Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Puspusin ng Kapangyarihan ang Kamay

Puspusin ng Kapangyarihan ang Kamay

Ang pananalitang Hebreo na mil·leʼʹ yadh, isinalin bilang “italaga” sa maraming bersiyon, ay literal na nangangahulugang “punuin ang kamay” at ginagamit ito may kinalaman sa paglalagay ng lubos na kapangyarihan sa mga kamay ng mga manunungkulan bilang saserdote. Nang italaga si Aaron at ang kaniyang mga anak bilang mga saserdote ni Jehova, ang kanilang mga kamay ay pinuspos ng kapangyarihan upang maglingkod sa gayong katungkulan. (Exo 28:41; 29:9, 29, 33, 35; Lev 8:33; 16:32; 21:10; Bil 3:3) Bilang sagisag nito, ang barakong tupa ng pagtatalaga ay pinatay at pinagputul-putol, at ang ilang bahagi nito kasama ang ilang tinapay mula sa basket ng mga tinapay na walang pampaalsa ay inilagay ni Moises sa mga palad ni Aaron at ng mga anak nito, na nagkaway naman ng mga handog sa harap ni Jehova. Sa katapus-tapusan, ang mga bagay na ikinaway ay pinausok sa ibabaw ng altar sa ibabaw ng handog na sinusunog.​—Exo 29:19-25; Lev 8:22-28; tingnan ang PAGTATALAGA; PINAHIRAN, PAGPAPAHID; SASERDOTE.

May iba pang indibiduwal na naglagay ng kapangyarihan sa mga kamay ng kanilang mga saserdote. Binigyang-kapangyarihan ng idolatrosong si Mikas ang isa sa kaniyang mga anak at pagkatapos ay ang isang di-tapat na Levita upang maging mga saserdote para sa kaniyang “bahay ng mga diyos.” (Huk 17:5, 12) Nang itatag ni Haring Jeroboam sa Israel ang pagsamba sa guya, nag-atas siya ng kaniyang sariling mga saserdote mula sa mga taong-bayan; ang mga Aaronikong saserdote at ang mga Levita ay nanatiling matapat sa pagsamba kay Jehova na nakasentro sa Jerusalem at, maliwanag na dahil dito kung kaya sila pinalayas sa sampung-tribong kaharian.​—1Ha 12:31; 13:33; 2Cr 13:9.