Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pugad

Pugad

Lugar na inihahanda ng ibon o ng hayop para sa pagpapalaki ng kaniyang mga anak; gayundin, isang tuluyan, isang kanlungan, o isang maginhawa, komportable at maalwang tirahan.​—Kaw 27:8; Isa 10:14; 16:2.

Iba’t iba ang lokasyon, laki, at pagkakagawa ng mga pugad ng mga ibon, ngunit bawat uri ay nababagay sa paggagamitan dito. Ang mga pugad ay maaaring nasa lupa o nasa buhanginan (sinasabing ang mga ahas ay may ‘mga pugad’ sa lupa o sa gitna ng batuhan; Isa 34:15), nasa mga kumpol ng damo, mga palumpong, batuhan, mga punungkahoy, mga hungkag na katawan ng puno, mga dalisdis sa baybay-dagat, mga bundok, mga awang ng mga gusali, at mayroon pa ngang nakalutang sa tubig sa gitna ng mga halamang tambo. Ang ilan sa mga materyales na ginagamit ay ang maliliit na sanga, mga dahon, mga damong-dagat, lana, bulak, dayami, lumot, balahibo, malalambot na bahagi ng halaman, buhok ng kabayo, mga piraso ng tela, at iba pa. Ang mga pugad ay karaniwang nagsisilbing proteksiyon mula sa mga maninila, silungan sa panahon ng bagyo, at insulasyon mula sa init at lamig.

Upang idiin kay Job ang karunungan ng Maylalang, itinawag-pansin ni Jehova ang agila, na ‘gumagawa ng pugad nito sa kaitaasan, anupat sa malaking bato ito tumatahan at nananatili sa magdamag sa pinakangipin ng malaking bato at sa isang dakong mahirap marating.’ (Job 39:27, 28) At upang ilarawan ang maibiging pangangalaga ng Diyos sa Israel, binanggit ni Moises ang agila na “gumagalaw ng kaniyang pugad,” anupat maliwanag na tinutukoy kung paano ginaganyak at kung minsa’y itinutulak ng agila sa ere ang kaniyang inakáy para turuan itong lumipad. Sa katulad na paraan, mula sa Ehipto ay inilabas ni Jehova ang Israel bilang isang bansa. Magiliw niyang inalagaan ang bagong bansa habang naglalakbay sila sa ilang at noong namamayan na sila sa Lupang Pangako, kung paanong binabantayan at inaalagaan ng agila ang inakáy sa panahong tinuturuan niya itong lumipad.​—Deu 32:11; tingnan ang AGILA.

Itinatayo rin ng rock dove ang pugad nito sa matataas at mababatong lugar. Sa matataas na bato sa kapaligiran ng Dagat na Patay, maraming guwang at mga yungib na mapagtatayuan ng mga pugad nito. Maaaring nasa isipan ni Jeremias ang tagóng mga pugad na ito nang bumigkas siya ng kahatulan sa Moab, na nakatira sa lugar na iyon: “Iwan ninyo ang mga lunsod at manahanan kayo sa malaking bato, kayong mga tumatahan sa Moab, at maging tulad kayo ng kalapati na namumugad sa mga dako sa bunganga ng hukay.”​—Jer 48:28; ihambing ang sinabi ni Balaam sa Bil 24:21.

Ang malalagong dahon ng matitibay na sedro ng Lebanon ay napakagandang pamugaran ng ibang mga ibon. Sapat ang silungan at kublihan dito sa buong taon. Binanggit ito ng salmista bilang isang halimbawa ng kamangha-manghang mga paglalaan ng Diyos para sa kapakanan ng kaniyang mga nilalang.​—Aw 104:16, 17.

Sa ilalim ng Kautusan, ang mga Israelita ay pinagbawalang kunin ang mga itlog o mga inakáy mula sa isang pugad at kasabay nito’y patayin ang inahin. Ito’y upang maiwasan ang kalupitan ng minsanang pagpatay sa buong pamilya. Dapat paligtasin ang inahin para makapagluwal pa ito ng mga inakáy.​—Deu 22:6, 7.

Nang sabihin ng isang eskriba kay Jesus: “Guro, susundan kita saan ka man pumaroon,” tumugon si Jesus: “Ang mga sorra ay may mga lungga at ang mga ibon sa langit ay may mga dapuan [o, “mga pugad”], ngunit ang Anak ng tao ay walang dakong mahihigan ng kaniyang ulo.” (Mat 8:19, 20; Luc 9:57, 58) Dito, ipinakita ni Jesus na upang maging kaniyang tagasunod, dapat kalimutan ng lalaki ang pagtatamasa ng karaniwang kaginhawahan at kaalwanan, at dapat siyang lubusang magtiwala kay Jehova. Makikita ang simulaing iyan sa modelong panalanging itinuro ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Ibigay mo sa amin ngayon ang aming tinapay para sa araw na ito,” at sa kaniyang pananalita: “Sa gayon, makatitiyak kayo, walang sinuman sa inyo na hindi nagpapaalam sa lahat ng kaniyang mga pag-aari ang maaaring maging alagad ko.”​—Mat 6:11; Luc 14:33.

Makasagisag na Paggamit. Sa mga mensahe ng kahatulan laban sa Edom, ginamit ng Diyos ang mataas na dakong pinamumugaran ng agila bilang sagisag ng literal na mataas na lokasyon ng Edom sa mga bundok, gayundin ng kapalaluan at kapangahasan nito.​—Jer 49:15-18; Ob 1-4; ihambing ang kapahayagan ng Diyos laban sa Babilonya, sa Hab 1:6; 2:6-11.

Nang humula siya laban sa Jerusalem, tinukoy ni Jeremias ang katayugan ng mga punungkahoy ng Lebanon at ang halaga ng tablang sedro nito, na pantanging ginagamit noon ng mga hari at mayayamang tao sa pagtatayo ng kanilang mga bahay. Ang malaking bahagi ng palasyo ng hari ng Juda at mga gusali ng pamahalaan sa Jerusalem ay gawa sa sedro. Kaya naman tinukoy ni Jeremias ang mga tumatahan sa Jerusalem bilang mga “nananahanan sa Lebanon, na namumugad sa mga sedro.” Ngunit ibababa sila mula sa matayog na posisyong ito.​—Jer 22:6, 23.

Isang ‘Silid.’ Sa Genesis 6:14, ang salitang Hebreo na qin·nimʹ (“mga pugad”) ay isinalin bilang “mga kuwarto” (KJ, RS), “mga kabin” (AT), at “mga silid” (BSP; MB; NW). Maliwanag na ang mga ito’y maliliit na silid sa arkang ginawa ni Noe. Katulad ng mga pugad ng mga ibon, ang mga ito’y nagsilbing proteksiyon at silungan noong mapanganib na panahong walang kalaban-laban ang mga tao at mga hayop.