Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pising Panukat

Pising Panukat

Isang pisi, lubid, o panali na ginagamit bilang panukat. (1Ha 7:15, 23; Am 7:17; Zac 2:1, 2) Lumilitaw na ang ilang pising panukat ay hinahati sa mga siko. (2Cr 4:2) Ang lawak ng isang partikular na lugar ay tinitiyak noon sa pamamagitan ng pag-uunat, paghahagis, o paglalatag ng isang pising panukat sa ibabaw nito. (Ihambing ang Job 38:4, 5; Aw 78:55; Mik 2:4, 5.) Ginagamit ito ng mga tagapagtayo, gaya kapag gumagawa ng plano ng isang lunsod (Jer 31:38, 39; Zac 1:16), at maaaring gamitin ito ng isang mang-uukit ng kahoy upang itakda ang sukat ng isang bagay. (Isa 44:13) Noong minsan, lumilitaw na sinukat ni Haring David ang nalupig na mga Moabitang papatayin at yaong mga iingatang buháy.​—2Sa 8:2.

Makasagisag na Paggamit. Sa makasagisag na diwa, tumutukoy ang “pising panukat” sa isang alituntunin, o pamantayan, ng pagkilos. (Isa 28:10, 13) Halimbawa, ginamit ni Jehova ang ‘katarungan bilang pising panukat’ sa pakikitungo sa kaniyang di-tapat na bayan. (Isa 28:17) Ang paggamit niya ng gayunding pising panukat sa Jerusalem gaya ng ginawa niya sa Samaria ay nagpapahiwatig ng katulad na pagkatiwangwang para sa Jerusalem. (2Ha 21:13; Pan 2:8) Ang pag-uunat niya ng “pising panukat ng kawalang-laman” sa Edom ay nagbabadya rin ng pagkawasak, at ang paggamit ng pising panukat na ito ay nangangahulugan ng pagbabaha-bahagi ng lupain sa mga hayop na magsisimulang manirahan sa tiwangwang na mga dako ng Edom.​—Isa 34:5-17.

Itinuring ni David ang kaniyang kaugnayan kay Jehova bilang ang bahagi niya sa buhay. Ito ay isang lubhang kasiya-siyang mana, anupat nag-udyok sa kaniya na magsabi: “Ang mga pising panukat ay nahulog para sa akin sa mga kaiga-igayang dako.”​—Aw 16:5, 6; ihambing ang Bil 18:20.

Ang mga bagay sa kalangitan ay nagpapatotoo sa gawaing paglalang ng Diyos, at yamang ang lupa ay punung-puno ng kanilang tahimik na patotoo, ganito ang nasabi ng salmista tungkol sa mga ito: “Sa buong lupa ay lumabas ang kanilang pising panukat.”​—Aw 19:1-4; Ro 1:20.

Tingnan ang TAMBO.