Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paulo

Paulo

[mula sa Lat., nangangahulugang “Munti; Maliit”].

Ang proconsul ng Ciprus nang dumalaw roon si Pablo sa kaniyang unang paglalakbay bilang misyonero, noong mga 47 C.E. Tama si Lucas nang tawagin niya ito na proconsul, yamang ang pangangasiwa sa Ciprus noong panahong iyon ay nasa ilalim ng Senadong Romano sa halip na sa ilalim ng emperador. (Gaw 13:7, 12) Ang Ciprus ay dating isang probinsiya ng imperyo, ngunit noong 22 B.C.E. ay inilagay ni Augusto sa ilalim ng kontrol ng Senado.​—Tingnan ang PROCONSUL.

Sa Soli, na nasa H baybayin ng pulo ng Ciprus, isang inskripsiyon ang natagpuan na nagtataglay ng mga salitang “noong pagkaproconsul ni Paulo.” Ang pangalang Lucio Sergio Paulo ay natagpuan sa daigdig na Romano bilang pangalan ng isang tagapangasiwa ng Tiber sa ilalim ni Claudio Cesar. Gayunman, hindi tiyak ang anumang pag-uugnay ng mga taong ito sa Sergio Paulo na binanggit sa Bibliya.​—The Annual of the British School at Athens, London, 1947, p. 201-206.

Si Sergio Paulo ay naninirahan sa Pafos, na nasa kanluraning baybayin ng pulo. Siya ay “isang lalaking matalino,” at palibhasa’y may-pananabik na hinahangad na marinig ang salita ng Diyos, ipinatawag niya sina Bernabe at Pablo. Habang nakikipag-usap sila sa lalaking ito, si Elimas (Bar-Jesus), isang manggagaway na Judio, ay “nagsimulang sumalansang sa kanila, na hinahangad na italikod sa pananampalataya ang proconsul.” Ngunit puspos ng banal na espiritu, sinabi ni Pablo sa manggagaway na ito na sumalansang sa mabuting balita na sasapitan ito ng pansamantalang pagkabulag. Nabulag nga ito. Nang mamasdan ang makapangyarihang gawang ito ng espiritu ng Diyos, ang proconsul ay naging mananampalataya, “sapagkat lubha siyang namangha sa turo ni Jehova.”​—Gaw 13:6-12.