Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pibeset

Pibeset

[mula sa Ehipsiyo, nangangahulugang “Bahay ni [diyosa] Bastet”].

Isang lunsod na binanggit kasama ng On (Heliopolis) sa Ezekiel 30:17 sa isang hula na nakatuon laban sa Ehipto. Sa pagkakasalin ng Septuagint sa teksto, iniuugnay nito ang Pibeset sa Bubastis, isang sinaunang lunsod sa rehiyon ng Delta, na ang mga labí nito ay nasa Tell Basta, mga 70 km (43 mi) sa HHS ng Cairo, malapit sa makabagong lunsod ng Zagazig. Ang pangalan ng sinaunang lunsod gaya ng makikita sa mga inskripsiyong Ehipsiyo ay nagpapakita ng malinaw na pagkakatulad sa Hebreong Pibeset.

Ang Pibeset, o Bubastis, ang sentro ng pagsamba sa diyosang si Bastet, o Bast, isang diyosang pusa na kadalasang inilalarawan na may ulo ng pusa. Ang pagkakaroon ng isang malaking libingan para sa mga pusa malapit sa lunsod ay nagpapatotoo sa pagiging prominente ng pagsamba sa kaniya roon. Isang taunang kapistahan ang ipinagdiriwang bilang parangal kay Bastet, na dinadaluhan ng libu-libong tagapagtaguyod mula sa lahat ng bahagi ng lupain.

Nang ang Pibeset ang kabisera ng ika-18 nome (distrito) ng Mababang Ehipto, narating nito ang kasukdulan ng pagiging prominente sa pulitika noong panahong ang linya ng mga Libyanong tagapamahala sa Ehipto ay magsimula kay Paraon Sisak, isang kapanahon nina Solomon at Rehoboam. (1Ha 11:40; 14:25, 26) Ang Pibeset ay isang maharlikang lunsod ni Sisak. Ang hula ni Ezekiel ay may kaugnayan sa pananakop ng Babilonya sa Ehipto kung kailan dadaluhungin ang Pibeset. Nang maglaon ay winasak ng mga Persiano ang lunsod, at sa ngayon ay mga guho na lamang ang nalalabi sa sinaunang dakong ito.