Pulgas
[sa Heb., par·ʽoshʹ; sa Ingles, flea].
Isang parasitikong insekto na napakaliit at walang pakpak. Ang mga pulgas ay kadalasang kayumangging mamula-mula at may maiikling paa sa unahan at gitna ngunit mahahabang paa sa hulihan. Dahil ang mga paa ng pulgas ay malalakas at maraming tinik, at dahil lapád ang tagiliran nito, madali at mabilis itong nakakakilos sa mga buhok o balahibo ng kaniyang biktima. Palibhasa ang biluhabang katawan ng insektong ito’y nababalutan ng maiikling buhok na nakaturo sa likod, hindi lamang ito madaling umabante kundi mahirap din itong alisin. Ang maliit na ulo ng pulgas ay may tuka na ipinantutusok sa balat ng biktima para magdugo iyon. Napakahusay rin nitong lumukso. Bagaman wala pang 0.3 sentimetro (1⁄8 pulgada) ang haba nito, ang pulgas na nabubuhay sa katawan ng tao ay makatatalon nang mahigit 30 sentimetro (1 piye) sa unahan at sa taas na halos 20 sentimetro (8 pulgada). Malamang na Pulex irritans ang tawag sa uri ng pulgas na binanggit sa Bibliya.
Sa Kasulatan, makalawang ulit lamang na binanggit ang pulgas. Nang si David ay tinutugis ni Haring Saul, tinanong niya ang hari: “Sino ang hinahabol mo? . . . Isang pulgas?” Sa paghahalintulad ng kaniyang sarili sa isang pulgas, idiniin ni David ang kaniyang kaliitan kung ihahambing kay Saul, sa gayo’y ipinakikita na walang kabuluhan na habulin siya ng hari. (1Sa 24:14) Ganitong diwa rin ang ipinahihiwatig ng 1 Samuel 26:20, ngunit sa Griegong Septuagint, sa halip na mga salitang “isang pulgas” ay “aking kaluluwa” ang mababasa.