Pihahirot
Ang pinakahuling lugar na pinagkampuhan ng mga Israelita bago sila tumawid sa Dagat na Pula. (Bil 33:7, 8) Pagkatapos magkampo sa “Etham sa gilid ng ilang” (Exo 13:20), tumanggap si Moises ng mga tagubilin mula sa Diyos na Jehova na “bumalik sila at magkampo sa harap ng Pihahirot sa pagitan ng Migdol at ng dagat sa tapat ng Baal-zepon.” (Exo 14:1, 2) Kung alam lamang sana ngayon ang mga lokasyon ng Migdol at Baal-zepon, hindi magiging mahirap tukuyin ang Pihahirot. Gayunman, hindi ganito ang kaso. Ang pangalan ng mga lugar na ito, pati na ang sa Pihahirot, ay iniuugnay sa ilang lokalidad na nasa kahabaan ng silanganing hanggahan ng sinaunang Ehipto, ngunit iba-iba at hindi tiyak ang mga pag-uugnay na iyon. Dahil dito, waring ang ilang heograpikong paglalarawan na nasa ulat mismo ang pinakamahusay na saligan upang magkaideya tayo tungkol sa lokasyon ng Pihahirot.
Ang Pihahirot ay malapit sa Dagat na Pula. Ito’y nasa isang lokasyon kung saan ang tanging ruta upang matakasan ang dumarating na mga hukbong Ehipsiyo ay ang dagat mismo. Sa lokasyong iyon, malamang na ang dagat ay malalim, yamang ang tubig nito ay ‘nahawi,’ anupat nagkaroon ng madaraanan sa “gitna ng dagat,” at ang tubig ay nagmistulang “pader” sa magkabilang panig. (Exo 14:16, 21, 22) Walang ganitong lugar sa H ng Gulpo ng Suez. Totoo, maraming makabagong iskolar ang pabor sa teoriya na ang tinawid ng mga Israelita ay yaong mababaw na rehiyon ng Bitter Lakes, na nagpapasimula mga 25 km (16 na mi) sa H ng Suez. Gayunman, may dalawang ideya sa pangmalas na ito. Alinman sa itinatanggi nito ang pagiging makahimala ng pagtawid ng mga Israelita (anupat inaangkin na ang tinawid lamang ay isang latian), o itinataguyod nito ang ideya na noong sinaunang panahon, ang hilagaang bahagi ng Dagat na Pula ay hanggang sa rehiyon ng Bitter Lakes at na ang tubig doon ay higit na mas malalim noon. Gayunman, ipinakikita ng arkeolohikal na katibayan na napakaliit lamang ng ipinagbago ng lebel ng tubig doon mula noong sinaunang mga panahon.
Dahil dito, waring ang tumutugma pa rin sa ulat ng Bibliya ay yaong iminumungkahi ng mga iskolar (ng ika-19 na siglo). Maliwanag na ang Pihahirot ay isang lugar sa makitid na kapatagang bumabagtas sa timog-silangang paanan ng Jebel ʽAtaqah na mga 20 km (12 mi) sa TK ng Suez. Iminumungkahi na ang mga Israelita ay nagsimulang tumawid sa lungos na tinatawag na Ras ʽAtaqah at binagtas nila ang pinakasahig ng dagat patungo sa kapaligiran ng oasis na ʽAyun Musaʼ sa kabilang pampang. Sa seksiyong ito, unti-unti ang paglalim ng pinakasahig ng dagat dahil sa buhanginan na umaabot nang 3 km (2 mi) mula sa magkabilang pampang. Ang pinakamalalim na tubig malapit sa gitna ng landas na ito ng dagat ay mga 15 m (50 piye). Ang distansiya sa pagitan ng magkabilang pampang ay mga 10 km (6 na mi). Kaya may sapat na lugar para makatawid sa pinakasahig ng dagat ang posible’y tatlong milyong Israelita habang humahayo rin sa makahimalang daanang iyon ang mga hukbong militar ni Paraon upang habulin ang mga Israelita.—Tingnan ang PAG-ALIS (Ruta ng Pag-alis).
Sa pangkalahatan, ang pangmalas na ito ay tumutugma sa tradisyong ipinasa ni Josephus, isang Judiong istoryador noong unang siglo C.E. Ayon sa kaniya bago tumawid ang mga Israelita, sila ay ‘nakulong sa pagitan ng napakatatarik na mga dalisdis at ng dagat.’ (Jewish Antiquities, II, 324 [xv, 3]) Ang ‘pagbalik’ ng bansang Israel mula sa Etham patungo sa lugar na inilarawan sa naunang mga parapo ay makakasuwato rin ng inihula ni Jehova na sasabihin ni Paraon tungkol sa Israel, “Sila ay nagpapagala-gala sa lupain dahil sa kalituhan. Napaliligiran na sila ng ilang.” (Exo 14:3) Hindi nga ganito ang mga lokasyon sa H ng Suez. Gayundin, dahil sa lokasyon ng Pihahirot sa kapaligiran ng Jebel ʽAtaqah, mabilis na mahahabol ng mga hukbo ni Paraon ang tumatakas na mga Israelita sa pamamagitan ng pagdaan sa isang ruta na karaniwang dinaraanan mula sa Memfis (ang malamang na kabisera ng Ehipto noong panahong iyon) patungong Peninsula ng Sinai.—Exo 14:4-9.
Bagaman ang lokasyong ito ng Pihahirot ay tumutugma sa heograpiya, dapat ituring na ito’y hindi tiyak, anupat nangangailangan pa ng posibleng kumpirmasyon sa hinaharap.