Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Peka

Peka

[mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “buksan”].

Hari ng Israel sa loob ng 20-taóng yugto pasimula noong mga 778 B.C.E.; kapanahon ng mga Judeanong hari na sina Azarias (Uzias), Jotam, at Ahaz. Mas maaga rito, naglingkod si Peka bilang ayudante ng Israelitang si Haring Pekahias. Ngunit noong ika-52 taon ng paghahari ni Uzias, sa pakikipagtulungan ng 50 lalaki ng Gilead ay pinaslang ni Peka na anak ni Remalias si Pekahias at inagaw ang pagkahari sa Israel sa Samaria. (2Ha 15:25, 27) Noong panahon ng paghahari ni Peka, nagpatuloy ang idolatrosong pagsamba sa guya. (2Ha 15:28) Ang tagapamahalang ito ay nakipag-alyansa rin kay Rezin na hari ng Sirya. Sa pagtatapos ng paghahari ng Judeanong si Haring Jotam (na nagsimula noong ikalawang taon ni Peka), sina Peka at Rezin ay kapuwa pinagmulan ng kabagabagan para sa Juda.​—2Ha 15:32, 37, 38.

Pagkatapos na magsimula ang paghahari ng anak ni Jotam na si Ahaz noong ika-17 taon ni Peka, sinalakay nina Rezin at Peka ang Juda, anupat binalak na alisin sa trono ang monarkang iyon at italaga ang isang anak ni Tabeel bilang hari. Hindi sila nagtagumpay na makuha ang Jerusalem (2Ha 16:1, 5; Isa 7:1-7), ngunit dumanas ng malaking pinsala ang Juda. Sa loob ng isang araw ay pumatay si Peka ng 120,000 magigiting na lalaki ng Juda. Kinuha ring bihag ng hukbo ng Israel ang 200,000 Judeano. Gayunman, sa payo ng propetang si Oded, na sinuportahan ng maraming pangunahing lalaki ng Efraim, ibinalik sa Juda ang mga bihag na ito.​—2Cr 28:6, 8-15.

Bagaman binigyang-katiyakan sa pamamagitan ng propetang si Isaias na hindi siya mapatatalsik ng tambalang Siro-Israelita bilang hari (Isa 7:6, 7), sinuhulan ng walang-pananampalatayang si Ahaz ang Asiryanong si Haring Tiglat-pileser III upang tulungan siya. Bilang tugon, binihag ng Asiryanong monarka ang Damasco at pinatay si Rezin. (2Ha 16:7-9) Lumilitaw rin na nang panahong iyon ay binihag ni Tiglat-pileser ang mga rehiyon ng Gilead, Galilea, at Neptali, gayundin ang maraming lunsod sa hilagang Israel. (2Ha 15:29) Pagkatapos nito ay pinatay ni Hosea na anak ni Elah si Peka at siya ang sumunod na naging hari ng Israel.​—2Ha 15:30.

Isang pira-pirasong makasaysayang teksto ni Tiglat-pileser III ang nag-ulat tungkol sa kaniyang kampanya laban sa Israel: “Ang lahat ng tumatahan doon (at) ang kanilang mga pag-aari ay dinala ko sa Asirya. Ibinagsak nila ang kanilang haring si Peka (Pa-qa-ha) at inilagay ko si Hosea (A-ú-si-ʼ) bilang hari sa kanila.”​—Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. B. Pritchard, 1974, p. 284.