Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Put

Put

Isang “anak” ni Ham. (Gen 10:6; 1Cr 1:8) Bagaman si Put ay binanggit sa ibang talata ng Bibliya, walang isa man sa indibiduwal na mga supling niya ang binanggit ang pangalan. Ang kaniyang mga inapo ay madalas na naglalaan ng suportang militar sa Ehipto. (Jer 46:9; Eze 30:4-6; Na 3:9) Nagsilbi sila bilang mga mersenaryo sa mga hukbo ng Tiro at nakatulong sa kadakilaan ng lunsod na iyon. (Eze 27:3, 10) Inihula rin na ang Put ay magiging kabilang sa mga hukbo ni Gog ng Magog.​—Eze 38:5.

Tinutukoy ng taglay nating katibayan ang isang kaugnayan sa pagitan ng Put at ng mga Libyano ng H Aprika. Sa tatlong paglitaw nito, ang “Put” ay isinaling “mga Libyano” ng Griegong Septuagint at ng Latin na Vulgate. (Jer 46:9; Eze 27:10; 38:5) Ang Hebreong “Put” ay malapit na katumbas din ng put[i]ja (kadalasang itinuturing na Libya) ng mga inskripsiyong Matandang Persiano. Gayunman, waring ipinahihiwatig ng Nahum 3:9 na ang Put at ang Lu·vimʹ (mga Libyano) ay magkaibang mga tao. Ngunit hindi nito inaalis ang posibilidad na iugnay ang Put sa mga Libyano. Marahil ay mas malawak ang saklaw ng terminong “mga Libyano” kaysa sa Hebreong katawagan na Lu·vimʹ, gaya ng mahihinuha mula sa pagtukoy ni Herodotus (II, 32) sa “mga Libyano, maraming tribo sa kanila.”

Ang pag-uugnay ng Put sa “Punt” ng mga inskripsiyong Ehipsiyo ay hindi tinatanggap ng karamihan sa ngayon dahil sa mga kadahilanang kaugnay ng ponetika.