Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pekod

Pekod

Lumilitaw na ito ay pangalan ng isang lugar sa kapaligiran ng Babilonya. Ang mga lalaki ng Pekod ay kabilang sa mga hukbong militar na maglalapat ng hatol ni Jehova sa di-tapat na Jerusalem. (Eze 23:4, 22-26) Nang maglaon, ang Pekod mismo ay itinalaga sa pagkapuksa.​—Jer 50:21.

Ang Pekod ay kadalasang iniuugnay sa Puqudu ng mga inskripsiyong Asiryano. Ipinahihiwatig ng Nimrud Inscription ni Tiglat-pileser III na ang Pekod ay idinagdag sa Imperyo ng Asirya at nasa kapaligiran ng Elam. (Records of the Past: Ancient Monuments of Egypt and Western Asia, inedit ni A. Sayce, London, 1891, Tomo V, p. 120, 121) Samakatuwid, kung wastong iugnay ito sa Puqudu, lilitaw na ang Pekod ay nasa S ng Tigris at nasa H ng pinagsasalubungan ng ilog na iyon at ng Karkheh.

Iminumungkahi na sa Jeremias 50:21 ang katawagang “Pekod” (tulad ng Merataim) ay posibleng isang matulaing pangalan para sa Babilonya. Kapansin-pansin na ipinakikita ng isang inskripsiyong umiral noong panahon ni Nabucodonosor na ang Puqudu ay nasa ilalim ng kontrol ng Babilonya. Samakatuwid, nang bumagsak ang Babilonya sa mga Medo at mga Persiano, maaaring naapektuhan din nito ang Pekod.