Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Probinsiya

Probinsiya

Ang terminong Griego na e·par·kheiʹa, isinasaling “probinsiya,” ay tumutukoy sa lupaing saklaw ng awtoridad ng isang Romanong administrador. Nang palawakin ng Roma ang pananakop nito sa ibayo ng peninsula ng Italya, ang teritoryo o heograpikong mga hangganan ng pamamahala ng isang gobernador ay tinawag na probinsiya.

Noong 27 B.C.E., inilagay ng unang Romanong emperador, si Augusto, sa dalawang kategorya ang 22 probinsiya na umiiral na noon. Ang sampung probinsiya na mas mapayapa at hindi nangangailangan ng patuluyang pagsubaybay ng mga hukbong Romano ay naging mga probinsiyang nasa ilalim ng kontrol ng senado. Ang punong opisyal na Romano ng ganitong uri ng probinsiya ay ang proconsul. (Gaw 18:12; tingnan ang PROCONSUL.) Ang ibang mga probinsiya naman ay ginawang mga probinsiya ng imperyo, anupat ang mga ito ay tuwirang nananagot sa emperador at pinangangasiwaan ng isang gobernador at, sa mas malalaking probinsiya, ng isang kumandante ng militar na tinatawag na emisaryo. Dahil ang mga probinsiya ng imperyo ay kadalasang malapit sa hanggahan o dahil sa iba pang kadahilanan, kinailangang magtalaga ng mga hukbo sa mga ito; sa pamamagitan ng mahigpit na pagkontrol sa mga probinsiyang ito, napananatili ng emperador ang hukbo sa ilalim ng kaniyang awtoridad. Pagkaraan ng 27 B.C.E., ang mga bagong probinsiya na itinatag mula sa nasakop na mga teritoryo ay naging mga probinsiya ng imperyo. Ang isang probinsiya ay maaaring hati-hatiin sa mas maliliit na administratibong seksiyon o distrito.

Ang isang probinsiya ay maaaring magpalipat-lipat sa ilalim ng kontrol ng alinman sa senado o sa imperyo. (Tingnan ang CIPRUS.) Gayundin, kung minsan ay binabago ang mga hangganan ng isang probinsiya. Dahil dito, ang isang partikular na lunsod o lugar ay maaaring maging bahagi ng isang probinsiya sa loob ng isang panahon at sa kalaunan ay maging bahagi naman ng karatig na probinsiya, o kaya ay maging bahagi pa nga ng isang bagong-tatag na probinsiya. Bilang mga halimbawa nito, tingnan ang CAPADOCIA; CILICIA; PAMFILIA; PISIDIA.

Nang palayasin si Arquelao (Mat 2:22), anak ni Herodes na Dakila, ang Judea ay napasailalim ng pamamahala ng mga Romanong gobernador. Sa paanuman, ang gobernador ng probinsiya ay nananagot sa emisaryo ng mas malaking probinsiya ng Sirya.

Nang dalhin si Pablo kay Felix sa Cesarea, “itinanong [ng gobernador] kung anong probinsiya ang pinagmulan niya [ni Pablo], at natiyak na siya ay mula sa Cilicia.” (Gaw 23:34) Ang Tarso, kung saan isinilang si Pablo, ay nasa Romanong probinsiya ng Cilicia.​—Gaw 22:3.

Ang gobernador ng isang probinsiya ng imperyo ay inaatasan ng emperador ng panunungkulan na walang takdang haba, di-gaya ng proconsul ng isang probinsiyang nasa ilalim ng kontrol ng senado, na karaniwang naglilingkuran lamang sa loob ng isang taon. Si Felix ay hinalinhan ni Festo bilang gobernador ng Judea na isang probinsiya ng imperyo.​—Gaw 25:1.

Tingnan din ang NASASAKUPANG DISTRITO.