Pinuno
[sa Ingles, chieftain].
Isang tao na nasa posisyon ng pamumuno, gaya halimbawa ng tagapagmanang ulo ng isang tribo o ng isang sambahayan sa panig ng ama. Ang salitang Hebreo na na·siʼʹ ay isinalin ng mga tagapagsalin ng Bibliya sa iba’t ibang paraan bilang “prinsipe,” “lider,” “tagapamahala,” “pinuno.” (Tingnan ang LIDER, TAONG MAHAL, PRINSIPE.) “Mga pinuno” ang tawag sa mga ulo ng 12 sambahayan sa panig ng ama, o mga tribo, ng Israel. (Bil 1:16; Jos 22:14) Ikinapit din ang terminong ito sa mga ulo ng 12 lipi na nagmula kay Ismael. (Gen 17:20; 25:16) Ginamit ito bilang titulo para sa mga tagapamahalang sina Haring Solomon at Haring Zedekias. (1Ha 11:34; Eze 21:25) Makikita ang paggalang ng mga Hiteo kay Abraham sa pagtawag nila sa kaniya na “isang pinuno ng Diyos,” o isang makapangyarihang pinuno.—Gen 23:6, tlb sa Rbi8.
Noong mga araw ni Moises, mga pinuno ang nangunguna sa pagsamba at sila ang nagsisilbing kinatawan ng bayan sa harap ni Moises, ng mga saserdote, at ni Jehova. Pumili si Moises ng isang pinuno mula sa bawat tribo (maliban sa tribo ni Levi) upang tiktikan ang Lupang Pangako. Nakaimpluwensiya nang husto sa bayan ang masamang ulat ng sampung di-tapat na tiktik. (Bil 13:2-16, 25-33) Dalawang daan at limampung pinuno mula sa mga anak ni Israel ang sumama sa paghihimagsik na pinangunahan ni Kora para agawin ang pagkasaserdote mula sa sambahayan ni Aaron. (Bil 16:2, 10, 17, 35) Nakibahagi ang mga pinuno sa pakikipagtipan ng Israel sa mga Gibeonita. (Jos 9:15, 18) Matapos akayin ni Josue ang Israel papasók sa Canaan at matapos nilang talunin ang mga bansa roon, ang mga pinuno ay gumanap ng prominenteng papel sa paghahati-hati ng lupain. (Bil 34:18; Jos 14:1) Si Eleazar, na anak ni Aaron, ay inatasan bilang pinuno ng mga ulo ng mga sambahayan sa panig ng ama na mula sa tribo ni Levi, anupat naging “pinuno ng mga pinuno.” (Bil 3:32) Tinipon ni Haring Solomon sa Jerusalem ang lahat ng mga pinuno ng mga tribo noong panahong ipag-utos niya na dalhin ang kaban ng tipan sa bagong-tayong templo.—1Ha 8:1.
Dapat magpakita ang mga Israelita ng nararapat na paggalang sa pinuno, anupat hindi nila siya dapat pagsalitaan nang may pang-aabuso. (Exo 22:28) Noong nililitis ang apostol na si Pablo sa harap ng Sanedrin, iniutos ng mataas na saserdoteng si Ananias sa mga nakatayo sa tabi ni Pablo na sampalin ito sa bibig. Nang magkagayon ay sinabi ni Pablo sa kaniya: “Sasaktan ka ng Diyos, ikaw na pinaputing pader,” palibhasa’y hindi niya alam na mataas na saserdote pala ang kausap niya. Nang itawag-pansin ito sa kaniya, sinabi niya: “Mga kapatid, hindi ko alam na siya ay mataas na saserdote. Sapagkat nasusulat, ‘Huwag kang magsasalita nang nakapipinsala sa isang tagapamahala ng iyong bayan.’”—Gaw 23:1-5.
Bagaman ang mga pinuno ay dapat igalang, obligado pa rin silang sumunod sa kautusan ng Diyos. Kapag nagkasala sila laban sa Kautusan, kailangan nilang sundin ang mga tuntunin nito para sa gayong mga pagkakasala. Dahil sa kanilang mabigat na pananagutan at sa magiging epekto ng kanilang paggawi, halimbawa, at impluwensiya sa ibang tao, naiiba ang mga handog ukol sa kasalanan na kailangan nilang ibigay para sa kani-kanilang di-sinasadyang paglabag sa utos ng Diyos. Halimbawa, ang mataas na saserdote ay maghahandog ng isang guyang toro, ang pinuno ay dapat maghandog ng isang lalaking anak ng kambing, at ang ordinaryong mamamayan naman ay dapat maghandog ng isang babaing kambing o isang babaing kordero.—Lev 4:3, 22, 23, 27, 28, 32.
Pangitain ni Ezekiel. Sa kaniyang hula sa Ezekiel kabanata 44 hanggang 48, nabanggit ni Ezekiel ang isang pinuno. Sa pangitaing ito, inilarawan niya ang isang pahabang lupaing pampangasiwaan na nagsisimula sa silanganing hanggahan sa may Ilog Jordan at Dagat na Patay at umaabot sa Kanluraning Dagat, o Dagat Mediteraneo. Kaagapay nito sa dakong hilaga at timog ang mga seksiyon ng lupain na iniatas sa mga tribo ng Israel. Sa loob ng pahabang lupaing ito ay may isang seksiyon na 25,000 siko (13 km; 8 mi) kuwadrado at tinatawag na abuloy, na nahahati naman sa tatlong seksiyon: Ang hilagaang seksiyon ay iniatas sa di-saserdoteng mga Levita, nasa gitnang seksiyon ang santuwaryo ni Jehova, at nasa pinakatimugang seksiyon naman ang lunsod. (Tingnan ang BANAL NA ABULOY; SIKO.) Maliwanag na “ang pinuno” ang namamahala sa lunsod.
Kapansin-pansin na sa pangitain, ang lunsod ay nakahiwalay sa templo, o santuwaryo. Karagdagan pa, “ang pinuno” ay hindi isang saserdote, dahil mga saserdote ang naghahain ng kaniyang ‘buong handog na sinusunog at mga haing pansalu-salo.’ (Eze 46:2) Kung gayon, sa katuparan ng pangitain ni Ezekiel, ang lunsod ay hindi lumalarawan sa makalangit na pamahalaan ni Jesu-Kristo at ng kaniyang kasamang mga hari at mga saserdote. Sa halip, waring lumalarawan ito sa isang makalupa at nakikitang pangangasiwa sa ilalim ng patnubay ng makalangit na Kaharian. Kasuwato nito, “ang pinuno” naman ay kumakatawan sa mga nakikita at ‘malaprinsipeng’ inatasang kinatawan ng makalangit na pamahalaan.—Aw 45:16; Isa 32:1, 2.