Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pelikano

Pelikano

[sa Heb., qa·ʼathʹ; sa Ingles, pelican].

Iniuugnay ng mga tagapagsalin ng Griegong Septuagint at Latin na Vulgate ang salitang Hebreo na qa·ʼathʹ sa “pelikano.” Ito’y nakatalang kasama ng mga ibon na itinalagang ‘marumi’ sa Kautusang Mosaiko.​—Lev 11:13, 18; Deu 14:11, 12, 17.

Ang pelikano ay isa sa pinakamalalaking ibong lumilipad, anupat umaabot sa haba na mahigit sa 1.5 m (5 piye). Ang sukat ng nakabukang mga pakpak nito ay 2.5 m (8 piye) o mahigit pa. Ang manilaw-nilaw na tuka nito ay mahaba at hugis-kalawit, at mayroon itong malaki at nababanat na lukbutan sa ilalim niyaon na halos di-mapapansin kung walang laman. Bagaman asiwang kumilos sa lupa, ang mga pelikano ay malalakas at magagandang lumipad at kilalang namumugad nang hanggang 100 km (60 mi) mula sa kanilang pinangingisdaan. Napakahusay nilang manghuli ng isda, at dahil sa kanilang mga paang tulad ng sa itik ay mabilis silang nakakakilos sa tubig.

Kapag bundat na sa pagkain, kadalasa’y lumilipad ang pelikano patungo sa isang liblib na lugar, kung saan ito tumatayo na parang namamanglaw, anupat ang ulo ay nakalubog sa mga balikat nito at walang kakilus-kilos kung kaya sa malayo ay mapagkakamalan itong isang puting bato. Nananatili sa ganitong posisyon ang ibong ito sa loob ng ilang oras, sa gayo’y tumutugma sa kapanglawan at kawalang-ginagawa na tinutukoy ng salmista nang ilarawan niya ang tindi ng kaniyang pamimighati sa pamamagitan ng pagsulat: “Kahalintulad ako ng pelikano sa ilang.” (Aw 102:6) Dito, ang “ilang” ay hindi naman tumutukoy sa isang disyerto, kundi sa isang lugar na malayo sa tirahan ng mga tao, marahil ay sa isang latian. Sa pana-panahon, ang mga latian sa hilagaang Libis ng Jordan ay tinatahanan pa rin ng mga pelikano. Tatlong uri ng pelikano ang matatagpuan sa Israel. Ang pinakakaraniwan ay ang eastern white pelican (Pelecanus onocrotalus). Mas madalang namang makita ang Dalmatian pelican (Pelecanus crispus) at ang pink-backed pelican (Pelecanus rufescens).

Mas gustong manirahan ng mga pelikano sa mga lugar na hindi pa nalilinang, kung saan hindi ito magagambala ng tao. Doon ito namumugad at nagpipisa ng mga itlog at nagpapahinga pagkatapos nitong mangisda. Dahil mahilig ito sa mga liblib at tiwangwang na dako, ang ibong ito’y ginagamit sa Bibliya bilang sagisag ng lubos na pagkatiwangwang. Upang ilarawan ang dumarating na pagkatiwangwang ng Edom, inihula ni Isaias na aariin ng pelikano ang lupaing iyon. (Isa 34:11) Inihula naman ni Zefanias na ang mga pelikano ay mananahanan sa mga kapital ng mga haligi ng Nineve, anupat nagpapahiwatig ng ganap na pagkawasak at kawalan ng mga tao roon.​—Zef 2:13, 14.