Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pentateuch

Pentateuch

Ang anyong Ingles na salitang Griegong ito (nangangahulugang “limang balumbon” o “limahang tomo”) ay tumutukoy sa unang limang aklat ng Bibliya​—Genesis, Exodo, Levitico, Mga Bilang, at Deuteronomio.

Mga Nilalaman. Ang Pentateuch ay isang napakahalagang bahagi ng nasusulat na Salita ng Diyos, anupat naglalaan ng matibay na saligan para sa kalakhang bahagi ng kasunod na mga akda. Ang unang aklat nito, ang Genesis, ay nagbibigay sa atin ng kinasihang ulat ng paglalang at tumatalunton din sa kasaysayan ng tao mula sa Eden tungo sa kalakhang bahagi ng panahon ng mga patriyarka hanggang sa kamatayan ni Jose (“nang pasimula” hanggang 1657 B.C.E.). Ang ikalawang aklat, ang Exodo, ay nagsisimula sa kamatayan ni Jose at naglalahad ng pagsilang ni Moises noong panahon ng pagkaalipin, ng pagliligtas sa bayan ng Diyos mula sa pagkaalipin sa Ehipto, at ng pagpapasinaya ng tipang Kautusan sa Sinai; kalakip dito ang mga detalye para sa pagtatayo ng istraktura na magsisilbing sentro ng pagsamba, samakatuwid nga, ang tabernakulo sa ilang (mga pangyayari sa kasaysayan mula 1657 hanggang 1512 B.C.E.). Ang Levitico, na ikatlong aklat, ay sumasaklaw lamang ng mga isang buwan (1512 B.C.E.) at nagbibigay ng napakahalagang impormasyon tungkol sa Levitikong pagkasaserdote, sa ordinasyon nito, at sa mga tungkulin nito, gayundin sa mga kautusan at mga tuntuning umuugit sa obligasyon ng kongregasyon na suportahan ang pagsamba kay Jehova. Ang ikaapat na aklat, ang Mga Bilang, gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, ay naglalahad tungkol sa mga sensus na isinagawa noong pasimula at katapusan ng paglalakbay sa ilang. Nagbibigay rin ito sa atin ng maraming detalye tungkol sa 40-taóng pagpapagala-gala (hanggang 1473 B.C.E.) at nagsasaad ng maraming kautusang nakapaloob sa pambansang tipan. Ang huling aklat, ang Deuteronomio, ay sumasaklaw ng mga dalawang buwan (1473 B.C.E.); ipinaliliwanag nito ang ilang bahagi ng tipang Kautusan at naglalaan ito ng maraming ordinansa na kailangan ng bagong salinlahi ng mga Israelita na nasa Kapatagan ng Moab, na handa nang sumalakay at manakop sa Lupang Pangako. Inilalahad ng huling mga kabanata nito ang pag-aatas kay Josue bilang lider at ang kamatayan ni Moises.

Manunulat. Wala ni isa mang teksto ang nagsasabing si Moises ang sumulat ng buong Pentateuch, ngunit masusumpungan sa iba’t ibang bahagi nito ang malilinaw na pananalita na nagpapakitang si Moises ang manunulat. (Exo 17:14; 24:4; 34:27; Bil 33:2; Deu 31:9, 19, 22, 24-26) Marami ring seksiyon ang naglalaman ng mga pananalita na tuwirang binabanggit na binigkas ni Moises, pasimula sa kaniyang unang nakaulat na pakikipag-usap (Exo 2:13, 14), hanggang sa kaniyang huling pagpapala sa bayan (Deu 33:1-29), kabilang ang ilan sa kaniyang mahahabang pahayag (Deu 1:1; 5:1; 27:1; 29:2; 31:1) at natatanging mga awit. (Exo 15:1-19; Deu 31:30–32:43) Sa 27 kabanata ng Levitico, ang 20 ay nagsisimula sa mga talata na nagsasabing ang kasunod ng mga ito ay mga salita ni Jehova na sinalita kay Moises upang maipabatid niya ang mga iyon sa bayan. Totoo rin ito sa mahigit na 50 dako sa aklat ng Mga Bilang. Kaya maliban sa pangwakas na mga talata ng Deuteronomio, ipinakikita ng katibayan mula sa Pentateuch mismo na makatuwirang sabihin na si Moises ang manunulat nito.

Pinatutunayan ng maraming iba pang talata sa Bibliya na ang Pentateuch ay isinulat ni Moises. (Jos 1:7; Huk 3:4; 2Ha 18:6; Mal 4:4) Tinukoy ito ng mga taong gaya nina David (1Ha 2:1-3), Daniel (9:11), Ezra (6:18), Nehemias (8:1), Jesus (Mar 12:26; Luc 16:29; Ju 7:19), Lucas (24:27), at Juan (1:17) bilang akda ni Moises. Sa mas tuwirang paraan, kinilala ni Jesus na si Moises ang manunulat nito (Mar 10:3-5; Ju 5:46, 47), gaya rin ng ginawa ng mga Saduceo.​—Mar 12:18, 19.