Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pilay, Pagkapilay

Pilay, Pagkapilay

Isang pisikal na kapansanan na hadlang sa normal na paglalakad ng isang tao. Ang pagkapilay ay maaaring mula pa sa kapanganakan dahil sa likas na mga kapansanan (Gaw 3:2; 14:8), ngunit ang karamihan ng mga kaso ay likha ng mga sakuna o mga karamdaman.

Aaronikong Pagkasaserdote. Ang isang pilay na inapo ni Aaron ay hindi maaaring maglingkod bilang saserdote, bagaman pinahihintulutan siyang kumain mula sa mga bagay na inilalaan sa mga saserdote bilang kanilang panustos. (Lev 21:16-23) Nagtakda si Jehova ng mataas na pamantayan ng malusog na pangangatawan para sa mga saserdote, yamang ang mga ito ang kumakatawan sa kaniya sa santuwaryo. Kaya naman si Kristo, ang dakilang Mataas na Saserdote, ay “matapat, walang katusuhan, walang dungis, hiwalay sa mga makasalanan.”​—Heb 7:26.

Mga Hain. Sa ilalim ng Kautusan, ipinagbawal din ang paghahain ng anumang hayop na may pilay, dahil ang mga ito ay lumalarawan sa sakdal na hain ni Kristo. (Deu 15:21; Lev 22:19, 20) Nilabag ng mga apostatang Israelita ang kautusang ito, kung kaya sinaway sila ng Diyos, na nagsabi: “Kapag naghahandog kayo ng hayop na pilay [upang ihain, sinasabi ninyo]: ‘Hindi iyon masama.’ Ilapit mo iyon sa iyong gobernador, pakisuyo. Makasusumpong kaya siya ng kaluguran sa iyo, o tatanggapin ka kaya niya nang may kabaitan? . . . Kaluluguran ko ba iyon sa inyong kamay?” (Mal 1:8, 13) Maliwanag na ikinakapit ng apostol ang kahilingang ito sa mga Kristiyano sa espirituwal na paraan, anupat namanhik siya sa kanila: “Iharap ninyo ang inyong mga katawan na isang haing buháy, banal, kaayaaya sa Diyos, isang sagradong paglilingkod taglay ang inyong kakayahan sa pangangatuwiran.”​—Ro 12:1.

Ang Pagkapilay ni Jacob. Nang mga 97 taóng gulang na si Jacob, magdamag siyang nakipagbuno sa isang nagkatawang-taong anghel ng Diyos. Napigilan niya ang anghel hanggang sa pagpalain siya nito. Habang nagbubuno sila, hinipo ng anghel ang hugpungan ng kasukasuan ng hita ni Jacob anupat nalinsad ito. Magmula noon ay naging paika-ika ang paglakad ni Jacob. (Gen 32:24-32; Os 12:2-4) Naging tagapagpaalaala iyon kay Jacob na, bagaman “nakipagpunyagi [siya] sa [anghel ng] Diyos at sa mga tao anupat sa wakas ay nanaig [siya],” gaya ng sinabi ng anghel, hindi naman niya talaga natalo ang isang makapangyarihang anghel ng Diyos. Dahil lamang sa layunin at kapahintulutan ng Diyos kung kaya hinayaan si Jacob na makipagpunyagi sa anghel, upang maglaan ng katibayan na malaki ang pagpapahalaga ni Jacob sa pagpapala ng Diyos.

Dapat Pakundanganan. Idiniriin ng Kasulatan na dapat pakundanganan ang mga pilay. Binanggit ni Job na noong siya’y masagana pa, “ako ay naging mga paa para sa pilay.” (Job 29:15) Si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay nahabag sa mga maysakit at mga pilay, anupat pinagaling nila ang marami sa mga iyon.​—Mat 11:4, 5; 15:30, 31; 21:14; Gaw 3:1-10; 8:5-7; 14:8-10.

Makatalinghaga at Makasagisag na Paggamit. Ipinakita ng mga Jebusita ang kanilang mapaghambog na pagtitiwala sa katatagan ng kanilang kuta nang tuyain nila si David: “⁠‘Hindi ka papasok dito, kundi tiyak na paaalisin ka ng mga bulag at ng mga pilay,’ dahil iniisip nila: ‘Si David ay hindi papasok dito.’⁠” Maaaring aktuwal silang naglagay ng gayong mga tao sa ibabaw ng pader bilang mga tagapagtanggol, gaya ng sinabi ni Josephus (Jewish Antiquities, VII, 61 [iii, 1]), at maaaring ito ang dahilan kung bakit sinabi ni David: “Ang sinumang mananakit sa mga Jebusita, sa pamamagitan ng inaagusan ng tubig ay makipagtagpo siya kapuwa sa pilay at sa bulag, na mga kapoot-poot sa kaluluwa ni David!” Ang mga pilay at mga bulag na ito ay sagisag ng pang-iinsulto ng mga Jebusita kay David at, mas malubha pa, ng kanilang pagkutya sa mga hukbo ni Jehova. Kinapootan ni David ang mga Jebusita, pati na ang kanilang mga pilay at mga bulag, dahil sa gayong kahambugan. Maaaring bilang pag-alipusta ay tinawag pa niyang ‘pilay at bulag’ ang mismong mga lider ng mga Jebusita.​—2Sa 5:6-8.

May kinalaman sa pananalita sa talata 8, “Kaya naman sinasabi nila: ‘Ang bulag at ang pilay ay hindi papasok sa bahay,’⁠” may ilang paliwanag na iminumungkahi. Sa teksto, hindi ipinakikita na kay David nanggaling ang pananalitang ito at maaaring nangangahulugan ito na iba ang nagpasimula ng kasabihang ito may kaugnayan sa mga naghahambog o labis na nagtitiwala sa katatagan ng kanilang posisyon na gaya ng mga Jebusita. O, maaaring ang kasabihan ay nangangahulugang, ‘Walang sinumang nakikipag-ugnayan sa palaaway na mga taong gaya ng mga Jebusita ang makapapasok.’ Isinasalin naman ng iba ang tekstong ito bilang, “dahil patuloy na sinasabi ng bulag at ng pilay, Hindi siya papasok sa bahay na ito,” o, “Dahil sa sinabi nila, pati ang bulag at ang pilay, Hindi siya papasok sa bahay.”​—Synopsis of Criticisms ni Barrett, London, 1847, Tomo II, Bahagi II, p. 518; panggilid ng KJ.

Noong isa pang pagkakataon, tinanong ni Elias ang mga Israelita: “Hanggang kailan kayo iika-ika sa dalawang magkaibang opinyon? Kung si Jehova ang tunay na Diyos, sumunod kayo sa kaniya; ngunit kung si Baal, sumunod kayo sa kaniya.” Nang panahong iyon, inaangkin ng mga Israelita na sinasamba nila si Jehova ngunit kasabay nito ay sumasamba rin sila kay Baal. Ang landasin nila ay di-matatag at pahintu-hinto, gaya ng paglakad ng taong pilay. Sa paligsahang sumunod dito, nang walang-kabuluhang magsikap ang mga propeta ni Baal mula umaga hanggang tanghali na pasagutin ang kanilang diyos, “patuloy silang umiika-ika sa palibot ng altar na kanilang ginawa.” Maaaring ito ay isang mapanlibak na paglalarawan sa ritwalistikong pagsasayaw o papilay-pilay na lakad ng mga panatikong mananamba ni Baal, o maaaring umiika-ika sila dahil pagód na sila sa kanilang mahaba at walang-saysay na ritwal.​—1Ha 18:21-29.

Ang pag-ika-ika, pagkapilay, at pagkatisod ay ginagamit sa mga tayutay upang tumukoy sa pagpapahintu-hinto o kawalang-katatagan ng landasin ng buhay, layunin, o pananalita ng isa. Si Bildad, na diumano’y nagbababala kay Job tungkol sa mga panganib na mapapaharap dito, ay nagsabi tungkol sa isang tao na tumatahak sa balakyot na landasin: “Siya ay nakahandang paika-ikain ng kasakunaan.” (Job 18:12) Sa isang katulad na tayutay, binanggit nina David at Jeremias na ang kanilang mga kaaway ay naghihintay na makagawa sila ng maling hakbang, anupat binabantayan silang umika-ika, upang, gaya ng sinabi ng mga kaaway ni Jeremias, “makapanaig tayo laban sa kaniya at makaganti tayo sa kaniya.” (Jer 20:10; Aw 38:16, 17) Nais makita ng mga kaaway ni Jesu-Kristo na siya ay matisod, o umika-ika, sa kaniyang pananalita upang masukol nila siya.​—Mat 22:15.

Ginamit sa mga kasabihan. “Gaya ng isa na pumuputol ng kaniyang mga paa [na magiging dahilan ng pagkapilay niya], gaya ng isa na umiinom ng karahasan, gayon siya na naglalagak ng mga bagay sa kamay ng hangal,” ang sabi ng pantas na si Haring Solomon. Totoo naman, ang taong umuupa sa isang hangal para humawak ng anumang proyekto niya ay pumipilay sa kaniyang mga kapakanan. Tiyak na makikita niya ang pagbagsak ng ipinanukala niyang proyekto, na ikapipinsala niya mismo.​—Kaw 26:6.

Nagpapatuloy ang Mga Kawikaan sa isang katulad na ilustrasyon: “Sumalok ba ng tubig ang mga binti ng pilay? Kung gayon ay may kawikaan sa bibig ng mga taong hangal.” (Kaw 26:7) Noong sinaunang mga panahon, lalo na sa mga lunsod na itinayo sa mga gulod, madalas ay kailangang manaog sa isang mahabang hagdan upang sumalok ng tubig mula sa balon. Ang taong hangal na nagtatangkang magsalita o magpaliwanag ng isang kasabihan ay gaya ng pilay na hirap na hirap sa pagdadala ng tubig paakyat sa hagdan.

Ang sinaunang bansa ng Diyos. Tungkol sa pagsasauli sa kaniyang bayan, ipinangako ni Jehova na palalakasin niya sila upang lisanin ang Babilonya at maisagawa ang mapanganib na paglalakbay pabalik sa tiwangwang na Jerusalem. Aalisin ang anumang espirituwal na pagkapilay, pag-aatubili, o pag-uurong-sulong. Sa pamamagitan ng propetang si Isaias, pinasigla sila ng Diyos: “Sa panahong iyon ay aakyat ang pilay na gaya ng lalaking usa.” (Isa 35:6) Ang bansa ng Diyos ay nagpaika-ika at dumanas ng pagkabihag, ngunit “sa araw na iyon,” ang sabi ni Jehova, “titipunin ko siya na umiika-ika; . . . at siya na umiika-ika ay tiyak na gagawin kong isang nalabi, at siya na dinala sa malayo ay gagawin kong makapangyarihang bansa.”​—Mik 4:6, 7; Zef 3:19.

Upang higit pang maaliw ang kaniyang bayan, ipinangako ni Jehova, bilang kanilang Hari, na iingatan niya sila mula sa mga mananalakay. Inilarawan niya ang pagiging mahina ng mga kaaway ng Sion gaya ng isang barko na ang mga lubid ay nakalag, ang palo ay sumusuray-suray, at ang layag ay wala na. Pagkatapos ay sinabi niya: “Sa panahong iyon ay paghahati-hatian nga ang maraming samsam [ng kaaway]; ang mga pilay mismo ay kukuha ng maraming bagay na madarambong.” Sa panahong iyon, napakarami ng magiging samsam anupat maging yaong mga kadalasa’y hindi nakakabahagi sa pagkuha ng mga samsam ay makikibahagi sa mga iyon.​—Isa 33:23.

Pagpapakundangan sa mga pilay sa espirituwal. Itinawag-pansin ng Kristiyanong manunulat ng liham sa mga Hebreo na marami sa kanila ang kulang sa espirituwal na pagkamaygulang, na dapat sana ay sumulong pa nang higit. (Heb 5:12-14) Sa gayon, pagkatapos na talakayin ang disiplina, sinabi niya: “Patuloy na gumawa ng tuwid na mga landas para sa inyong mga paa, upang ang may pilay ay hindi malinsad sa kasukasuan, kundi sa halip ay mapagaling ito.” (Heb 12:13) Kahit ang malalakas ay dapat na maingat na magbantay sa kanilang paglakad sa landasing Kristiyano, upang ang mga “pilay” na mas mahihina sa espirituwal ay hindi matisod o masaktan. Kung gagamitin niyaong malalakas ang pananampalataya ang kanilang espirituwal na kalayaan upang gumawa ng mga bagay na kaayon naman ng kautusan, baka matisod sa mga pagkilos nila yaong mahihina ang pananampalataya.​—Ro 15:1.

Bilang halimbawa ng simulaing ito, ipinaliwanag ng apostol na si Pablo ang tungkol sa pagkain at pag-inom. (Ro 14:13-18, 21) Sa isang bahagi ng tekstong ito ay nagpayo siya: “Gawin ninyong inyong pasiya, na huwag maglagay ng katitisuran o ng sanhi ng pagkakatalisod sa harap ng isang kapatid.” Sinabi niya: “Mabuti ang huwag kumain ng karne o uminom ng alak o gumawa ng anumang bagay na ikinatitisod ng iyong kapatid.”​—Ihambing ang 1Co 8:7-13.

Sa kabilang dako, ipinakita ng apostol na dapat patibayin ng isang Kristiyano ang kaniyang sariling espirituwal na ‘mga binti’ upang hindi siya umika-ika o matisod sa anumang maaaring mangyari o sa ginagawa ng iba. Dapat niyang palakasin ang kaniyang sarili upang manatili siyang matatag sa landasing Kristiyano. Sinabi ni Pablo: “Huwag hamakin ng kumakain ang hindi kumakain, at huwag hatulan ng hindi kumakain ang kumakain, sapagkat tinanggap ng Diyos ang isang iyon.” (Ro 14:3) Ang simulaing ito ay binanggit ng salmista: “Ang saganang kapayapaan ay nauukol sa mga umiibig sa iyong kautusan, at sa kanila ay walang katitisuran.” (Aw 119:165) Yaong mga umiibig sa kautusan ng Diyos ay hindi mapaiika-ika ng espirituwal na pagkapilay dahil sa anumang bagay.

Lubusang Pagpapagaling. Ang pagkapilay ay sanhi ng maraming pagluha. Kung paanong pinagaling ni Jesu-Kristo ang maraming taong pilay at baldado noong narito siya sa lupa, anupat nagpanauli pa nga siya ng tuyot na mga bahagi ng katawan (Mar 3:1, 5; ihambing ang Luc 22:50, 51), sa pamamagitan ng “isang bagong langit” ay muling magsasagawa ang Anak ng Diyos ng katulad na mga pagpapagaling. Lubusan niya itong isasagawa bilang Mataas na Saserdote at Haring inatasan ng Diyos, anupat papahirin ang bawat luha sa mga mata ng sangkatauhan.​—Mat 8:16, 17; Apo 21:1, 4.