Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Peor

Peor

Sa ulat tungkol sa mga pagtatangka ni Haring Balak na sumpain ang Israel sa pamamagitan ng propetang si Balaam, ang ikatlong magandang puwesto kung saan dinala si Balaam ay sinasabing “sa taluktok ng Peor, na nakaharap sa Jesimon.” (Bil 23:28) Mula rito ay makikita ni Balaam ang mga tolda ng Israel na nakalatag sa Kapatagan ng Moab sa ibaba.​—Bil 22:1; 24:2.

Ipinapalagay ng ilan na Peor ang pinaikling anyo ng pangalang Bet-peor. (Deu 4:46) Gayunman, ang huling nabanggit na lugar ay maliwanag na isang bayan na isinama sa teritoryo ng Ruben. (Jos 13:15, 16, 20) Sa gayon, ipinapalagay ng iba na ang Peor ay isang taluktok, at sinasabi nila na ang bayan ng Bet-peor ay maaaring pinangalanan nang gayon dahil ito’y nasa mga dalisdis ng taluktok na iyon. Lumilitaw na ang Peor at ang Bet-peor ay parehong may kaugnayan sa paganong pagsamba sa “Baal ng Peor” (Bil 25:1-3, 18; 31:16; Jos 22:17), at posible na ang mataas na dako ng Peor ay isang sentro ng gayong imoral na pagsamba.​—Tingnan ang BAAL Blg. 4; BAAL NG PEOR.

Si Balaam ay dinala muna sa Bamot-baal, pagkatapos ay sa “taluktok ng Pisga,” at nang dakong huli ay “sa taluktok ng Peor.” (Bil 22:41; 23:14, 28) Ang direksiyon ng paglipat-lipat nila ay mula sa T patungong H at waring nagpapahiwatig na ang Peor ay nasa H ng Pisga at Bundok Nebo. Salig sa patotoo nina Eusebius at Jerome, na nabuhay noong ikatlo at ikaapat na siglo C.E., sinasabing ang taluktok ng Peor ay isa sa mga taluktok na kahangga ng Wadi Husban.​—Tingnan ang BET-PEOR.