Pinahiran, Pagpapahid
Madalas gamitin ng Bibliya ang Hebreong sukh at ang Griegong a·leiʹpho para sa karaniwang pagpapahid ng langis. (Dan 10:3; Ru 3:3; Ju 11:2) Ngunit para sa pantanging pagpapahid ng langis, karaniwa’y ginagamit nito ang salitang Hebreo na ma·shachʹ, na pinagkunan ng salitang ma·shiʹach (Mesiyas), at ang salitang Griego na khriʹo, na pinagkunan naman ng khri·stosʹ (Kristo). (Exo 30:30; Lev 4:5, tlb sa Rbi8; Luc 4:18; Gaw 4:26) Ang pagkakaibang ito ay halos lubusang naipakita kapuwa sa Hebreo at sa Griego. Gayunman, hindi ipinakikita ng ilang bersiyon ng Bibliya ang bahagyang pagkakaibang ito anupat isinasalin ang lahat ng mga salitang iyon sa pamamagitan lamang ng terminong “pahiran.”
Karaniwang Pagpapahid ng Langis. Sa mga lupain sa Gitnang Silangan, karaniwang kaugalian ang magpahid ng langis sa katawan, at nakatutulong ito upang maprotektahan sa matinding sikat ng araw ang nakalantad na mga bahagi ng katawan. Nakatutulong din ang langis upang mapanatiling malambot ang balat. Langis ng olibo ang karaniwang ginagamit, at kadalasa’y hinahaluan ito ng pabango. Kaugalian nang ipahid ang langis pagkatapos maligo. (Ru 3:3; 2Sa 12:20) Bago iharap si Esther kay Haring Ahasuero, dumaan muna siya sa isang rutin ng pagmamasahe gamit ang langis ng mira sa unang anim na buwan at langis naman ng balsamo sa sumunod na anim na buwan. (Es 2:12) Pinapahiran din ng langis ang bangkay bilang paghahanda para sa libing.—Mar 14:8; Luc 23:56.
Nang isugo ni Jesus ang 12 apostol nang dala-dalawa, pinahiran nila ng langis ang marami sa kanilang mga pinagaling. Gumaling ang sakit hindi dahil sa langis mismo, kundi dahil sa makahimalang pagkilos ng banal na espiritu ng Diyos. Ang langis, na sa paanuma’y nakapagpapagaling at nakagiginhawa, ay nagsilbing sagisag ng paggaling at kaginhawahang naranasan ng isa.—Mar 6:13; Luc 9:1; ihambing ang Luc 10:34.
Ang pagpapahid ng langis sa ulo ng isang tao ay tanda ng paglingap sa kaniya. (Aw 23:5) Pinagpakitaan ng lingap ng mga pangulo ng Efraim ang nabihag na mga kawal na Judeano sa pamamagitan ng pagpapahid ng langis sa kanila at pagsasauli sa kanila sa Jerico, gaya ng ipinayo ng propetang si Oded. (2Cr 28:15) Sinabi ni Jehova na magpapasapit siya ng kawalan ng langis na pamahid bilang tanda ng kaniyang pagkagalit. (Deu 28:40) Ang hindi pagpapahid ng langis sa katawan ay itinuturing na tanda ng pagdadalamhati. (2Sa 14:2; Dan 10:2, 3) Ang pagpapahid ng langis sa ulo ng isang panauhin ay itinuturing na isang gawa ng pagkamapagpatuloy at pagbibigay-galang, gaya ng ipinahihiwatig ng mga salita ni Jesus may kinalaman sa isang babae na nagpahid ng mabangong langis sa kaniyang mga paa.—Luc 7:38, 46.
Sinabihan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na langisan ang kanilang ulo at hilamusan ang kanilang mukha kapag nag-aayuno upang hindi ito mahalata, anupat hindi nagbabanal-banalan at nagkakait sa sarili upang pahangain ang iba gaya ng ginagawa ng mapagpaimbabaw na mga Judiong lider ng relihiyon.—Mat 6:16, 17.
May binabanggit si Santiago na espirituwal na ‘pagpapahid ng langis’ sa pangalan ni Jehova para sa mga may-sakit sa espirituwal bilang ang wastong pamamaraan upang maipanumbalik ang isa na nangangailangan ng espirituwal na tulong. Ang tinutukoy niya ay espirituwal na pagkakasakit, gaya ng ipinahihiwatig ng kaniyang pananalita: “Tawagin niya ang matatandang lalaki ng kongregasyon,” hindi ang mga doktor, at, “kung nakagawa siya ng mga kasalanan, ito ay ipatatawad sa kaniya.” (San 5:13-16) Ang kaugaliang ito ay ikinapit ni Jesus sa espirituwal na diwa nang sabihin niya sa kongregasyon ng Laodicea na “bumili ka sa akin . . . ng pamahid sa mata na ipapahid sa iyong mga mata upang makakita ka.”—Apo 3:18.
Seremonyal na Pagpapahid. Kapag pinahiran ng langis ang isang tao, ang langis ay ibinubuhos sa kaniyang ulo at hinahayaang tumulo sa kaniyang balbas at sa kuwelyo ng kaniyang kasuutan. (Aw 133:2) Noong mga panahon ng Bibliya, kapuwa ang mga Hebreo at ang ilang di-Hebreo ay nagpapahid ng langis sa kanilang mga tagapamahala sa seremonyal na paraan. Nagsisilbi itong katibayan na sila’y opisyal na itinalaga sa katungkulan. (Huk 9:8, 15; 1Sa 9:16; 2Sa 19:10) Pinahiran ni Samuel si Saul bilang hari matapos sabihin sa kaniya ng Diyos na si Saul ang Kaniyang napili. (1Sa 10:1) Pinahiran si David bilang hari sa tatlong iba’t ibang pagkakataon: ang una ay isinagawa ni Samuel, ang ikalawa ay ng mga lalaki ng Juda, at ang ikatlo ay ng lahat ng mga tribo. (1Sa 16:13; 2Sa 2:4; 5:3) Pinahiran si Aaron matapos siyang atasan sa katungkulan ng mataas na saserdote. (Lev 8:12) Pagkatapos nito, ang mga kasuutan ni Aaron at ng kaniyang mga anak ay winisikan ng langis na pamahid at gayundin ng dugo ng mga hain, ngunit si Aaron lamang ang binuhusan ng langis sa ulo.—Lev 8:30.
Pinapahiran din ng langis ang mga bagay na inialay bilang sagrado. Kinuha ni Jacob ang batong pinagpatungan niya ng kaniyang ulo noong magkaroon siya ng kinasihang panaginip, itinayo niya iyon na pinakahaligi, at pinahiran iyon, sa gayo’y minarkahan niya ang dakong iyon bilang sagrado; at ang dakong iyon ay tinawag niyang Bethel, na nangangahulugang “Bahay ng Diyos.” (Gen 28:18, 19) Di-nagtagal pagkaraan nito, kinilala ni Jehova na ang batong iyon ay pinahiran. (Gen 31:13) Sa ilang ng Sinai, sa utos ni Jehova ay pinahiran ni Moises ang tabernakulo at ang mga kagamitan nito, anupat nagpapakitang ang mga iyon ay mga bagay na inialay at banal.—Exo 30:26-28.
1Ha 19:15, 16) Nang dakong huli ay iniulat ng rekord ng Kasulatan na isa sa mga anak ng mga propetang kasamahan ni Eliseo ang nagpahid ng literal na langis kay Jehu upang maging hari sa Israel. (2Ha 9:1-6) Ngunit walang ulat na may sinumang nagpahid ng langis kay Hazael o kay Eliseo. Si Moises ay tinawag na isang Kristo, o Pinahiran, kahit hindi siya pinahiran ng langis, dahil inatasan siya ni Jehova na maging Kaniyang propeta at kinatawan, ang lider at tagapagligtas ng Israel. (Heb 11:24-26) Isa pang halimbawa nito ang Persianong hari na si Ciro, na inihula ni Isaias na gagamitin ni Jehova bilang Kaniyang pinahiran. (Isa 45:1) Si Ciro ay hindi naman aktuwal na pinahiran ng langis ng isa sa mga kinatawan ni Jehova, ngunit dahil inatasan siya ni Jehova ng isang partikular na gawain, masasabing siya ay pinahiran.
May mga kaso rin na ang isang tao ay itinuring na pinahiran dahil inatasan siya ng Diyos, bagaman hindi siya binuhusan ng langis sa ulo. Ipinakita ang tuntuning ito noong sabihan ni Jehova si Elias na pahiran si Hazael bilang hari sa Sirya, si Jehu bilang hari sa Israel, at si Eliseo bilang propeta na kahalili ni Elias. (Sa Kautusang ibinigay ni Jehova kay Moises, itinakda niya ang pormula para sa langis na pamahid. Ito ay isang pantanging halo na may pinakapiling mga sangkap—mira, matamis na kanela, matamis na kalamo, kasia, at langis ng olibo. (Exo 30:22-25) Lalapatan ng parusang kamatayan ang sinumang magtitimpla ng halong ito at gagamit nito bilang pangkaraniwang langis o sa anumang layunin na hindi ipinahihintulot. (Exo 30:31-33) Ipinakikita nito sa makasagisag na paraan na napakahalaga at napakasagrado ng isang pag-aatas sa katungkulan na pinagtibay sa pamamagitan ng pagpapahid ng sagradong langis.
Dahil tinupad niya ang maraming hula sa Hebreong Kasulatan, pinatunayan ni Jesus ng Nazaret na siya ang Pinahiran ni Jehova at na wasto siyang matatawag na Mesiyas, o Kristo, mga titulong nagtatawid ng gayong ideya. (Mat 1:16; Heb 1:8, 9) Sa halip na pahiran ng literal na langis, ang ipinahid sa kaniya ay espiritu ni Jehova. (Mat 3:16) Sa gayon ay inatasan siya ni Jehova bilang Hari, Propeta, at Mataas na Saserdote, anupat tinukoy siya bilang ang Pinahiran ni Jehova. (Aw 2:2; Gaw 3:20-26; 4:26, 27; Heb 5:5, 6) Sa kaniyang sariling bayan ng Nazaret, kinilala ni Jesus ang pagpapahid na ito nang ikapit niya sa kaniyang sarili ang hula sa Isaias 61:1, kung saan lumilitaw ang ganitong parirala: “Pinahiran ako ni Jehova.” (Luc 4:18) Sa Kasulatan, si Jesu-Kristo lamang ang pinahiran para sa lahat ng tatlong katungkulang ito: propeta, mataas na saserdote, at hari. Pinahiran si Jesus ng “langis ng pagbubunyi na higit kaysa sa [kaniyang] mga kasamahan” (ang iba pang mga hari sa linya ni David). Ito ay dahil si Jehova mismo ang nagpahid sa kaniya, hindi ng langis kundi ng banal na espiritu, hindi para sa paghahari sa lupa kundi para sa makalangit na paghahari kasama ang katungkulan bilang makalangit na Mataas na Saserdote.—Heb 1:9; Aw 45:7.
Tulad ni Jesus, ang kaniyang mga tagasunod na inianak sa espiritu at pinahiran ng banal na espiritu ay maaari ring tukuyin bilang mga pinahiran. (2Co 1:21) Kung paanong tuwirang pinahiran si Aaron bilang ulo ng mga saserdote, ngunit hindi binuhusan ng langis sa ulo ang bawat isa sa kaniyang mga anak, tuwiran ding pinahiran ni Jehova si Jesus, at ang kongregasyon ng kaniyang espirituwal na mga kapatid ay tumatanggap ng kanilang pagkapahid bilang isang kalipunan ng mga tao sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. (Gaw 2:1-4, 32, 33) Sa gayo’y tumanggap sila ng pag-aatas mula sa Diyos upang maging mga hari at mga saserdote kasama ni Jesu-Kristo sa langit. (2Co 5:5; Efe 1:13, 14; 1Pe 1:3, 4; Apo 20:6) Ipinahiwatig ng apostol na si Juan na ang pagkapahid sa pamamagitan ng banal na espiritu na tinatanggap ng mga Kristiyano ang nagtuturo sa kanila. (1Ju 2:27) Inaatasan sila nito at pinangyayari nito na maging kuwalipikado sila para sa ministeryong Kristiyano ukol sa bagong tipan.—2Co 3:5, 6.
Napakalaki ng pag-ibig at pagkabahala ni Jehova sa kaniyang mga pinahiran kung kaya pinakaiingatan niya sila. (1Cr 16:22; Aw 2:2, 5; 20:6; 105:15; Luc 18:7) Kinilala ni David na ang Diyos ang siyang pumipili at nag-aatas sa Kaniyang mga pinahiran at na ang Diyos din ang hahatol sa kanila. Kung pagbubuhatan ng kamay ng isa ang mga pinahiran ni Jehova o ang sinumang inatasan niya, magiging dahilan ito upang magalit si Jehova.—1Sa 24:6; 26:11, 23; tingnan ang HARI (Mga kinatawang inatasan ng Diyos); KRISTO; MESIYAS; PAGTATALAGA.