Patmos
Isang pulo kung saan ipinatapon ang apostol na si Juan “dahil sa pagsasalita tungkol sa Diyos at sa pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” (Apo 1:9) Habang naroroon siya, tinanggap niya ang Apocalipsis. Ayon sa sinaunang tradisyon, matapos siyang hatulan ni Domitian ng paninirahan sa pulo ng Patmos, si Juan ay pinalaya pagkamatay ng tagapamahalang iyon (96 C.E.).—The Ante-Nicene Fathers, Tomo VIII, p. 562, “Acts of the Holy Apostle and Evangelist John the Theologian.”
Ang Patmos, na nasa Dagat Icarian (isang bahagi ng Aegeano) mga 55 km (34 na mi) sa K ng Asia Minor, ay mga 60 km (37 mi) sa KTK ng Mileto at wala pang 240 km (150 mi) ang layo mula sa lahat ng pitong kongregasyon na espesipikong tinukoy sa Apocalipsis kabanata 2 at 3. Ang maliit na pulong ito na nalikha ng bulkan ay may lubhang paliku-likong baybayin at masyadong tigang at mabato. Ngunit ngayon ay natatamnan ito ng trigo, olibo, at ubas. Lumilitaw na dahil nakabukod ito, ang Patmos, pati na ang iba pang mga pulo ng Aegeano, ay nagsilbing isang bilangguang isla.