Proselita
Taong nakumberte, samakatuwid nga, isa na yumakap sa Judaismo at, kung siya’y lalaki, nagpatuli. (Mat 23:15, tlb sa Rbi8) Ang salitang Griego na pro·seʹly·tos (proselita) ay ginagamit kapuwa sa Septuagint at sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.
Sa loob ng mahigit 19 na siglo, nakitungo si Jehova sa isang pantangi at piniling bayan, ang pamilya ni Abraham at ang kaniyang binhi, pangunahin na ang bansang Israel. Ngunit maaari ring maglingkod kay Jehova ayon sa mga kahilingan ng tunay na pagsamba ang isang di-Hebreo o di-Israelita. Gayunman, kailangan siyang magpakumberte sa tunay na relihiyon, samakatuwid nga, maging isang proselita. May espesipikong mga probisyon ang Kautusang Mosaiko para sa isang di-Israelitang naninirahan sa Israel. Ang “naninirahang dayuhan” na iyon ay maaaring maging ganap na mananamba ni Jehova, at kung siya’y lalaki, kailangan siyang magpatuli bilang tanda na tinanggap niya ang tunay na pagsamba. (Exo 12:48, 49) Ang isang proselita ay obligadong sumunod sa buong Kautusan, at pakikitunguhan naman siya ng likas na mga Judio bilang kapatid. (Lev 19:33, 34; 24:22; Gal 5:3; tingnan ang NANINIRAHANG DAYUHAN.) Ang salitang Hebreo na ger, isinalin bilang “naninirahang dayuhan” (“estranghero,” KJ), ay hindi laging tumutukoy sa isang nakumberte sa relihiyon. (Gen 15:13; Exo 2:22; Jer 14:8) Gayunman, sa mahigit na 70 paglitaw nito na sa palagay ng mga tagapagsalin ng Septuagint ay tumutukoy sa isang nakumberte, isinalin nila ito sa pamamagitan ng Griegong pro·seʹly·tos.
Sa buong kasaysayan ng Israel, may mga di-Judio na naging mga proselita, anupat parang sinabi nila sa mga Judio ang sinabi ng Moabitang si Ruth kay Noemi: “Ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos ay aking Diyos.” (Ru 1:16; Jos 6:25; Mat 1:5) Mababanaag sa panalangin ni Solomon noong pasinayaan ang templo ang pagkamapagpatuloy at pagkabukas-palad ng Diyos sa mga tao mula sa maraming bansa na maaaring nagnanais maglingkod sa Kaniya bilang mga proselita. (1Ha 8:41-43) Ang ilan sa mga di-Judio na maliwanag na naging mga proselita ay sina Doeg na Edomita (1Sa 21:7), Uria na Hiteo (2Sa 11:3, 11), at Ebed-melec na Etiope (Jer 38:7-13). Noong panahon ni Mardokeo, nang ang mga Judio ay pahintulutang manindigan at ipagtanggol ang kanilang sarili, “marami mula sa mga bayan ng lupain ang nagpapakilalang sila ay mga Judio.” (Es 8:17) Ganito ang mababasa sa Septuagint: “At marami sa mga Gentil ang nagpatuli, at naging mga Judio.”—Bagster.
Aktibo sa Pangungumberte. Lumaganap ang Judaismo bilang resulta ng pagkatapon ng mga Judio sa Babilonya. Nakasalamuha ng mga Judiong nasa Pangangalat ang mga pagano sa maraming bansa. Nang maitatag ang mga sinagoga at maisalin sa wikang Griego ang Hebreong Kasulatan, naging madali para sa mga tao sa daigdig na Romano na matuto tungkol sa relihiyon ng mga Judio. Pinatotohanan ng sinaunang mga manunulat gaya nina Horace at Seneca na maraming tao sa iba’t ibang lupain ang umanib sa mga Judio at naging mga proselita. Iniulat ni Josephus na ‘patuloy na naaakit sa relihiyosong mga seremonya ng mga Judio sa Antioquia ng Sirya ang maraming Griego, at ang mga ito sa paanuman ay naianib nila sa kanilang grupo.’ (The Jewish War, VII, 45, [iii, 3]) Binanggit ng The Interpreter’s Dictionary of the Bible na “ang mga Judio sa Roma ay naging napakaagresibo sa pangungumberte anupat pinaratangan sila ng pagpapalaganap ng kanilang kulto sa mga Romano, at pinalayas ng pamahalaan mula sa lunsod ang pangunahing mga propagandista noong 139 B.C.” (Inedit ni G. Buttrick, 1962, Tomo 3, p. 925) Sabihin pa, maaaring walang saligan o eksaherado ang paratang na ito, na ang motibo marahil ay pulitika o pagtatangi ng lahi o relihiyon. Gayunpaman, ganito ang sinabi mismo ni Jesus tungkol sa mapagpaimbabaw na mga eskriba at mga Pariseo: “Tinatawid ninyo ang dagat at ang tuyong lupa upang gawing proselita ang isa, at kapag naging gayon siya ay pinangyayari ninyong mapahanay siya ukol sa Gehenna na makalawang ulit pa kaysa sa inyong sarili.”—Mat 23:15.
Puwersahang pangungumberte. Hindi lahat ng proselitang Judio ay nakumberte sa mapayapang paraan. Iniulat ng istoryador na si Josephus na nang malupig ni John Hyrcanus I ang mga Idumeano noong mga 125 B.C.E., sinabihan niya ang mga ito na makapananatili lamang sila sa kanilang bansa kung magpapatuli sila, sa gayo’y puwersahan silang ginawang mga proselita. (Jewish Antiquities, XIII, 257, 258 [ix, 1]) Gayundin ang ginawa ng anak ni John Hyrcanus na si Aristobulo sa mga Itureano. (XIII, 318 [xi, 3]) Nang maglaon, sa pangunguna ni
Alexander Jannaeus, winasak ng mga Judio ang Pela dahil tumangging maging mga proselita ang mga tagaroon. (XIII, 397 [xv, 4]) Walang alinlangan na pulitika ang dahilan ng gayong pangungumberte at hindi sigasig sa pagmimisyonero.Mga Proselitang Naging Kristiyano. Ipinakikita ng rekord ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na may mga tuling proselitang Judio na taimtim sa kanilang pagsamba kay Jehova. Noong araw ng Pentecostes 33 C.E., ang pulutong na nakinig kay Pedro at naging mga Kristiyano ay binubuo ‘kapuwa ng mga Judio at mga proselita.’ (Gaw 2:10) Bilang pagsunod sa kautusan ni Jehova, ang mga proselita mula sa ibang mga lupain ay naglakbay patungong Jerusalem. Ang bating na Etiope, na binautismuhan ni Felipe nang maglaon, ay pumaroon din sa Jerusalem upang sumamba, at nagbabasa siya ng Salita ng Diyos habang naglalakbay pauwi. (Gaw 8:27-38) Malamang na siya’y bating sa diwa na isa siyang “opisyal ng korte,” sapagkat hindi siya maaaring maging proselita kung siya’y kinapon. (Deu 23:1; tingnan ang ETIOPIA, ETIOPE.) Noong nagsisimula pa lamang ang kongregasyong Kristiyano, si “Nicolas, isang proselita mula sa Antioquia,” ay inatasan sa pantanging tungkulin na mamahagi ng pagkain, palibhasa’y isang lalaking “puspos ng espiritu at karunungan.”—Gaw 6:2-6.
Lumaganap sa mga Gentil ang mabuting balita. Bago ang 36 C.E., ang mensaheng Kristiyano ay ipinangangaral lamang sa mga Judio, mga Gentil na naging tuling proselitang Judio, at mga Samaritano. Ang Italyanong si Cornelio ay inilarawan bilang “isang taong taimtim at natatakot sa Diyos . . . at nagbibigay siya ng maraming kaloob ng awa sa mga tao at nagsusumamo sa Diyos nang patuluyan.” Ngunit hindi siya proselitang Judio, sapagkat siya’y isang di-tuling Gentil. (Gaw 10:1, 2; ihambing ang Luc 7:2-10.) Nang mabuksan ang pagkakataon para sa mga Gentil, lumawak ang aktibong gawaing pagmimisyonero ng mga Kristiyano. Gayunpaman, sa mga lunsod na pinuntahan ni Pablo, kadalasan ay sa mga Judio at mga proselita muna siya nangangaral. Napakalaki ng pag-ibig ni Pablo sa kaniyang mga kapatid na Judio at nais niyang maligtas sila. (Ro 9:3; 10:1) Isa pa, makatuwiran lamang na sa mga Judio at mga proselita muna siya lumapit, sapagkat may kaalaman na sila kay Jehova at sa kaniyang mga kautusan at hinihintay nila ang Mesiyas. Dahil sa kanilang kaalaman, nakilala niyaong mga may mabuting puso sa kanila na si Jesu-Kristo ang katuparan ng kanilang mga inaasahan. Ang mga ito ay maaaring maging matibay na pundasyon ng kongregasyon at sila naman ang magtuturo sa mga Gentil na walang nalalaman tungkol kay Jehova at sa kaniyang Salita.