Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pulubi, Pamamalimos

Pulubi, Pamamalimos

Ang pamamalimos ay ang palagiang paghingi ng kawanggawa ng publiko, na karaniwang ginagawa ng mga pulubi.

Ang kaayusan ng mga patriyarka, na ayon sa ipinakikita ng Bibliya ay umiral bago at pagkatapos ng pangglobong Baha noong mga araw ni Noe, ay tiyak na nakatulong nang malaki upang walang indibiduwal ang mapabukod, malagay sa matinding kagipitan, at mapilitang umasa na lamang sa kawanggawa ng publiko. Kaya naman naiwasan ang pagkakaroon ng mga pulubi. Mula pa noong sinaunang mga panahon, waring nakagawian na ng mga tao na maging mapagpatuloy sa mga taga-ibang bayan o sa mga naglalakbay; makikita sa mga ulat ng Bibliya ang gayong pagkamapagpatuloy, maliban sa iilang pagkakataon. (Gen 19:1-3; Exo 2:18-20; Huk 19:15-21) Ang isa sa mga salik na nakapagpahina sa kaayusan ng mga patriyarka ay ang pag-usbong ng mga lunsod, at posibleng ito, pati na ang sakim na hilig na magsamantala sa pagkamapagpatuloy o pagkakawanggawa ng iba, ang naging dahilan kung bakit umiral ang pamamalimos sa gitna ng mga tao.

Lumilitaw na ang pamamalimos ay isang napakasinaunang gawain sa mga lupain sa Silangan. Dahil dito, lalong kapansin-pansin na sa Hebreong Kasulatan ay walang ipinahihiwatig na may namamalimos noon o na ito’y naging partikular na problema sa bansang Israel mula nang itatag ang bansang iyon hanggang noong ipatapon sila sa Babilonya. Nang lumisan ang mga Israelita sa Ehipto at mapalaya mula sa pagkaalipin, “hiningan [isang anyo ng pandiwang Heb. na sha·ʼalʹ] nila ang mga Ehipsiyo ng mga kagamitang pilak at mga kagamitang ginto at mga balabal. . . . at sinamsaman nila ang mga Ehipsiyo.” (Exo 12:35, 36) Gayunman, kaayon ito ng utos at hula ng Diyos, at maliwanag na itinuring itong makatuwirang kabayaran sa kanilang maraming taon ng pagtatrabaho bilang mga alipin at sa mga kawalang-katarungang tiniis nila sa kamay ng mga Ehipsiyo. (Exo 3:21, 22; ihambing ang Deu 15:12-15.) Hindi ito batayan para sa pamamalimos.

Ang Kautusang Mosaiko ay naglalaman ng mga batas alang-alang sa mga dukha, na kung tutuparin ay walang magiging dahilan upang mamalimos ang sinuman. (Lev 19:9, 10; Deu 15:7-10; 24:19-21; tingnan ang KALOOB NG AWA, MGA.) Mariing ipinakikita sa Hebreong Kasulatan na ang mga nanghahawakan sa katuwiran ay makapagtitiwala na paglalaanan sila ng Diyos, gaya ng naibulalas ni David noong matanda na siya: “Hindi ko pa nakita ang matuwid na lubusang pinabayaan, ni ang kaniyang supling na naghahanap [“namamalimos,” KJ; isang anyo ng Heb. na biq·qeshʹ] ng tinapay,” bagaman ang mga matuwid na iyon mismo ay inilalarawan din bilang bukas-palad. (Aw 37:25, 26; ihambing ang pagkakaiba ng karanasan ng apostatang Jerusalem sa Pan 1:11; 4:4.) Sa kabilang dako, sinasabi ng Kawikaan 20:4 na ang taong tamad ay “mamamalimos . . . sa panahon ng paggapas,” at ipinakikita naman ng Awit 109:10 na dahil sa kaparusahan sa balakyot ay mapipilitang ‘magpalabuy-laboy ang kaniyang mga anak; at mamamalimos sila, at maghahanap sila ng pagkain mula sa kanilang mga tiwangwang na dako.’ Sa huling dalawang tekstong nabanggit, ang salitang “mamamalimos” ay salin ng Hebreong sha·ʼalʹ, isang termino na ang saligang kahulugan ay “humingi” o “humiling.”​—Exo 3:22; 1Ha 3:11.

Waring pagkabalik ng mga Judio mula sa pagkatapon (537 B.C.E.) hanggang sa panahon ng pagparito ni Jesus sa lupa, nagkaroon ng paniniwala ang mga Judio na ang pagbibigay ng limos, o mga kaloob ng kawanggawa, ay may halaga sa ganang sarili nito ukol sa kaligtasan. Ipinakikita iyan ng Apokripal na aklat ng Ecclesiasticus (3:30) (isinulat noong maagang bahagi ng ikalawang siglo B.C.E.) kung saan sinasabi na “ang pagbibigay ng limos ay nagbabayad-sala para sa mga kasalanan.” Walang alinlangan na ang gayong pangmalas ay lalong nagpasigla sa pamamalimos. (Ihambing ang ipinagpaparangalang pagbibigay na tinuligsa ni Jesus sa Mat 6:2.)

Dahil sa pamumuno ng mga banyagang kapangyarihan, dumanas ng paniniil ang mga Judio, at walang alinlangang nakaapekto ito nang husto sa pagkakapit nila ng Kautusang Mosaiko hinggil sa mga karapatan sa minanang lupain at sa katulad na mga probisyon. Malamang na ito, bukod pa sa mga pilosopiya ng huwad na relihiyon, na hindi nakapagkintal ng tunay at may-simulaing pag-ibig sa kapuwa (Mat 23:23; Luc 10:29-31), ay isa pang sanhi ng paglaganap ng pamamalimos sa Palestina. Kaya naman sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, marami tayong masusumpungang pagbanggit sa mga pulubi sa lupaing iyon.

Kabilang sa mga pulubing inilarawan noong panahon ni Jesus at ng mga apostol ang mga bulag, mga pilay, at mga maysakit. Marahil ay ophthalmia (isang sakit sa mata na karaniwan pa rin sa Gitnang Silangan) ang isa sa mga sanhi ng pagkabulag ng mga taong ito noon. (Mar 10:46-49; Luc 16:20, 22; 18:35-43; Ju 9:1-8; Gaw 3:2-10) Tulad ng mga pulubi sa ngayon, kadalasa’y pumupuwesto sila sa mga pampublikong daanan o malapit sa mga lugar na malimit puntahan ng mga tao, gaya ng templo. Bagaman itinuturing na kapuri-puri ang pagbibigay ng limos, hinahamak naman ang mga pulubi, kaya nga sinabi ng katiwala sa talinghaga ni Jesus, “Nahihiya akong mamalimos.”​—Luc 16:3.

Ang dalawang pandiwang Griego na ginamit upang tumukoy sa pamamalimos ay nauugnay sa ai·teʹo, nangangahulugang “humingi.”​—Mat 7:7.

Ang salitang Griego na pto·khosʹ, na ginamit ni Lucas (16:20, 22) nang iulat niya ang pagtukoy ni Jesus kay Lazaro bilang isang pulubi, ay ginagamit upang ilarawan ang isa na nakayukyok at susukut-sukot, at tumutukoy ito sa mga napakadukha, sa mga naghihikahos, o sa mga pulubi. Ang termino ring ito ay ginamit sa Mateo 5:3 may kinalaman sa “mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan [“yaong mga pulubi para sa espiritu,” tlb sa Rbi8]” (“dukha sa espiritu,” KJ). Ayon sa Word Studies in the New Testament ni M. R. Vincent (1957, Tomo I, p. 36), ang paggamit ng pto·khosʹ sa tekstong ito ay “napakalinaw at angkop, bilang pagtukoy sa ganap na espirituwal na paghihikahos, anupat ang pagiging palaisip dito ay kailangan bago makapasok sa kaharian ng Diyos, at hindi ito maaaring mapawi sa pamamagitan ng sariling mga pagsisikap ng isa, kundi sa pamamagitan lamang ng walang-bayad na awa ng Diyos.”

Ang termino ring ito ang ginamit ni Pablo sa Galacia 4:9 nang ipahayag niya ang kaniyang pagkabahala sa mga ‘muling bumabalik sa mahihina at malapulubing [pto·khaʹ] panimulang mga bagay’ na dating isinasagawa ng mga ito. Ang gayong mga bagay ay ‘malapulubi’ kung ihahambing sa espirituwal na kayamanang matatamo sa pamamagitan ni Kristo Jesus.

Bagaman si Jesus at ang kaniyang mga apostol ay nagpakita ng kabaitan sa mga pulubi, hindi nila pinasigla ang pamamalimos; bagaman malugod nilang tinanggap ang pagkamapagpatuloy ng iba, hindi sila namalimos. Sinabihan ni Jesus ang mga taong sumusunod noon sa kaniya dahil lamang sa tinapay na ang dapat nilang ikabahala ay hindi ang ‘pagkaing nasisira, kundi ang pagkaing nananatili para sa buhay na walang hanggan.’ (Ju 6:26, 27) Sinabi ni Pedro sa isang pilay na pulubi sa templo: “Pilak at ginto ay wala ako, ngunit ang mayroon ako ang siyang ibibigay ko sa iyo,” at pagkatapos ay ginamit niya ang kaniyang mga espirituwal na kaloob upang pagalingin ang lalaki. (Gaw 3:6) Bagaman kung minsan ay gutóm, walang tahanan, at walang pananamit, nagpagal ang mga apostol, anupat ‘nagtrabaho sa pamamagitan ng kanilang sariling mga kamay, sa gabi at araw, upang hindi sila maging pasanin sa iba.’ (1Co 4:11, 12; 1Te 2:9) Ganito ang pamantayan para sa mga Kristiyano: “Kung ang sinuman ay ayaw magtrabaho, huwag din naman siyang pakainin.”​—2Te 3:10-12.