Diyos na ipagkanulo ni Hudas si Jesus upang matupad ang hula?
Ang traidor na landasin ni Hudas Iscariote ay tumupad sa hula ng Diyos at nagpatunay na may kakayahan si Jehova, gayundin ang kaniyang Anak, Aw 41:9; 55:12, 13; 109:8; Gaw 1:16-20) Gayunman, hindi masasabi na patiunang itinalaga o itinadhana ng Diyos si Hudas sa gayong landasin. Sinabi sa mga hula na isang matalik na kasamahan ni Jesus ang magkakanulo sa kaniya, ngunit hindi tinukoy sa mga hulang iyon kung sino sa gayong mga kasamahan ang gagawa nito. Gayundin, ipinakikita ng mga simulain ng Bibliya na imposibleng italaga ng Diyos nang patiuna ang mga pagkilos ni Hudas. Sinabi ng apostol ang pamantayan ng Diyos: “Huwag mong ipatong nang madalian ang iyong mga kamay sa sinumang tao; ni maging kabahagi man sa mga kasalanan ng iba; ingatan mong malinis ang iyong sarili.” (1Ti 5:22; ihambing ang 3:6.) Bilang katibayan na ninais ni Jesus na mapili niya nang wasto at may karunungan ang kaniyang 12 apostol, magdamag siyang nanalangin sa kaniyang Ama bago niya ipinabatid ang kaniyang pasiya. (Luc 6:12-16) Kung patiuna nang itinalaga ng Diyos na maging traidor si Hudas, magiging kasalungat ito ng kaniyang pag-akay at patnubay, at batay sa nabanggit na alituntunin, magiging kabahagi siya sa mga kasalanang ginawa ng isang iyon.
na patiunang alamin ang mangyayari sa hinaharap. (Sa gayon, lumilitaw na noong panahong piliin si Hudas bilang apostol, ang kaniyang puso ay hindi kakikitaan ng maliwanag na katibayan ng pagiging taksil. Pinahintulutan niya na isang “ugat na nakalalason ang sumibol” at magparungis sa kaniya, na naging dahilan ng kaniyang paglihis at ng pagsunod niya, hindi sa patnubay ng Diyos, kundi sa pag-akay ng Diyablo tungo sa isang landasin ng pagnanakaw at kataksilan. (Heb 12:14, 15; Ju 13:2; Gaw 1:24, 25; San 1:14, 15; tingnan ang HUDAS Blg. 4.) Nang ang gayong paglihis ay umabot na sa isang partikular na punto, nabasa ni Jesus mismo ang puso ni Hudas at naihula ang pagkakanulo nito sa kaniya.—Ju 13:10, 11.
Totoo, sa ulat ng Juan 6:64, noong pagkakataong matisod ang ilan sa mga alagad dahil sa ilang turo ni Jesus, mababasa natin na “mula sa pasimula [“buhat pa nang una,” AS-Tg] ay alam ni Jesus kung sino ang mga hindi naniniwala at kung sino ang magkakanulo sa kaniya.” Bagaman ang salitang “pasimula” (sa Gr., ar·kheʹ) ay ginagamit sa 2 Pedro 3:4 upang tumukoy sa pasimula ng paglalang, maaari rin itong tumukoy sa iba pang mga panahon. (Luc 1:2; Ju 15:27) Halimbawa, nang banggitin ng apostol na si Pedro na bumaba ang banal na espiritu sa mga Gentil “gaya rin sa atin noong pasimula,” maliwanag na ang tinutukoy niya ay hindi ang pasimula ng kaniyang pagiging alagad o pagiging apostol kundi ang isang mahalagang yugto sa kaniyang ministeryo, ang araw ng Pentecostes, 33 C.E., ang “pasimula” ng pagbubuhos ng banal na espiritu para sa isang partikular na layunin. (Gaw 11:15; 2:1-4) Kaya naman kapansin-pansin ang komentong ito tungkol sa Juan 6:64 sa Commentary on the Holy Scriptures ni Lange (p. 227): “Ang pasimula . . . ay hindi nangangahulugang, . . . buhat sa metapisikal na pasimula ng lahat ng bagay, . . . ni buhat sa pasimula ng pagkakilala Niya [ni Jesus] sa bawat isa, . . . ni buhat sa pasimula ng pagtitipon Niya sa mga alagad sa Kaniya, o sa pasimula ng Kaniyang Mesiyanikong ministeryo, . . . kundi buhat sa unang lihim na pag-usbong ng kawalan ng pananampalataya [na humantong sa pagkatisod ng ilang alagad]. Sa gayunding paraan, alam Niya kung sino ang magkakanulo sa Kaniya buhat sa pasimula.”—Isinalin at inedit ni P. Schaff, 1976; ihambing ang 1Ju 3:8, 11, 12.
Patiunang pagtatalaga sa Mesiyas. Patiunang inalam at inihula ng Diyos na Jehova ang mga pagdurusa ng Mesiyas, ang kamatayang daranasin niya, at ang kaniyang pagkabuhay-muli. (Gaw 2:22, 23, 30, 31; 3:18; 1Pe 1:10, 11) Ang katuparan ng mga bagay na itinalaga ng Diyos sa pamamagitan ng gayong patiunang pag-alam sa mga mangyayari ay naging depende kapuwa sa paggamit niya ng kaniyang kapangyarihan at sa mga pagkilos ng mga tao. (Gaw 4:27, 28) Gayunman, kusang-loob na pinahintulutan ng gayong mga tao na mapanaigan sila ng Kalaban ng Diyos, si Satanas na Diyablo. (Ju 8:42-44; Gaw 7:51-54) Kaya nga kung paanong ang mga Kristiyano noong mga araw ni Pablo ay ‘hindi naman walang-alam sa mga pakana ni Satanas,’ patiunang nakita ng Diyos ang balakyot na mga pagnanasa at mga pamamaraan na gagamitin ng Diyablo laban kay Jesu-Kristo, ang Pinahiran ng Diyos. (2Co 2:11) Maliwanag na dahil sa kapangyarihan ng Diyos, nagawa rin niyang hadlangan o biguin pa nga ang anumang pagsalakay o pagtatangka laban sa Mesiyas na hindi kaayon ng paraan o panahon na inihula.—Ihambing ang Mat 16:21; Luc 4:28-30; 9:51; Ju 7:1, 6-8; 8:59.
Sinabi ng apostol na si Pedro na si Kristo, bilang ang haing Kordero ng Diyos, ay “patiunang nakilala bago pa ang pagkakatatag [isang anyo ng Griegong ka·ta·bo·leʹ] ng sanlibutan [koʹsmou].” Dahil dito, ipinapalagay ng mga tagapagtaguyod ng pagtatadhana na patiuna nang inalam ng Diyos ang mga bagay-bagay tungkol kay Kristo bago pa man niya lalangin ang sangkatauhan. (1Pe 1:19, 20) Ang salitang Griego na ka·ta·bo·leʹ, isinaling “pagkakatatag,” ay literal na nangangahulugang “paghahagis” at maaaring tumukoy sa ‘paglilihi ng binhi,’ gaya sa Hebreo 11:11. Bagaman may ‘pagtatatag’ ng sanlibutan ng sangkatauhan nang lalangin ng Diyos ang unang mag-asawa, gaya ng ipinakikita sa Hebreo 4:3, 4, nang maglaon ay naiwala ng mag-asawang iyon ang kanilang katayuan bilang mga anak ng Diyos. (Gen 3:22-24; Ro 5:12) Gayunman, dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos, pinahintulutan silang maglihi ng binhi at magluwal ng mga supling, na ang isa ay espesipikong ipinakikita sa Bibliya bilang nagtamo ng pabor ng Diyos at naging karapat-dapat sa katubusan at kaligtasan, samakatuwid nga, si Abel. (Gen 4:1, 2; Heb 11:4) Kapansin-pansin na sa Lucas 11:49-51, nang tukuyin ni Jesus “ang dugo ng lahat ng mga propeta na nabubo mula sa pagkakatatag ng sanlibutan,” binanggit din niya ang pananalitang “mula sa dugo ni Abel hanggang sa dugo ni Zacarias.” Sa gayon ay iniugnay ni Jesus si Abel sa “pagkakatatag ng sanlibutan.”
Ang Mesiyas, o Kristo, ang magiging ipinangakong Binhi na sa pamamagitan niya ay pagpapalain ang lahat ng mga taong matuwid mula sa lahat ng pamilya sa lupa. (Gal 3:8, 14) Unang binanggit ang gayong “binhi” nang magsimula na ang paghihimagsik sa Eden, ngunit bago isilang si Abel. (Gen 3:15) Mga 4,000 taon pa ang lumipas bago nasiwalat ang “sagradong lihim,” noong malinaw na makilala kung sino ang Mesiyanikong “binhi.” Kaya iyon ay talagang “pinanatiling tahimik sa loob ng lubhang mahabang panahon.”—Ro 16:25-27; Efe 1:8-10; 3:4-11.
Sa kaniyang takdang panahon, inatasan ng Diyos na Jehova ang kaniya mismong panganay na Anak upang gampanan ang inihulang papel ng “binhi” at maging ang Mesiyas. Walang anumang nagpapahiwatig na ang Anak na iyon ay “itinadhana” sa gayong papel bago pa man siya lalangin o bago bumangon ang paghihimagsik sa Eden. Ang pagpili sa kaniya ng Diyos nang dakong huli bilang ang isa na inatasang tumupad sa mga hula ay hindi rin naman ginawa nang walang patiunang saligan. Walang alinlangang dahil sa mahabang panahon ng matalik na pagsasamahan ng Diyos at ng kaniyang Anak bago niya ito isugo sa lupa, lubusang “nakilala” ni Jehova ang kaniyang Anak anupat nakatiyak siya na buong-katapatan nitong tutuparin ang makahulang mga pangako at mga larawan.—Ihambing ang Ro 15:5; Fil 2:5-8; Mat 11:27; Ju 10:14, 15; tingnan ang JESU-KRISTO (Sinubok at Pinasakdal).
Patiunang pagtatalaga sa mga ‘tinawag at pinili.’ Mayroon ding mga teksto na bumabanggit tungkol sa Kristiyanong “mga tinawag,” o “mga pinili.” (Jud 1; Mat 24:24) Inilalarawan sila bilang “pinili ayon sa patiunang kaalaman ng Diyos” (1Pe 1:1, 2), ‘pinili bago pa ang pagkakatatag ng sanlibutan,’ ‘patiunang itinalaga sa pag-aampon bilang mga anak ng Diyos’ (Efe 1:3-5, 11), ‘pinili mula nang pasimula ukol sa kaligtasan at tinawag sa kahihinatnan ngang ito’ (2Te 2:13, 14). Ang pagkaunawa sa mga tekstong ito ay depende sa kung ang tinutukoy ng mga ito ay patiunang pagtatalaga sa partikular na mga indibiduwal o patiunang pagtatalaga sa isang grupo ng mga tao, samakatuwid nga, ang kongregasyong Kristiyano, ang “iisang katawan” (1Co 10:17) na binubuo ng mga magiging kasamang tagapagmana ni Kristo Jesus sa kaniyang makalangit na Kaharian.—Efe 1:22, 23; 2:19-22; Heb 3:1, 5, 6.
Kung ang mga salitang iyon ay kumakapit sa espesipikong mga indibiduwal bilang patiunang itinalaga sa walang-hanggang kaligtasan, mangangahulugan ito na ang mga indibiduwal na iyon ay hindi kailanman magiging di-tapat o maaalis sa pagkatawag sa kanila, sapagkat ang patiunang kaalaman ng Diyos tungkol sa kanila ay hindi maaaring magmintis at ang kaniyang patiunang pagtatalaga sa kanila sa isang partikular na kahihinatnan ay hinding-hindi maaaring mabigo o mahadlangan. Gayunman, ayon sa mismong mga apostol na kinasihang sumulat ng nabanggit na mga salita, ang ilan na ‘binili’ at “pinabanal” sa pamamagitan ng dugo ng haing pantubos ni Kristo at “nakatikim ng makalangit na kaloob na walang bayad, at naging mga kabahagi sa banal na espiritu . . . at ng mga kapangyarihan ng darating na sistema ng mga bagay” ay mahuhulog sa pagkakasala, hindi magsisisi, at magdadala ng pagkapuksa sa kanilang sarili. (2Pe 2:1, 2, 20-22; Heb 6:4-6; 10:26-29) May-pagkakaisang hinimok ng mga apostol ang kanilang mga sinusulatan: “Gawin ang inyong buong makakaya upang tiyakin para sa inyong sarili ang pagtawag at pagpili sa inyo; sapagkat kung patuloy ninyong ginagawa ang mga bagay na ito ay hindi kayo sa anumang paraan mabibigo kailanman”; gayundin, “Patuloy kayong gumawa ukol sa inyong sariling kaligtasan nang may takot at panginginig.” (2Pe 1:10, 11; Fil 2:12-16) Si Pablo ay “tinawag upang maging apostol ni Jesu-Kristo” (1Co 1:1) ngunit maliwanag na hindi niya ipinalagay na itinadhana siya bilang indibiduwal ukol sa walang-hanggang kaligtasan, yamang binanggit niya na puspusan siyang nagsikap upang makamit ang “tunguhin ukol sa gantimpala ng paitaas na pagtawag ng Diyos” (Fil 3:8-15) at na ikinabahala niya na baka siya mismo ay “itakwil sa paanuman.”—1Co 9:27.
Sa katulad na paraan, ang “korona ng buhay” na iniaalok sa gayong mga tao ay ipagkakaloob tanging kung magiging tapat sila sa ilalim ng pagsubok hanggang kamatayan. (Apo 2:10, 23; San 1:12) Maaari nilang maiwala ang kanilang korona bilang mga haring kasama ng Anak ng Diyos. (Apo 3:11) Nagpahayag ng pagtitiwala ang apostol na si Pablo na ang “korona ng katuwiran” ay “nakalaan” para sa kaniya, ngunit sinabi lamang niya iyon nang matiyak niya na malapit nang magwakas ang kaniyang takbuhin, na ‘tinakbo niya hanggang sa katapusan.’—2Ti 4:6-8.
Sa kabilang panig, kung ang nabanggit na mga teksto ay ituturing na kumakapit sa isang grupo, sa kongregasyong Kristiyano, o “banal na bansa” ng mga tinawag bilang isang kalipunan (1Pe 2:9), mangangahulugan ang mga iyon na patiunang inalam at patiunang itinalaga ng Diyos ang pag-iral ng gayong grupo (ngunit hindi ng espesipikong mga indibiduwal na bumubuo nito). Gayundin, ang mga kasulatang iyon ay mangangahulugan na itinakda niya, o patiunang itinalaga, ang huwaran na dapat tularan ng lahat ng magiging miyembro nito sa takdang panahon, at ang lahat ng ito ay kaayon ng kaniyang layunin. (Ro 8:28-30; Efe 1:3-12; 2Ti 1:9, 10) Patiuna rin niyang itinalaga ang mga gawa na aasahang gagawin nila at ang pagsubok sa kanila dahil sa mga pagdurusang idudulot sa kanila ng sanlibutan.—Efe 2:10; 1Te 3:3, 4.
Hinggil sa mga teksto na tumutukoy sa ‘pagkakasulat ng mga pangalan sa aklat ng buhay,’ tingnan ang PANGALAN.
Kapalaran at Pagtatadhana. Noong sinaunang mga panahon, karaniwang ipinapalagay ng mga taong pagano, kabilang na ang mga Griego at mga Romano, na ang kapalaran ng bawat indibiduwal, partikular na ang haba ng kaniyang buhay, ay patiuna nang itinakda ng mga diyos. Ayon sa mitolohiyang Griego, ang kahihinatnan ng mga tao ay kontrolado ng tatlong diyosa: si Clotho (tagapag-ikid), na nag-iikid ng sinulid ng buhay; si Lachesis (tagapagbigay ng mga kahihinatnan), na nagtatakda sa haba ng buhay; at si Atropos (mahigpit), na pumuputol sa buhay kapag ubos na ang panahon. May gayunding tatluhang diyosa ang mga Romano.
Ayon sa Judiong istoryador na si Josephus (unang siglo C.E.), sinikap ng mga Pariseo na itugma ang konsepto ng kapalaran sa kanilang paniniwala sa Diyos at gayundin sa kakayahan at kalayaang magpasiya na ibinigay sa tao. (The Jewish War, II, 162, 163 [viii, 14]; Jewish Antiquities, XVIII, 13, 14 [i, 3]) Ang The New Schaff-Herzog Encyclopedia of Religious Knowledge ay nagsabi: “Bago ang panahon ni Augustine [ng ikaapat at ikalimang siglo C.E.], walang anumang mahalagang pagsulong sa Kristiyanismo may kaugnayan sa teoriya ng pagtatadhana.” Bago nabuhay si Augustine, ang mas naunang diumano’y “mga Ama ng Simbahan” gaya nina Justin, Origen, at Irenaeus ay “walang anumang alam tungkol sa walang-pasubaling pagtatadhana; malayang kalooban ang itinuturo nila.” (Encyclopædia of Religion and Ethics ni Hastings, 1919, Tomo X, p. 231) Sa pagpapabulaan nila sa Gnostisismo, iniuulat na palagi nilang ipinahahayag ang kanilang paniniwala na ang kakayahan at kalayaang magpasiya ng tao ang siyang “pagkakakilanlang katangian ng personalidad ng tao, ang saligan ng moral na pananagutan, isang bigay-Diyos na regalo na sa pamamagitan niyaon ay maaari niyang piliin yaong kalugud-lugod sa Diyos,” at na binabanggit nila ang tungkol sa “kasarinlan ng tao at layunin ng Diyos na hindi nanunupil.”—The New Schaff-Herzog Encyclopedia of Religious Knowledge, inedit ni S. Jackson, 1957, Tomo IX, p. 192, 193.