Perlas
Isang hiyas na makinis, matigas, pabilog, at karaniwa’y kulay puti na may kaayaayang makisap na kinang, anupat mula pa noong sinaunang mga panahon ay ginamit na ito bilang palamuti. (1Ti 2:9; Apo 17:4; 18:11, 12, 15, 16; 21:2, 21) Ito ay isang tumigas na kimpal ng calcium carbonate na namumuo sa loob ng mga talaba at iba pang mga mulusko. Kapag isang partikula mula sa labas (gaya ng isang butil ng buhangin o isang maliit na parasito) ang nakapasok sa mulusko at napunta iyon sa pagitan ng katawan at ng loob ng kabibi nito, ang nilalang na ito ay naglalabas ng isang substansiyang calcareous (may calcium carbonate) na tinatawag na nacre, na tumitigas at nagiging isang malaperlas na suson na bumabalot sa nakapasok na materyal na uminis sa mulusko. Ang patung-patong na suson ng tulad-kabibing substansiyang ito ay naiipon sa palibot ng nakapasok na partikula na nagsisilbing nukleo. Kapag ang nukleo ay nanatiling hiwalay sa kabibi dahil sa pag-urong ng mantle na nakasapin sa kabibi, isang magandang perlas ang nabubuo sa paglipas ng ilang taon.
Ang mga perlas na uring hiyas ay kinukuha mula sa sea pearl oyster, katutubo ng karamihan sa mainit-init na mga katubigan sa tropiko, at lalo na niyaong mga katubigan sa kapaligiran ng Bahrain sa Gulpo ng Persia, at sa Dagat na Pula.
Makatalinghagang Paggamit. Kung minsan ay ipinahihiwatig ng Bibliya ang kahalagahan ng mga perlas sa makatalinghagang paraan. Nang tukuyin ang nakahihigit na halaga ng tunay na karunungan, sinabi ni Job: “Ang isang supot ng karunungan ay nagkakahalaga ng higit kaysa sa isa na punô ng mga perlas.” (Job 28:18) Sa Sermon sa Bundok ay nagpayo si Jesu-Kristo: “Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang anumang banal, ni ihagis man ang inyong mga perlas sa harap ng mga baboy, upang hindi nila yurakan ang mga iyon sa ilalim ng kanilang mga paa at bumaling at kayo ay lapain.” (Mat 7:6) Maliwanag na ganito ang ibig sabihin ni Jesus: Kung ipinakikita ng isang tao na tulad siya ng isang aso o isang baboy, anupat walang pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay, hindi na dapat ipagpatuloy ng isa ang pagsisikap na bahaginan siya ng espirituwal na mga kaisipan at mga turo. Yuyurakan lamang ng masasamang taong iyon ang mahahalagang espirituwal na mga bagay at aabusuhin o sasaktan ang sinumang nagsisikap na magbahagi ng mga ito sa kanila. Inilarawan din ni Jesus ang kahalagahan ng Kaharian ng langit nang banggitin niya ang tungkol sa “isang perlas” na may napakataas na halaga anupat ‘dali-daling ipinagbili ng isang naglalakbay na mangangalakal na naghahanap ng maiinam na perlas ang lahat ng mga bagay na taglay niya at binili iyon.’ (Mat 13:45, 46) Sa gayon ay ipinakita ni Jesus na kung kinikilala ng isang indibiduwal ang tunay na halaga ng pagtatamo ng Kaharian ng langit, magiging handa siyang iwan ang lahat ng bagay upang matamo iyon.—Ihambing ang Mat 11:12; Luc 13:23-25; Fil 3:8-11.