Piging ng Pag-ibig
Sa Bibliya, hindi inilalarawan ang mga piging ng pag-ibig ni binabanggit man kung gaano kadalas idinaraos ang mga ito. (Jud 12) Hindi ipinag-utos ng Panginoong Jesu-Kristo o ng kaniyang mga apostol ang mga piging na ito, at maliwanag na ang mga ito’y hindi sapilitan o permanenteng kahilingan. May mga nagsasabi na ito’y mga okasyon kung kailan nagdaraos ng piging ang mga Kristiyanong sagana sa materyal at inaanyayahan nila ang kanilang mga dukhang kapananampalataya. Ang mga ulila sa ama, ang mga babaing balo, ang mayayaman, at ang mga kapos-palad ay sama-samang nagsasalu-salo sa isang saganang hapag-kainan sa espiritu ng pagkakapatiran.
Inilalarawan ni Tertullian, isang manunulat noong ikalawa at ikatlong siglo, ang mga piging ng pag-ibig, anupat binanggit niya na bago humilig at kumain, ang mga dumadalo ay nananalangin muna sa Diyos. Sila’y kumakain at umiinom nang katamtaman, sapat lamang upang mapawi ang kanilang gutom at uhaw, na inaalaalang kahit sa gabi ay dapat nilang sambahin ang Diyos. Nag-uusap silang taglay sa isip na ang Panginoon ay nakikinig. Bawat isa’y umaawit, at ang piging ay nagtatapos sa panalangin.—Apology, XXXIX, 16-18.
Noong una, ang mga piging na ito ay idinaraos nang may mabuting layunin at makikita iyan sa salitang a·gaʹpe na ginamit bilang paglalarawan sa mga ito. A·gaʹpe ang salitang Griego na ginamit para sa pinakamataas na anyo ng pag-ibig, pag-ibig na nakasalig sa simulain. Ito ang pag-ibig na tinutukoy ng Bibliya nang sabihin nito na “ang Diyos ay pag-ibig.” (1Ju 4:8) Itinala ito bilang bunga ng espiritu sa Galacia 5:22 at inilarawan naman ito nang detalyado sa 1 Corinto 13:4-7.
Hindi Ito ang Hapunan ng Panginoon. Waring walang saligan para iugnay sa Hapunan ng Panginoon (Memoryal) ang mga piging na ito ng pag-ibig, gaya ng ginagawa ng ilan, anupat kanilang sinasabi na ang mga piging ng pag-ibig noon ay nagaganap bago o kaya’y pagkatapos ipagdiwang ang Memoryal. Ang Hapunan ng Panginoon ay isang anibersaryong nagaganap taun-taon sa araw ding iyon, tuwing ika-14 na araw ng buwang lunar ng Nisan, samantalang ang mga piging ng pag-ibig ay waring idinaraos nang madalas at walang regular na iskedyul. Pagkatapos tuligsain ni Pablo ang mga pagmamalabis na bumangon may kaugnayan sa pagdadala ng kani-kanilang mga hapunan sa dakong pagdarausan ng Hapunan ng Panginoon, isinulat niya: “Tiyak namang may mga bahay kayo para sa pagkain at pag-inom, hindi ba? . . . Kung ang sinuman ay gutóm, kumain siya sa bahay.” (1Co 11:22, 34) Ang Hapunan ng Panginoon ay dapat ipagdiwang nang may pagkaseryoso at dapat bulay-bulayin ang kahulugan nito. Hindi ito isang okasyon para magkainan at mag-inuman sa dakong pinagtitipunan.
Ang mga piging ng pag-ibig ay naiiba rin naman sa “mga pagkain” (“pagpuputul-putol ng tinapay,” KJ) na binanggit sa Gawa 2:42, 46 at 20:7. Noong mga panahong iyon, ang tinapay ay karaniwan nang maninipis. Kung walang lebadura, magiging malutong din ang mga ito. Noon, hindi hinihiwa ang tinapay, kundi pinagpuputul-putol, at dito nagmula ang pananalitang “pagpuputul-putol ng tinapay,” na kadalasa’y tumutukoy sa pakikibahagi sa pagkain.—Gaw 2:46, KJ, ihambing ang NW.
Ginamit ng Ilan sa Maling Paraan. Bilang isang literal na salu-salo, ang mga piging ng pag-ibig ay inabuso sa iba’t ibang paraan niyaong mga walang wastong espirituwal na pangmalas. Yamang ang mga ito’y hindi naman ipinag-utos ng Panginoong Jesu-Kristo o ng kaniyang mga apostol kundi isa lamang kaugalian, itinigil ang mga ito nang maglaon. Ipinakikita ng mga pananalita ni Judas na ang ilang nakikisama sa mga okasyong ito ay may masasamang motibo: “Ito ang mga batong nakatago sa ilalim ng tubig sa inyong mga piging ng pag-ibig habang sila ay nakikipagpiging sa inyo, mga pastol Jud 12) Ipinakikita naman ni Pedro na may mga manggagawa ng kasamaan at mga nagtuturo ng huwad na doktrina na nakapasok sa gitna ng mga tunay na Kristiyano, sa pagsasabing: “Itinuturing nilang isang kaluguran ang marangyang pamumuhay kung araw. Sila ay mga batik at mga dungis, na nagpapakasasa nang may walang-patumanggang pagsasaya sa kanilang mga turong mapanlinlang habang nakikipagpiging sa inyo.” (2Pe 2:13) Yamang nagpapatuloy ang kasiya-siyang pagsasamahang Kristiyano at pagtutulungan sa materyal na paraan sa abot ng makakaya, walang saligan upang ibalik ang mga piging ng pag-ibig bilang isang kaugalian sa kongregasyong Kristiyano.—San 1:27; 2:15.
na walang-takot na pinakakain ang kanilang sarili.” (