Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pergamino

Pergamino

[sa Ingles, parchment].

Mga balat ng tupa, kambing, o guya na inihanda upang gamitin bilang materyales na mapagsusulatan. Ang katad ay matagal nang ginagamit ng sinaunang mga tao bilang materyales na mapagsusulatan; ang Dead Sea Scroll of Isaiah, na kinopya noong papatapos na ang ikalawang siglo B.C.E., ay yari sa katad. Bilang materyales na mapagsusulatan, mas malawakang ginagamit noon ang papiro mula sa Ehipto ngunit, ayon kay Pliny, nang ipagbawal ng tagapamahala ng Ehipto ang pagluluwas nito noong mga 190 B.C.E., ang paggamit ng pergaminong katad ay naimbento sa Pergamo. (Ang salitang Ingles na “parchment,” at ang salitang Tagalog na “pergamino,” ay nagmula sa Latin na pergamena.) Marahil ay nangangahulugan lamang iyon na pinalaganap ang isang paraan ng pagpoproseso sa mga balat na dati nang ginagawa noon sa layuning masulatan ang magkabilang panig ng mga ito. Mas matitibay ang mga balumbong pergamino kaysa sa di-gaanong mamahaling mga balumbong papiro.

Sa 2 Timoteo 4:13, hiniling ng apostol na si Pablo kay Timoteo na dalhin “ang mga balumbon, lalo na ang mga pergamino.” (NW, Ro) Hindi niya sinabi kung ano ang nilalaman ng mga bagay na hiniling niya, ngunit posibleng ang hinihiling niya ay mga bahagi ng Hebreong Kasulatan upang mapag-aralan niya ang mga iyon habang nakabilanggo siya sa Roma. Maaaring ipinahihiwatig ng pariralang “lalo na ang mga pergamino” na ang tinutukoy niya ay kapuwa mga balumbong papiro at mga balumbong pergamino.

Sa gitna ng sinaunang mga Romano, mga tapyas na kahoy na binalutan ng pagkit ang kadalasang ginagamit sa pagsulat ng mga bagay na hindi naman pangmatagalan. Nang maglaon, mga pilyegong katad o pergamino ang ginamit para sa layuning ito. Ang salitang Latin na membranae (mga balat) ay ikinapit sa gayong mga kuwadernong pergamino. Sa 2 Timoteo 4:13, ginamit ni Pablo ang katumbas sa Griego ng salitang ito nang hilingin niya ang “mga balumbon, lalo na ang mga pergamino [mem·braʹnas].” Dahil dito, iminumungkahi ng ilang komentarista na ang hinihiling niya ay mga balumbon ng Hebreong Kasulatan kasama ang sa wari’y mga nota o mga liham. Kaya naman isinalin ito ni Moffatt na, “ang mga aklat ko, at partikular na ang mga papeles ko,” at ang The New English Bible ay kababasahan ng, “ang mga aklat, higit sa lahat ay ang mga kuwaderno ko.” Gayunman, hindi matiyak kung “ang mga pergamino” ay nasa anyong mga kuwaderno o mga papeles, o mga balumbong pergamino (La; Kx).

Vellum. Ang mga pergamino ay karaniwan nang gawa mula sa balat ng tupa, kambing, o guya. Noong ikatlo at ikaapat na siglo C.E., sinimulang kilalanin ang pagkakaiba sa pagitan ng mas magaspang at ng mas pinong uri ng materyal na ito, anupat ang mas magaspang ay patuloy na tinawag na pergamino, ngunit ang mas pino naman ay tinawag na vellum. Ang vellum ay gawa mula sa maninipis na balat ng guya (veal) o ng batang kambing, o ng mga guya o mga kordero na patay na nang isilang. Upang maihanda ito, kinakaskas ang balahibo mula sa hinugasang balat, binabanat ang balat sa isang balangkas, muli itong hinuhugasan at kinakaskas upang kuminis, pinupulbusan ito ng yeso, at kinukuskusan ito ng pomes. Ang resulta ay isang materyales na mapagsusulatan na manipis, makinis, at halos kulay puti, anupat malawakan itong ginamit para sa mahahalagang aklat hanggang noong maimbento ang pag-iimprenta, na para rito ay mas angkop at mas murang gamitin ang papel. Ang mahahalagang manuskrito ng Bibliya gaya ng Sinaitic at Vatican No. 1209 ng ikaapat na siglo gayundin ang mga manuskritong Alexandrine ng ikalimang siglo ay pawang yari sa vellum.