Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pilato

Pilato

Romanong gobernador ng Judea noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa. (Luc 3:1) Pagkatapos na alisin ang anak ni Herodes na Dakila na si Arquelao mula sa pagiging etnarka ng Judea, mga gobernador ng probinsiya ang inatasan ng emperador upang mamahala sa probinsiya, anupat maliwanag na si Pilato ang ikalima sa mga ito. Inatasan siya ni Tiberio noong 26 C.E., at tumagal nang sampung taon ang kaniyang pamamahala.

Kakaunti ang nalalaman tungkol sa personal na kasaysayan ni Poncio Pilato. Ang tanging yugto ng kaniyang buhay na napaulat sa kasaysayan ay noong gobernador siya ng Judea. Ang isang inskripsiyon na kinikilalang nagtataglay ng kaniyang pangalan ay natagpuan noong 1961 sa Cesarea. Binabanggit din doon ang “Tiberieum,” isang gusali na inialay ni Pilato bilang parangal kay Tiberio.

Bilang kinatawan ng emperador, lubusang kontrolado ng gobernador ang probinsiya. Maaari siyang magpataw ng hatol na kamatayan, at ayon sa mga nagtataguyod sa pangmalas na ang Sanedrin ay makapaglalapat ng hatol na kamatayan, kailangang makamit ng hukumang iyon ng mga Judio ang pagsang-ayon ng gobernador upang magkabisa ang hatol nilang iyon. (Ihambing ang Mat 26:65, 66; Ju 18:31.) Yamang ang opisyal na tirahan ng Romanong tagapamahalang iyon ay nasa Cesarea (ihambing ang Gaw 23:23, 24), doon nakahimpil ang pangunahing pangkat ng mga hukbong Romano, na may mas maliit na hukbong nakatalaga sa Jerusalem. Gayunman, karaniwan nang naninirahan sa Jerusalem ang gobernador kapag panahon ng kapistahan (gaya ng Paskuwa) at nagsasama ng karagdagang mga kawal. Kasama noon ni Pilato sa Judea ang kaniyang asawa (Mat 27:19), yamang posible ito dahil nagkaroon ng pagbabago sa patakaran ng Roma may kinalaman sa mga gobernador na nasa mapanganib na mga atas.

Hindi mapayapa ang panunungkulan ni Pilato. Ayon sa Judiong istoryador na si Josephus, masama ang naging pasimula ng pakikipag-ugnayan ni Pilato sa kaniyang mga sakop na Judio. Isang gabi ay nagpadala siya sa loob ng Jerusalem ng mga kawal na Romano na may dalang mga estandarte na may mga larawan ng emperador. Lubhang ikinagalit ito ng mga Judio; nagpadala sila ng isang delegasyon sa Cesarea upang ireklamo ang mga estandarte at ipaalis ang mga ito. Pagkatapos ng limang-araw na pag-uusap, tinakot ni Pilato ang mga nagpoprotesta sa pamamagitan ng pagbabanta na papatayin sila ng kaniyang mga kawal, ngunit dahil talagang ayaw nilang sumuko, sumang-ayon siya sa kanilang kahilingan.​—Jewish Antiquities, XVIII, 55-59 (iii, 1).

Inilalarawan ni Philo, isang Judiong manunulat noong unang siglo C.E. sa Alejandria, Ehipto, ang isang kahawig na pagkilos ni Pilato na naging sanhi rin ng pagpoprotesta. Ito’y noong ilagay ni Pilato sa kaniyang tirahan sa Jerusalem ang mga gintong kalasag na may pangalan niya at ni Tiberio. Iniapela ito ng mga Judio sa emperador sa Roma kung kaya inutusan si Pilato na ang mga kalasag ay alisin at dalhin sa Cesarea.​—The Embassy to Gaius, XXXVIII, 299-305.

Isa pang kaguluhan ang itinala ni Josephus. Upang makapagtayo ng isang paagusan na magdadala ng tubig sa Jerusalem mula sa distansiya na mga 40 km (25 mi), gumamit si Pilato ng salapi mula sa ingatang-yaman ng templo sa Jerusalem. Nagreklamo ang malalaking pulutong laban sa pagkilos na ito nang minsang dumalaw si Pilato sa lunsod. Nagpadala si Pilato ng mga kawal na nakabalatkayo upang makihalo sa karamihan at sa isang hudyat ay sumalakay sa mga ito, anupat dahil dito ay may mga Judiong nasugatan at ang ilan ay napatay. (Jewish Antiquities, XVIII, 60-62 [iii, 2]; The Jewish War, II, 175-177 [ix, 4]) Lumilitaw na natapos naman ang proyekto. Ang huling nabanggit na kaguluhan ay madalas na ipinapalagay na ang pangyayari nang ‘ihalo ni Pilato ang dugo ng mga taga-Galilea sa kanilang mga hain,’ gaya ng nakaulat sa Lucas 13:1. Batay sa pananalitang ito, lumilitaw na ang mga taga-Galileang iyon ay pinatay sa mismong lugar ng templo. Hindi matiyak kung ang insidenteng ito ay kaugnay niyaong inilarawan ni Josephus o isang bukod na pangyayari. Gayunman, yamang ang mga taga-Galilea ay sakop ni Herodes Antipas, na tagapamahala ng distrito ng Galilea, ang pagpatay na ito ay maaaring nagpalubha sa alitan nina Pilato at Herodes hanggang noong panahon ng paglilitis kay Jesus.​—Luc 23:6-12.

Paglilitis kay Jesus. Noong Nisan 14, 33 C.E., nang nagbubukang-liwayway na, si Jesus ay dinala ng mga lider na Judio kay Pilato. Yamang hindi nila gagawing pumasok sa bakuran ng tagapamahalang Gentil, lumabas si Pilato sa kanila at nagtanong kung ano ang paratang laban kay Jesus. Pinaratangan nila si Jesus ng paghihimagsik, pagtataguyod ng di-pagbabayad ng mga buwis, at pag-aangkin na isa siyang hari, sa gayon ay kaagaw ni Cesar. Nang sabihang kunin nila si Jesus at sila mismo ang humatol dito, ang mga tagapag-akusa ni Jesus ay tumugon na hindi kaayon ng kautusan na pumatay sila ng sinuman. Nang magkagayon ay dinala ni Pilato si Jesus sa loob ng palasyo at tinanong may kinalaman sa mga paratang. (LARAWAN, Tomo 2, p. 741) Pagbalik sa mga tagapag-akusa, sinabi ni Pilato na wala siyang nasumpungang pagkakamali sa akusado. Nagpatuloy ang mga akusasyon, at nang malaman ni Pilato na si Jesus ay mula sa Galilea, ipinadala niya ito kay Herodes Antipas. Ikinayamot ni Herodes ang pagtanggi ni Jesus na magsagawa ng tanda, kung kaya pinagmalupitan niya ito, tinuya at ibinalik kay Pilato.

Muling ipinatawag ang mga lider na Judio at ang bayan, at muling sinikap ni Pilato na iwasang hatulan ng kamatayan ang isang taong walang-sala, anupat tinanong niya ang pulutong kung ibig nilang palayain si Jesus ayon sa kaugalian na magpalaya ng isang bilanggo sa bawat kapistahan ng Paskuwa. Ngunit sa sulsol ng kanilang mga lider ng relihiyon, ipinagsigawan ng pulutong na palayain si Barabas, na isang magnanakaw, mamamaslang, at sedisyonista. Sa kabila ng paulit-ulit na pagsisikap ni Pilato na palayain ang akusado, lalo pa nilang ipinagsigawan na ibayubay si Jesus. Sa takot na baka magkagulo at sa pagnanais na payapain ang pulutong, sumang-ayon si Pilato sa kanilang kagustuhan, anupat hinugasan ng tubig ang kaniyang mga kamay na para bang nililinis ang mga iyon mula sa pagkakasala sa dugo. Bago pa man ito mangyari, sinabihan na si Pilato ng kaniyang asawa na nagkaroon siya ng nakababagabag na panaginip may kinalaman sa “taong matuwid na iyan.”​—Mat 27:19.

Sa gayon ay ipinahagupit ni Pilato si Jesus, at nilagyan ng mga kawal ng koronang tinik ang ulo ni Jesus at dinamtan nila siya ng maharlikang kasuutan. Muling humarap si Pilato sa pulutong, iginiit na hindi siya nakasumpong ng anumang pagkakasala kay Jesus, at inilabas niya si Jesus sa harap nila na nagagayakan ng maharlikang kasuutan at koronang tinik. Nang sumigaw si Pilato, “Narito! Ang tao!” muling ipinagsigawan ng mga lider ng bayan na ibayubay si Jesus, anupat isiniwalat sa unang pagkakataon ang kanilang paratang na pamumusong. Lalong nangamba si Pilato nang sabihin nilang inaangkin ni Jesus na siya’y anak ng Diyos, at dinala niya si Jesus sa loob para pagtatanungin pa ito. Dahil sa kaniyang huling mga pagsisikap na palayain si Jesus, binabalaan siya ng mga Judiong mananalansang na maaari siyang maparatangan ng paglaban kay Cesar. Nang marinig ni Pilato ang bantang ito, inilabas niya si Jesus, at umupo siya sa luklukan ng paghatol. Sumigaw si Pilato, “Tingnan ninyo! Ang inyong hari!” Bilang tugon, muling ipinagsigawan ng bayan na ibayubay si Jesus at sinabi: “Wala kaming hari kundi si Cesar.” Nang magkagayon ay ibinigay ni Pilato si Jesus sa kanila upang maibayubay.​—Mat 27:1-31; Mar 15:1-15; Luc 23:1-25; Ju 18:28-40; 19:1-16.

Inilalarawan si Pilato ng mga Judiong manunulat, gaya ni Philo, bilang isang taong mapagmatigas at mapaggiit ng sarili. (The Embassy to Gaius, XXXVIII, 301) Ngunit maaaring ang mga pagkilos ng mga Judio mismo ang pangunahing dahilan ng mahihigpit na hakbang na ginawa ng gobernador laban sa kanila. Gayunpaman, ang mga ulat ng Ebanghelyo ay nakatutulong upang maunawaan ang mga katangian ng taong ito. Ang kaniyang mga pamamaraan ay pangkaraniwan sa isang tagapamahalang Romano, at ang kaniyang pananalita ay maikli at deretsahan. Kahit siya’y may saloobing mapag-alinlangan, gaya noong sabihin niyang “Ano ang katotohanan?” nagpakita rin siya ng takot, malamang na mapamahiing takot, nang marinig na ang kaharap niya ay nag-aangking anak ng Diyos. Bagaman maliwanag na hindi siya mapanghamak, nagpamalas siya ng kawalang-integridad ng isang pulitiko. Ang pangunahin niyang ikinabahala ay ang kaniyang posisyon, kung ano ang sasabihin ng mga nakatataas sa kaniya kung mababalitaan nila na may higit pang kaguluhan sa kaniyang probinsiya, anupat ikinatakot na magtinging labis na maluwag sa mga inaakusahan ng sedisyon. Natalos ni Pilato na walang kasalanan si Jesus at naiinggit lamang ang mga nag-aakusa rito. Gayunma’y nagpadala siya sa pulutong at ibinigay sa kanila ang isang walang-salang biktima upang patayin sa halip na isapanganib ang kaniyang karera sa pulitika.

Bilang bahagi ng “nakatataas na mga awtoridad,” si Pilato ay humawak ng kapangyarihan dahil sa pahintulot ng Diyos. (Ro 13:1) May pananagutan siya sa kaniyang pasiya, isang pananagutan na hindi mahuhugasan ng tubig. Maliwanag na ang panaginip ng kaniyang asawa ay nagmula sa Diyos, gaya rin ng lindol, ng di-pangkaraniwang kadiliman, at ng pagkahati ng kurtina na naganap nang araw na iyon. (Mat 27:19, 45, 51-54; Luc 23:44, 45) Ang panaginip ng kaniyang asawa ay dapat sanang naging babala kay Pilato na hindi ito pangkaraniwang paglilitis at na hindi pangkaraniwan ang nasasakdal. Ngunit gaya ng sinabi ni Jesus, ang isa na nagbigay sa kaniya kay Pilato ay “may mas malaking kasalanan.” (Ju 19:10, 11) Si Hudas, na unang nagkanulo kay Jesus, ay tinawag na “anak ng pagkapuksa.” (Ju 17:12) Ang mga Pariseong iyon na nakibahagi sa pakana laban sa buhay ni Jesus ay inilarawan bilang ‘mga nakahanay ukol sa Gehenna.’ (Mat 23:15, 33; ihambing ang Ju 8:37-44.) At ang mataas na saserdote, na nanguna sa Sanedrin, ang lalo nang may pananagutan sa harap ng Diyos dahil ibinigay niya ang Anak ng Diyos sa tagapamahalang Gentil na ito upang hatulan ng kamatayan. (Mat 26:63-66) Mas mabigat ang pagkakasala nila kaysa kay Pilato, ngunit napakasama rin ng ginawa ni Pilato.

Ang pagkasuya ni Pilato sa mga pasimuno ng krimeng iyon ay maliwanag na ipinahihiwatig ng karatulang ipinalagay niya sa itaas ng nakabayubay na si Jesus, na nagpapakilala rito bilang “ang Hari ng mga Judio,” gayundin ang kaniyang magaspang na pagtangging baguhin iyon, anupat sinabi: “Ang naisulat ko na ay naisulat ko na.” (Ju 19:19-22) Nang hingin ni Jose ng Arimatea ang bangkay, ipinagkaloob iyon ni Pilato matapos munang ipamalas ang masusing pagsisiyasat bilang isang opisyal na Romano nang tiyakin niyang patay na si Jesus. (Mar 15:43-45) Nang sabihin ng mga punong saserdote at mga Pariseo na baka may magnakaw sa katawan ni Jesus, sinabi lang niya: “Kayo ay may bantay. Humayo kayo at bantayan itong mabuti ayon sa alam ninyo.”​—Mat 27:62-65.

Pag-aalis sa Posisyon at Kamatayan. Iniuulat ni Josephus na ang pag-aalis kay Pilato mula sa katungkulan nang maglaon ay resulta ng mga reklamong isinampa ng mga Samaritano sa gobernador ng Sirya, si Vitellius, na nakatataas kay Pilato. Inireklamo nila ang pagpatay ni Pilato sa maraming Samaritano na nilinlang ng isang impostor na magtipon sa Bundok Gerizim upang makatuklas ng mga sagradong kayamanan na diumano’y itinago roon ni Moises. Iniutos ni Vitellius kay Pilato na magtungo sa Roma upang humarap kay Tiberio, at inilagay niya si Marcellus bilang kahalili nito. Namatay si Tiberio noong 37 C.E. habang papunta si Pilato sa Roma. (Jewish Antiquities, XVIII, 85-87 [iv, 1]; XVIII, 88, 89 [iv, 2]) Ang kasaysayan ay walang ibinibigay na mapananaligang impormasyon tungkol sa resulta ng paglilitis sa kaniya. Sinasabi ng istoryador na si Eusebius, na nabuhay noong pagtatapos ng ikatlong siglo at maagang bahagi ng ikaapat na siglo, na si Pilato ay inubligang magpatiwakal noong panahon ng paghahari ng kahalili ni Tiberio na si Gayo (Caligula).​—The Ecclesiastical History, II, VII, 1.

[Larawan sa pahina 914]

Inskripsiyong natuklasan sa Cesarea noong 1961 na bumabanggit kay Poncio Pilato