Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pedro, Mga Liham ni

Pedro, Mga Liham ni

Dalawang kinasihang liham ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na isinulat ng apostol na si Pedro, na nagpakilala bilang ang manunulat ng mga ito sa pambungad na mga salita ng bawat liham. (1Pe 1:1; 2Pe 1:1; ihambing ang 2Pe 3:1.) Malinaw na tinutukoy ng iba pang panloob na katibayan na si Pedro ang manunulat. Tinukoy niya ang kaniyang sarili bilang isang saksi sa pagbabagong-anyo ni Jesu-Kristo, isang pribilehiyong tinamasa lamang nina Pedro, Santiago, at Juan. (2Pe 1:16-18; Mat 17:1-9) At, gaya ng ipinakikita sa Juan 21:18, 19, si Pedro lamang ang makapagsasabi: “Ang pag-aalis ng aking tabernakulo ay malapit na, gaya rin ng ipinahiwatig sa akin ng ating Panginoong Jesu-Kristo.” (2Pe 1:14) Ang pagkakaiba sa istilo ng dalawang liham ay maaaring dahil ginamit ni Pedro si Silvano (Silas) sa pagsulat ng unang liham samantalang nang isulat niya ang kaniyang ikalawang liham ay lumilitaw na hindi gayon ang ginawa niya. (1Pe 5:12) Ang mga ito ay kapuwa pangkalahatang liham, anupat maliwanag na para sa mga Kristiyanong Judio at di-Judio. Ang unang liham ay espesipikong patungkol sa mga nasa Ponto, Galacia, Capadocia, Asia, at Bitinia​—mga rehiyon ng Asia Minor.​—1Pe 1:1; 2:10; 2Pe 1:1; 3:1; ihambing ang Gaw 2:5, 9, 10.

Ang mga liham ni Pedro ay lubusang kasuwato ng iba pang mga aklat ng Bibliya sa pagdiriin sa tamang paggawi at sa mga gantimpala nito at gayundin sa pagsipi mula sa mga iyon bilang mapananaligang Salita ng Diyos. Sinipi ng mga ito ang Genesis (18:12; 1Pe 3:6), Exodo (19:5, 6; 1Pe 2:9), Levitico (11:44; 1Pe 1:16), Mga Awit (34:12-16; 118:22; 1Pe 3:10-12; 2:7), Mga Kawikaan (11:31 [LXX]; 26:11; 1Pe 4:18; 2Pe 2:22), at Isaias (8:14; 28:16; 40:6-8; 53:5; 1Pe 2:8; 2:6; 1:24, 25; 2:24). Ang hula sa Kasulatan ay ipinakitang gawa ng espiritu ng Diyos. (2Pe 1:20, 21; ihambing ang 2Ti 3:16.) Ang pangako ng Diyos may kinalaman sa mga bagong langit at isang bagong lupa ay inulit. (2Pe 3:13; Isa 65:17; 66:22; Apo 21:1) Maliwanag na ipinakikita ng mga pagkakatulad sa pagitan ng 2 Pedro (2:4-18; 3:3) at ng Judas (5-13, 17, 18) na ang ikalawang liham ni Pedro ay tinanggap ng alagad na si Judas bilang kinasihan. Kapansin-pansin din na itinuring ni Pedro ang mga liham ng apostol na si Pablo bilang kasama “sa iba pang bahagi ng Kasulatan.”​—2Pe 3:15, 16.

Panahon ng Pagsulat. Mahihiwatigan sa nilalaman ng mga liham na isinulat ang mga iyon bago magsimula ang pag-uusig ni Nero noong 64 C.E. Yamang noon ay kasama ni Pedro si Marcos, waring ang panahon ng pagsulat ng unang liham ay sa pagitan ng 62 at 64 C.E. (1Pe 5:13) Mas maaga rito, si Marcos ay nasa Roma noong panahon ng unang pagkakabilanggo roon ni Pablo (mga 59-61 C.E.), at nang mabilanggo si Pablo sa Roma sa ikalawang pagkakataon (mga 65 C.E.), hiniling niya na pumaroon sa kaniya sina Timoteo at Marcos. (Col 4:10; 2Ti 4:11) Malamang na isinulat ni Pedro ang kaniyang ikalawang liham di-nagtagal pagkatapos ng kaniyang unang liham, o noong mga 64 C.E.

Isinulat Mula sa Babilonya. Ayon sa sariling patotoo ni Pedro, isinulat niya ang kaniyang unang liham samantalang siya’y nasa Babilonya. (1Pe 5:13) Posibleng doon din niya isinulat ang kaniyang ikalawang liham. Malinaw na ipinakikita ng taglay nating katibayan na ang “Babilonya” ay tumutukoy sa lunsod na nasa Eufrates at hindi sa Roma, gaya ng inaangkin ng ilan. Yamang ipinagkatiwala sa kaniya ang ‘mabuting balita para sa mga tuli,’ maaasahang maglilingkod si Pedro sa isang sentro ng Judaismo, gaya ng Babilonya. (Gal 2:7-9) May malaking populasyong Judio sa loob at sa palibot ng sinaunang lunsod ng Babilonya. Sa pagtalakay kung paano ginawa ang Babilonyong Talmud, ang Encyclopaedia Judaica (Jerusalem, 1971, Tomo 15, tud. 755) ay may binanggit na “dakilang mga akademya sa Babilonya” ng Judaismo sa Karaniwang Panahon. Yamang sumulat si Pedro sa “mga pansamantalang naninirahan na nakapangalat sa [literal na] Ponto, Galacia, Capadocia, Asia, at Bitinia” (1Pe 1:1), makatuwiran lamang na ang pinanggalingan ng liham, ang “Babilonya,” ay ang literal na lugar na may gayong pangalan. Hindi kailanman ipinahihiwatig ng Bibliya na ang Babilonya ay espesipikong tumutukoy sa Roma, ni sinasabi man nito na nakarating si Pedro sa Roma.

Ang unang nagsabi na pinatay si Pedro sa Roma bilang martir ay si Dionisio, obispo ng Corinto noong huling kalahatian ng ikalawang siglo. Mas maaga rito, si Clemente ng Roma, bagaman magkasama niyang binanggit sina Pablo at Pedro, ay nagsabing ang pangangaral ni Pablo kapuwa sa S at sa K ay katangi-tangi sa apostol na iyon, anupat ipinahihiwatig na hindi kailanman nakarating sa K si Pedro. Yamang waring hindi pa nagsisimula noon ang malupit na pag-uusig sa mga Kristiyano ng pamahalaang Romano (sa ilalim ni Nero), walang dahilan upang itago ni Pedro ang pagkakakilanlan ng Roma sa pamamagitan ng paggamit ng ibang pangalan. Nang sumulat si Pablo sa mga taga-Roma, na binabati sa pangalan ang marami na nasa Roma, hindi niya binanggit si Pedro. Kung si Pedro ay isang nangungunang tagapangasiwa roon, malayong mangyari na hindi siya mabanggit. Gayundin, hindi kasama ang pangalan ni Pedro sa mga nagpadala ng mga pagbati sa pamamagitan ng mga liham ni Pablo na isinulat mula sa Roma​—Efeso, Filipos, Colosas, 2 Timoteo, Filemon, Hebreo.

Unang Pedro. Ang mga Kristiyanong pinatungkulan ng apostol na si Pedro sa kaniyang unang liham ay dumaranas ng matitinding pagsubok. (1Pe 1:6) Karagdagan pa, “ang wakas ng lahat ng mga bagay” ay malapit na​—maliwanag na tumutukoy sa katapusan ng Judiong sistema ng mga bagay na inihula ni Jesus. (Ihambing ang Mar 13:1-4; 1Te 2:14-16; Heb 9:26.) Samakatuwid, isang panahon iyon upang sila’y maging “mapagpuyat may kinalaman sa mga panalangin.” (1Pe 4:7; ihambing ang Mat 26:40-45.) Kailangan din nila ng pampatibay-loob upang makapagbata nang may katapatan, ang mismong pampatibay-loob na inilaan ng apostol.

Paulit-ulit na ipinaalaala ni Pedro sa mga kapuwa Kristiyano ang mga pagpapalang tinatamasa nila. Dahil sa awa ng Diyos, tinanggap nila ang isang bagong pagsilang tungo sa isang buháy na pag-asa, na nagbibigay sa kanila ng dahilan upang magsaya. (1Pe 1:3-9) Binili sila sa pamamagitan ng mahalagang dugo ni Kristo. (1Pe 1:18, 19) Sa pamamagitan ng kaayusan ng bautismo, tumanggap sila ng isang mabuting budhi at patuloy nilang tataglayin iyon sa pamamagitan ng pamumuhay kasuwato ng isinasagisag ng kanilang bautismo sa tubig. (1Pe 3:21–4:6) Bilang mga batong buháy, itinatayo sila kay Kristo Jesus upang maging isang espirituwal na bahay o templo. Sila ay “isang piniling lahi, isang maharlikang pagkasaserdote, isang banal na bansa, isang bayang ukol sa pantanging pag-aari.”​—1Pe 2:4-10.

Dahil sa ginawa ng Diyos at ng kaniyang Anak alang-alang sa kanila, ang mga Kristiyano, gaya ng ipinakita ni Pedro, ay may dahilan upang batahin ang mga pagdurusa at panatilihin ang mainam na paggawi. Aasahan nilang daranas sila ng mga pagdurusa, sapagkat “si Kristo man ay namatay nang minsanan may kinalaman sa mga kasalanan, isang taong matuwid ukol sa mga di-matuwid.” (1Pe 3:17, 18) Ang pakikibahagi sa mga pagdurusa ni Kristo, sa ganang sarili, ay isang dahilan upang magsaya, yamang magbubunga ito ng pag-uumapaw nila sa kagalakan sa pagkakasiwalat ng kaluwalhatian ni Kristo. Kapag dinusta ang isang tao dahil sa pangalan ni Kristo, iyon ay katibayan na taglay niya ang espiritu ng Diyos. (1Pe 4:12-14) Ang mga pagsubok mismo ay nagbubunga ng pananampalatayang may subok na katangian, na kailangan ukol sa kaligtasan. (1Pe 1:6-9) Isa pa, sa pamamagitan ng tapat na pagbabata, patuloy nilang mararanasan ang pagmamalasakit ng Diyos. Patatatagin at palalakasin niya sila.​—1Pe 5:6-10.

Gayunman, gaya ng idiniin ni Pedro, ang mga Kristiyano ay hindi dapat magdusa dahil sa pagiging mga manlalabag-batas. (1Pe 4:15-19) Dapat silang magpakita ng ulirang paggawi, na magpapatahimik sa walang-muwang na usapan laban sa kanila. (1Pe 2:12, 15, 16) Kasangkot dito ang bawat aspekto ng buhay ng isang Kristiyano​—ang kaniyang kaugnayan sa awtoridad ng pamahalaan, sa mga amo, sa mga miyembro ng pamilya, at sa mga kapatid na Kristiyano. (1Pe 2:13–3:9) Humihiling ito ng tamang paggamit ng mga sangkap sa pagsasalita, ng pagtataglay ng isang mabuting budhi (1Pe 3:10-22), at ng pananatiling malaya mula sa nagpaparungis na mga gawain ng mga bansa. (1Pe 4:1-3) Sa loob ng kongregasyon, ang matatandang lalaki na naglilingkod bilang mga pastol ay hindi dapat mamanginoon sa mga tupa, kundi dapat nilang gawin ang kanilang gawain nang maluwag sa kalooban at may pananabik. Ang mga nakababatang lalaki ay dapat magpasakop sa matatandang lalaki. (1Pe 5:1-5) Ang lahat ng mga Kristiyano ay dapat na maging mapagpatuloy, magpatibayan sa isa’t isa, magkaroon ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa, at magbigkis ng kababaan ng pag-iisip.​—1Pe 4:7-11; 5:5.

Ikalawang Pedro. Layunin ng ikalawang liham ni Pedro na tulungan ang mga Kristiyano na tiyakin ang pagtawag at pagpili sa kanila at huwag mailigaw ng mga bulaang guro at mga taong di-makadiyos sa loob mismo ng kongregasyon. (2Pe 1:10, 11; 3:14-18) Ang mga Kristiyano ay hinihimok na magkaroon ng pananampalataya, kagalingan, kaalaman, pagpipigil sa sarili, pagbabata, makadiyos na debosyon, pagmamahal na pangkapatid, at pag-ibig (2Pe 1:5-11), at pinapayuhan sila na magbigay-pansin sa kinasihang “makahulang salita.” (2Pe 1:16-21) Binanggit ang mga halimbawa ng nakalipas na mga paglalapat ng kahatulan ni Jehova laban sa mga taong di-makadiyos upang ipakita na ang poot ng Diyos ay hindi matatakasan niyaong mga nag-iiwan sa landas ng katuwiran. (2Pe 2:1-22) Anuman ang sabihin ng mga manunuya sa “mga huling araw,” ang pagdating ng araw ni Jehova, isang araw ng pagpuksa sa mga taong di-makadiyos, ay kasintiyak ng sinapit ng sanlibutan noong mga araw ni Noe. Gayundin, ang pangako ng Diyos na mga bagong langit at isang bagong lupa ay tiyak at dapat gumanyak sa isa na puspusang magsikap na masumpungang walang dungis sa pangmalas ng Diyos.​—2Pe 3:1-18.

[Kahon sa pahina 890]

MGA TAMPOK NA BAHAGI NG UNANG PEDRO

Isang liham na nagpapasigla sa mga Kristiyano na maging mapagpuyat at magbata nang may katapatan sa kabila ng mga pagsubok

Isinulat sa Babilonya ng apostol na si Pedro sa pamamagitan ng paggamit kay Silvano bilang kalihim, noong mga 62-64 C.E.

Ang mga Kristiyano ay dapat gumawi sa paraang karapat-dapat sa kanilang kamangha-manghang pag-asa

Ang “mga pinili” ay pinagkalooban ng isang buháy na pag-asa, isang walang-kasiraang mana sa langit (1:1-5)

May pananampalataya sila kay Jesu-Kristo ukol sa kaligtasan ng kanilang mga kaluluwa​—isang bagay na doo’y naging lubhang interesado ang sinaunang mga propeta at maging ang mga anghel (1:8-12)

Kaya nga, dapat nilang bigkisan ang kanilang mga pag-iisip ukol sa gawain; dapat silang umiwas sa kanilang dating mga pagnanasa, magpakabanal, at gumawi nang may makadiyos na takot at pag-ibig na pangkapatid (1:13-25)

Dapat silang magkaroon ng pananabik sa ‘gatas ng salita’ upang lumaki tungo sa kaligtasan (2:1-3)

Sila ay isang espirituwal na bahay, isang banal na pagkasaserdote, itinayo sa pundasyon ni Kristo; kaya naman dapat silang maghandog ng espirituwal na mga haing kaayaaya sa Diyos (2:4-8)

Bilang isang bayang ukol sa pantanging pag-aari, ipinapahayag nila nang malawakan ang mga kagalingan ng kanilang Diyos at gumagawi sila sa paraang nagpaparangal sa kaniya (2:9-12)

Ang mga kaugnayan sa mga kapuwa-tao ay dapat na nakasalig sa makadiyos na mga simulain

Maging mapagpasakop sa mga tagapamahalang tao; ibigin ang mga kapatid; matakot sa Diyos (2:13-17)

Ang mga tagapaglingkod sa bahay ay dapat magpasakop sa kanilang mga panginoon kahit di-makatuwiran ang mga ito; nagpakita si Jesus ng mabuting halimbawa ng matiising pagbabata ng kasamaan (2:18-25)

Ang mga asawang babae ay dapat magpasakop sa kani-kanilang asawang lalaki; kung di-sumasampalataya ang asawang lalaki, maaari siyang mawagi ng mainam na paggawi ng asawang babae (3:1-6)

Ang mga asawang lalaki ay dapat mag-ukol ng karangalan sa kani-kanilang asawang babae “gaya ng sa isang mas mahinang sisidlan” (3:7)

Ang lahat ng mga Kristiyano ay dapat magpakita ng pakikipagkapuwa-tao sa pakikitungo sa iba, na hindi gumaganti ng pinsala sa pinsala, kundi nagtataguyod ng kapayapaan (3:8-12)

Ang wakas ng lahat ng mga bagay ay malapit na, kaya ang mga Kristiyano ay dapat na maging matino sa pag-iisip at mapagpuyat may kinalaman sa mga panalangin, dapat silang magkaroon ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa at dapat nilang gamitin ang kanilang mga kaloob upang parangalan ang Diyos (4:7-11)

Ang mga matatanda ay dapat na may pananabik na magpastol sa kawan ng Diyos; ang mga kabataang lalaki ay dapat na laging magpasakop sa matatandang lalaki; ang lahat ay dapat magpamalas ng kababaan ng pag-iisip (5:1-5)

Ang tapat na pagbabata ng pagdurusa ay nagbubunga ng mga pagpapala

Ang mga Kristiyano ay maaaring magsaya kahit sa ilalim ng nakapipighating mga pagsubok, yamang ang katangian ng kanilang pananampalataya ay mahahayag (1:6, 7)

Hindi sila dapat magdusa dahil sa paggawa ng masama; kung nagdurusa sila alang-alang sa katuwiran, dapat nilang luwalhatiin ang Diyos at hindi sila dapat mahiya; iyon ay panahon ng paghatol (3:13-17; 4:15-19)

Si Kristo ay nagdusa at namatay sa laman upang maakay tayo sa Diyos; kaya nga, hindi na tayo nabubuhay ayon sa mga pagnanasa ng laman​—kahit pagsalitaan pa tayo nang may pang-aabuso ng mga taong makalaman dahil sa naiiba tayo (3:18–4:6)

Kung ang isang Kristiyano ay may-katapatang nagbabata ng mga pagsubok, magiging kabahagi siya sa malaking pagsasaya sa pagkakasiwalat kay Jesus at makatitiyak siya na taglay na niya ngayon ang espiritu ng Diyos (4:12-14)

Magpakababa ang bawat isa sa ilalim ng kamay ng Diyos at ihagis niya sa Diyos ang kaniyang kabalisahan; manindigan siya laban kay Satanas, taglay ang pagtitiwalang palalakasin ng Diyos mismo ang Kaniyang mga lingkod (5:6-10)

[Kahon sa pahina 891]

MGA TAMPOK NA BAHAGI NG IKALAWANG PEDRO

Isang liham na nagpapasigla sa mga Kristiyano na magpunyagi at mangunyapit sa makahulang salita; naglalaman ito ng maririing babala laban sa apostasya

Marahil ay isinulat mula sa Babilonya noong mga 64 C.E.

Ang mga Kristiyano ay dapat magpunyagi at magtiwala sa makahulang salita

Lubusang ibinigay ng Diyos ang lahat ng mga bagay na may kinalaman sa buhay at makadiyos na debosyon; bilang tugon, ang mga Kristiyano ay dapat na magpunyaging linangin ang pananampalataya, kagalingan, kaalaman, pagpipigil sa sarili, pagbabata, makadiyos na debosyon, pagmamahal na pangkapatid, at pag-ibig​—mga katangian na tutulong sa kanila na maging aktibo at mabunga (1:1-15)

Ang mga Kristiyano ay dapat magbigay-pansin sa makahulang salita na kinasihan ng Diyos; nang makita ni Pedro si Jesus na nagbagong-anyo at marinig ang Diyos na nagsalita sa bundok, ang makahulang salita ay ginawang higit na tiyak (1:16-21)

Magbantay laban sa mga bulaang guro at sa iba pang masasamang tao; ang araw ni Jehova ay darating

Ang mga bulaang guro ay pupuslit sa loob ng kongregasyon, anupat magpapasok ng mapanirang mga sekta (2:1-3)

Tiyak na hahatulan ni Jehova ang mga apostatang ito, kung paanong hinatulan niya ang masuwaying mga anghel, ang di-makadiyos na sanlibutan noong mga araw ni Noe, at ang mga lunsod ng Sodoma at Gomorra (2:4-10)

Hinahamak ng gayong mga bulaang guro ang awtoridad, dinudungisan nila ang mabuting pangalan ng mga Kristiyano sa pamamagitan ng mga pagpapakalabis at imoralidad, inaakit nila ang mahihina, at nangangako sila ng kalayaan samantalang sila mismo ay mga alipin ng kasiraan (2:10-19)

Ang kalagayan ng mga ito sa ngayon ay lalong masama kaysa noong wala silang alam tungkol kay Jesu-Kristo (2:20-22)

Mag-ingat sa mga manunuya sa mga huling araw na manlilibak sa mensahe tungkol sa ipinangakong pagkanaririto ni Jesus; nalilimutan nila na ang Diyos na naglalayong pumuksa sa sistemang ito ng mga bagay ay nagsagawa na ng pagpuksa sa sanlibutan bago ang Baha (3:1-7)

Huwag ipagkamali ang pagkamatiisin ng Diyos bilang kabagalan​—siya ay matiisin sapagkat nais niyang magsisi ang mga tao; gayunpaman, ang sistemang ito ng mga bagay ay mapupuksa sa araw ni Jehova, at hahalinhan ito ng matuwid na mga bagong langit at bagong lupa (3:8-13)

Dapat gawin ng mga Kristiyano ang kanilang buong makakaya upang maging “walang batik at walang dungis at nasa kapayapaan”; sa gayon ay hindi sila maililigaw ng mga bulaang guro kundi lalago sila sa di-sana-nararapat na kabaitan at kaalaman kay Kristo (3:14-18)