Petor
Bayan ni Balaam, ang propeta na nagtangkang sumpain ang Israel. Ang Petor ay “nasa tabi ng Ilog,” lumilitaw na ang Eufrates, sa “Aram-naharaim” (tekstong Masoretiko) o “Mesopotamia” (LXX). (Bil 22:5; 23:7; Deu 23:4, tlb sa Rbi8) Karaniwang ipinapalagay na ito ay ang “Pitru” ng mga inskripsiyong Asiryano. Ang Pitru ay nasa Ilog Sajur, na isang kanluraning sangang-ilog ng Eufrates sa dakong T ng Carkemis. Gayunman, ang lokasyong ito sa Sajur ay tutugma lamang sa paglalarawan ng Bibliya kung ang rehiyon na tinatawag na “Aram-naharaim” o “Mesopotamia” ay abot hanggang sa K ng Eufrates sa lugar na ito.