Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pulseras

Pulseras

Isang pampalamuting pabilog na hiyas na isinusuot sa may pulso o sa ibabang bahagi ng braso, anupat kung minsan ay buo ang bilog nito, samantalang ang iba naman ay may bukasan o kawitan. Noong sinaunang mga panahon, kapuwa ang mga lalaki at mga babae ay nagsusuot ng pulseras, kung minsan ay sa isang braso lamang, ngunit sa ilang pagkakataon ay sa magkabilang braso. Ang mga pulseras noon ay gawa sa bronse, bubog, bakal, pilak, at ginto at madalas na lubhang napapalamutian, anupat kung minsan ay kinakabitan ng mga hiyas.

Ang mga Hebreo ay nagsuot ng mga pulseras, at mula pa noong unang mga panahon ay karaniwan nang ginagamit ang mga ito sa Palestina, kung saan nakasumpong ang mga arkeologo ng maraming pulseras na gawa sa sari-saring materyales, partikular na sa bronse. Binigyan ng lingkod ni Abraham si Rebeka ng isang gintong singsing na pang-ilong at ng dalawang pulseras (sa Heb., tsemi·dhimʹ) na ang bigat ay sampung siklo (114 na g; 3.7 onsa t) na ginto. (Gen 24:22, 30, 47) Kabilang ang mga pulseras sa mga bagay na kinuha sa mga Midianita bilang samsam sa digmaan, at kasama rin ang mga iyon sa mahahalagang bagay na ibinigay ng mga Israelita sa Diyos.​—Bil 31:50.

Sa pamamagitan ni Ezekiel, inilarawan ng Diyos ang kaniyang sarili bilang naggagayak sa Jerusalem ng mga pulseras at iba pang mga palamuti. Ngunit dahil ginamit nito ang gayong magagandang kagamitan sa idolatriya at nagpatutot ito, patiunang sinabi ni Jehova na parurusahan Niya ito at hahayaan Niyang kunin mula sa Jerusalem ang mga bagay na iyon. (Eze 16:11, 17, 38, 39) Kabilang ang mga pulseras (sa Heb., sheh·rohthʹ) sa mga bagay na sinabi ni Jehova na kukunin niya mula sa palalong “mga anak na babae ng Sion.”​—Isa 3:16, 19.

Ang armlet o pulseras para sa itaas na bahagi ng braso (sa Heb., ʼets·ʽa·dhahʹ) ay isinusuot noon ng mga monarka bilang isa sa kanilang mga sagisag ng makaharing awtoridad o soberanong kapangyarihan. Maaaring may gayong kahulugan ang pulseras na suot ni Haring Saul ng Israel sa kaniyang bisig.​—2Sa 1:10; tingnan ang PALAMUTI.