Pisngi
Magkabilang bahagi ng mukha na nasa itaas ng panga at ibaba ng mata; sa Hebreo ay lechiʹ, at sa Griego naman ay si·a·gonʹ. Binanggit ng Bibliya ang mga kaso ng pananampal sa pisngi na ginawa hindi upang manakit sa pisikal kundi upang magparusa, mandusta, o mang-insulto. Ang propeta ni Jehova na si Micaias ay sinampal sa pisngi dahil humula ito ng kapahamakan para sa balakyot na si Haring Ahab ng Israel. (1Ha 22:24; 2Cr 18:23) May-pandurustang sinampal sa pisngi si Job niyaong mga lumapastangan at nanuya sa kaniya noong panahong sinusubok siya ni Satanas.—Job 16:10.
Inihula ng mga propetang sina Isaias at Mikas na ang Mesiyas ay sasampalin sa pisngi at bubunutan ng balbas, na kapuwa nagpapahiwatig ng malupit na pandurusta ng kaniyang mga kaaway. (Isa 50:6; Mik 5:1) Natupad ito kay Jesu-Kristo sa kamay ng mga Judio noong litisin siya sa harap ng Sanedrin at nang maglaon ay sa kamay ng mga kawal na Romano, noong malapit na siyang patayin sa pahirapang tulos. (Mat 26:67, 68; Ju 18:22, 23; 19:3) Ngunit hindi gumanti si Jesus ni sumagot man siya sa pamamagitan ng masasakit na salita.
Pinayuhan ni Jesus ang kaniyang mga alagad: “Narinig ninyo na sinabi, ‘Mata para sa mata at ngipin para sa ngipin.’ Gayunman, sinasabi ko sa inyo: Huwag mong labanan siya na balakyot; kundi sinumang sumampal sa iyo sa iyong kanang pisngi, iharap mo rin sa kaniya ang kabila.” (Mat 5:38, 39) Sa pagsasabi nito, hindi nagtuturo si Jesus ng pasipismo ni ipinagkakait man niya sa mga indibiduwal ang karapatang ipagtanggol ang kanilang sarili sa pisikal na pananakit. Sa halip, itinuturo niya na ang isang Kristiyano ay hindi kailangang gumanti ng suntok para sa suntok. Ikinikintal niya ang simulain ng pag-iwas sa away sa pamamagitan ng di-pagganti. Ang sampal sa pisngi ay ginagawa hindi para manakit sa pisikal kundi para mang-insulto o maghamon ng away. Hindi sinasabi ni Jesus na kung may sumuntok sa isang Kristiyano sa kaniyang panga ay dapat siyang bumangon at ipasuntok naman ang kabilang panga niya. Ang ibig sabihin ni Jesus ay na kung may maghamon ng away o pakikipagtalo sa isang Kristiyano sa pamamagitan ng pagsampal sa kaniya o ng mapang-insultong mga salita, magiging mali kung siya ay gaganti. Kasuwato ito ng mga pananalita ng mga apostol, na higit pang nagdiriin sa simulaing ito.—Ro 12:17-21; 1Pe 3:9.