Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Prisca

Prisca

[Matandang Babae]; Priscila [Maliit na Matandang Babae].

Ang mas maikling anyo ng pangalang ito ay masusumpungan sa mga isinulat ni Pablo, ang mas mahabang anyo naman ay ginamit ni Lucas. Ang gayong magkaibang anyo ng isang pangalan ay pangkaraniwan sa mga pangalang Romano.

Si Priscila ay asawa ni Aquila, na laging binabanggit kasama niya. Ang dalawa ay nagpakita ng maiinam na gawang Kristiyano at pagkamapagpatuloy hindi lamang sa mga indibiduwal kundi pati sa kongregasyon sa pamamagitan ng pagpapahintulot na ganapin ang mga pagtitipon ng kongregasyon sa kanilang tahanan kapuwa sa Roma at Efeso.

Dahil sa batas ni Emperador Claudio, nilisan ni Aquila at ng kaniyang asawa ang Roma at pumaroon sa Corinto noong mga 50 C.E. Di-nagtagal pagdating nila, nakisama si Pablo sa kanila sa paggawa ng tolda. (Gaw 18:2, 3) Naglakbay silang kasama ni Pablo patungong Efeso, nanatili sila roon nang ilang panahon, at ‘ipinaliwanag nila ang daan ng Diyos nang may higit na kawastuan’ sa mahusay-magsalitang si Apolos. (Gaw 18:18, 19, 24-28; 1Co 16:19) Pagkabalik sa Roma nang ilang panahon (Ro 16:3-5), naglakbay sila pabalik sa Efeso. (2Ti 4:19; 1Ti 1:3) Ang personal nilang pakikipag-ugnayan kay Pablo ay nagsimula noong mga 50 C.E. at nagwakas nang mamatay si Pablo, isang yugto na mga 15 taon. Noong panahong iyon ng kanilang pagsasamahan, ‘isinapanganib nila ang kanilang sariling mga leeg’ para sa kaluluwa ng apostol.​—Ro 16:3, 4; tingnan ang AQUILA.