Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pul

Pul

1. Ang pangalang ibinigay sa isang hari ng Asirya sa 2 Hari 15:19 at 1 Cronica 5:26. Noong panahon ng paghahari ni Menahem, hari ng Israel, pumasok si Pul sa Palestina at tumanggap ng tributo mula kay Menahem. Ang pagkakakilanlan ni Pul ay isang matagal nang palaisipang hindi pa nasasagot. Gayunman, iniisip ng karamihan sa mga iskolar ngayon na si Pul at si Tiglat-pileser III ng Asirya ay iisa lamang, yamang ang pangalang Pulu (Pul) ay masusumpungan sa tapyas ng dinastiya na kilala bilang ang Babylonian King List A, samantalang sa katumbas na dako sa “Synchronistic Chronicle” ang pangalang Tukultiapilesharra (Tiglat-pileser) ang nakatala. (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 272, 273) Marahil ay “Pul” ang personal niyang pangalan o ang pangalang pagkakakilanlan niya sa Babilonya, samantalang ang Tiglat-pileser (Tilgat-pilneser) ay ang pangalang ginamit niya nang maging hari siya ng Asirya. Sa unawang ito, ang 1 Cronica 5:26 ay maaaring intindihin na tumutukoy sa iisang indibiduwal sa pagsasabing, “Pul na hari ng Asirya maging . . . ni Tilgat-pilneser na hari ng Asirya.”​—Tingnan ang TIGLAT-PILESER (III).

2. Isang bansa o mga tao na sa Isaias 66:19 lamang nakatala, kasama ng Tarsis (lumilitaw na timugang Espanya) at Lud (sa H Aprika). Maliwanag na ang lahat ng tatlong dakong ito ay kilala sa kanilang dalubhasang mga mamamana. Hindi alam kung saan ang eksaktong lokasyon ng Pul. Ang Griegong Septuagint ay kababasahan ng “Phud” o “Put” sa Isaias 66:19 sa halip na “Pul,” at ang Put (iniuugnay sa mga taga-Libya sa Aprika) at Lud ay magkaugnay sa ibang mga teksto. (Eze 27:10; Jer 46:9; tingnan ang PUT.) Gayunman, ang mababasa sa tekstong Masoretiko na “Pul” ay sinusuhayan ng Dead Sea Scroll of Isaiah at ng Syriac na Peshitta. Iminumungkahi ng ilang iskolar na ang “Pul” ay ang pulong Philae sa Nilo.