Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Prusisyon ng Tagumpay

Prusisyon ng Tagumpay

Isang pormal na prusisyon bilang pagdiriwang ng tagumpay laban sa kaaway. Ang salitang Griego na thri·am·beuʹo, nangangahulugang “akayin sa isang prusisyon ng tagumpay,” ay dalawang ulit lamang lumilitaw sa Kasulatan, at waring sa magkaibang makatalinghagang tagpo.​—2Co 2:14; Col 2:15.

Mga Prusisyon ng Tagumpay ng mga Bansa. Ginugunita ng Ehipto, Asirya at ng ibang mga bansa ang kanilang mga tagumpay sa militar sa pamamagitan ng mga prusisyon ng tagumpay. Noong mga araw ng republikang Romano, ang isa sa pinakamatataas na karangalang maipagkakaloob ng Senado sa isang nagwaging heneral ay ang pahintulutan siya na ipagdiwang ang kaniyang tagumpay sa pamamagitan ng isang pormal at magastos na prusisyon ng tagumpay na napakarangya hanggang sa kaliit-liitang detalye.

Ang prusisyong Romano ay dahan-dahang umuusad sa kahabaan ng Via Triumphalis paakyat sa paliku-likong daan patungo sa templo ni Jupiter sa taluktok ng Capitoline Hill. Nasa unahan ang mga manunugtog at mga mang-aawit ng mga awit ng tagumpay, na sinusundan naman ng mga kabataang lalaki na umaakay sa mga bakang ihahain. Kasunod nito ang mga karwaheng walang bubong na punô ng mga samsam, at ang pagkalaki-laking mga karosa na naglalarawan ng mga tagpo ng pagbabaka o ng pagkawasak ng mga lunsod at mga templo, at marahil ay nasa pinakaibabaw nito ang pigura ng nalupig na kumandante. Ang mga hari, mga prinsipe, at mga heneral na nabihag sa digmaan, kasama ang kanilang mga anak at mga tagapaglingkod, ay nakatanikala namang hinihila, anupat kadalasan ay hinuhubaran upang ihantad sa pagkaaba at kahihiyan.

Kasunod na nito ang karo ng heneral, na napapalamutian ng garing at ginto, nagagayakan ng laurel, at hinihila ng apat na kabayong puti o, kung minsan, ng mga elepante, mga leon, mga tigre, o mga usa. Ang mga anak naman ng manlulupig ay nakaupo sa kaniyang paanan o kaya’y nakasakay sa ibang karo sa likuran niya. Naglalakad na kasunod nito ang Romanong mga konsul at mga mahistrado, pagkatapos ay ang mga tenyente at ang mga tribune ng militar kasama ang nagtagumpay na hukbo​—pawang nagagayakan ng mga putong na laurel at ng mga kaloob, at umaawit ng mga awit ng papuri sa kanilang lider. Nasa unahan naman ang mga saserdote at ang kanilang mga tagapaglingkod akay ang pangunahing haing hayop, isang puting barakong baka.

Habang dumaraan sa lunsod ang prusisyon, ang mga tao ay naghahagis ng mga bulaklak sa harap ng karo ng nagtagumpay na heneral, samantalang humahalimuyak ang daan dahil sa insensong sinusunog sa mga altar ng mga templo. Ang mabangong amoy na ito ay nangahulugan ng karangalan, promosyon, kayamanan, at higit na seguridad sa buhay para sa nagtagumpay na mga kawal, ngunit nangahulugan ito ng kamatayan para sa di-pinatawad na mga bihag na papatayin pagkatapos ng prusisyon. Nagbibigay-liwanag ang bagay na ito sa espirituwal na pagkakapit ni Pablo sa ilustrasyong nasa 2 Corinto 2:14-16.

Nagtayo noon ng mga arko ng tagumpay bilang parangal sa ilang heneral. Ipinagugunita pa rin ng Arko ni Tito sa Roma ang pagbagsak ng Jerusalem noong 70 C.E. (LARAWAN, Tomo 2, p. 536) Kasama ang kaniyang amang si Emperador Vespasian, ipinagdiwang ni Tito ang kaniyang tagumpay laban sa Jerusalem sa pamamagitan ng isang prusisyon ng tagumpay. Ang ilang arko ay nagsilbing mga pintuang-daan ng lunsod, ngunit sa kalakhang bahagi, mga bantayog lamang ang mga ito. Ang disenyo ng mga arko ay maaaring lumalarawan sa pamatok ng pagpapasakop na sa ilalim nito ay sapilitang pinaraan ang mga bihag.

Nakikibahagi ang mga Kristiyano sa Prusisyon ng Tagumpay. Hinalaw ni Pablo sa gayong mga halimbawa at sa karaniwang mga bagay noong panahong iyon ang kaniyang metapora nang sumulat siya sa mga taga-Corinto: “Salamat sa Diyos na laging umaakay sa atin sa isang prusisyon ng tagumpay kasama ng Kristo.” (2Co 2:14-16) Ipinakikita ng larawang iyon si Pablo at ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano bilang tapat na mga sakop ng Diyos, “kasama ng Kristo,” bilang mga anak, mga opisyal na may ranggo, at nagtagumpay na mga kawal, pawang sumusunod sa pangkat ng Diyos at pinangungunahan Niya sa isang maringal na prusisyon ng tagumpay sa kahabaan ng isang mabangong ruta.

Iba naman ang situwasyon sa Colosas 2:15. Dito, ang kaaway na mga pamahalaan at mga awtoridad na nasa ilalim ni Satanas ay inilalarawan bilang mga bihag at mga bilanggo sa prusisyon ng tagumpay. Hinubaran sila ni Jehova na Manlulupig at inilantad niya sila sa madla bilang mga natalo, yaong mga nalupig “sa pamamagitan nito,” samakatuwid nga, sa pamamagitan ng “pahirapang tulos” na binanggit sa naunang talata. Ang kamatayan ni Kristo sa pahirapang tulos ay hindi lamang naglaan ng saligan upang maalis ang “sulat-kamay na dokumento,” ang tipang Kautusan, kundi pinangyari rin nito na makalaya ang mga Kristiyano mula sa pagkaalipin sa satanikong mga kapangyarihan ng kadiliman.

Iba Pang mga Prusisyon. Bumabanggit din ang Bibliya ng iba pang mga prusisyon, mga okasyon na doo’y sama-samang humahayo ang karamihan upang ipagdiwang ang namumukod-tanging mga pangyayari. Inilarawan ni David ang prusisyon ng tagumpay ni Jehova mula sa Sinai patungo sa banal na dako ng templo sa Jerusalem​—ang mga karong pandigma ng Diyos, mga bihag, mga mang-aawit at mga manunugtog, at mga nagkakatipong karamihan na nag-uukol ng pagpapala sa Banal ng Israel. (Aw 68:17, 18, 24-26) Nang matapos ang muling pagtatayo ng mga pader ng Jerusalem noong mga araw ni Nehemias, isang prusisyon ang idinaos bilang bahagi ng pagdiriwang. (Ne 12:31) Sa Awit 118:27 naman ay may binabanggit na “prusisyong pangkapistahan,” maliwanag na may kaugnayan ito sa taunang Kapistahan ng mga Kubol.