Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paumanhin

Paumanhin

[sa Ingles, pardon].

Ang salitang Hebreo na na·saʼʹ, na isinasalin kung minsan bilang “pagpaumanhinan,” ay ginagamit din sa Kasulatan sa diwang “itaas,” “isakay” (Gen 45:19; Exo 6:8; 2Ha 2:16), “kunin” (Gen 27:3; Bil 16:15). Gayunman, ang isang pangunahing kahulugan ng salitang ito ay “pasanin o taglayin, dalhin.” (Gen 47:30; 1Ha 2:26; Eze 44:12, 13) Kapag ang na·saʼʹ ay angkop na isaling “pagpaumanhinan,” mahihiwatigan pa rin dito ang kahulugang iyon. Binabanggit ng Kasulatan ang kambing para kay Azazel bilang nagdadala sa kasalanan, at inihula na papasanin ng Mesiyas ang kamalian ng mga tao. (Lev 16:8, 10, 22; Isa 53:12) Dahil sa pagdadala, o pagpasan, niya sa kamalian ng iba, naging posible na pagpaumanhinan sila.​—Tingnan ang AZAZEL.

Samantalang ang salitang na·saʼʹ ay maaaring tumukoy sa pagpapaumanhin, o pagpapatawad, ng Diyos o kaya’y ng mga tao (Gen 18:24, 26; 50:17), ang sa·lachʹ naman ay ginagamit lamang sa pagpapatawad ng Diyos, ang pagkilos na sa pamamagitan nito ang nagkasala ay muling nagtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos bilang sagot sa kaniyang taimtim na panalangin para sa kapatawaran o sa panalangin ng iba para sa kaniya.​—Bil 14:19, 20; 1Ha 8:30.

Kapag ang Hebreong na·saʼʹ ay may diwang pagpapaumanhin, o pagpapatawad, ginagamit kung minsan ng Griegong Septuagint ang salitang a·phiʹe·mi. Sa pangunahing diwa nito, ang a·phiʹe·mi ay nangangahulugang “pakawalan.” Ang terminong ito ay maaaring mangahulugang “patawarin,” “pagpaumanhinan.” Sa Roma 4:7, ang apostol na si Pablo ay sumipi mula sa Awit 32:1 (31:1, LXX), kung saan si Jehova ay tinutukoy na nagpapaumanhin sa “pagsalansang,” at gumamit siya ng isang anyo ng salitang a·phiʹe·mi, gaya ng ginagawa ng Griegong Septuagint para sa Hebreong na·saʼʹ. Ang terminong ito ay lumilitaw sa iba pang mga talata ng Kristiyanong Griegong Kasulatan at ikinakapit sa pagpapatawad ng Diyos at ng tao sa mga pagkakasala, kabilang na ang pagkansela sa mga pagkakautang.​—Mat 6:12, 14, 15; 18:32, 35.

Si Jehova ay namumukod-tangi bilang isang Diyos na nagpapaumanhin sa mga naghahangad ng kapatawaran. Ngunit hindi niya iniuurong ang kaparusahan sa mga taong sadyang sumasalansang sa kaniya at sa kaniyang matuwid na mga daan.​—Exo 34:6, 7; tingnan ang KAPATAWARAN, PAGPAPATAWAD.