Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Raba

Raba

[Marami; Sagana].

1. Isang lunsod sa K dulo ng sinaunang kaharian ng Ammon matapos makuha ng mga Amorita ang ilang bahagi ng teritoryo nito. Ang Raba ang tanging lunsod ng kahariang Ammonita na binanggit sa ulat ng Bibliya, kaya ipinapalagay na ito ang dating kabisera. Ito ay mga 37 km (23 mi) sa S ng Jordan. Ang lunsod ay nasa isang sangang-ilog ng mataas na Jabok anupat nakinabang ito sa katabaan ng rehiyong iyon. Gayundin, isa itong mahalagang kawing sa ruta ng kalakalan sa pagitan ng Damasco at Arabia.

Unang binanggit sa Bibliya ang “Raba ng mga anak ni Ammon” (Rab·bathʹ benehʹ ʽAm·mohnʹ) bilang ang lokasyon ng bakal na langkayan ni Og na hari ng Basan. (Deu 3:11) Nang dumating ang mga Israelita sa Lupang Pangako, tumanggap ang tribo ni Gad ng lupaing Amorita (waring dating sakop ng Ammon) “hanggang sa Aroer, na nasa tapat ng [marahil ay sa dakong HS ng] Raba.”​—Jos 13:25.

Nabihag ni David. Muling binanggit ang lunsod na ito may kaugnayan sa digmaang ibinunga ng pag-abuso ni Haring Hanun ng Ammon sa mga mensahero ni David. (2Sa 10:1-19; 1Cr 19:1-19) Nakipaglaban si Joab at ang kaniyang mga hukbo sa mga Siryanong inupahan ng mga Ammonita, habang ang mga Israelita sa pangunguna ni Abisai ay umahon laban sa mga Ammonita “sa pasukan ng lunsod,” maliwanag na sa Raba. (1Cr 19:9) Nang matalo ang mga Siryano, umurong ang mga Ammonita pabalik sa lunsod. Nang sumunod na tagsibol ay kinubkob ni Joab at ng kaniyang hukbo ang Raba. Noong panahon ng kampanyang ito nagkasala si David sa Jerusalem may kinalaman kay Bat-sheba. Pinabalik ng hari ang asawa nitong si Uria na Hiteo sa pagbabaka, at ayon sa mga tagubilin ni David, inilagay si Uria sa unahan ng labanan. Nang lumabas sa pakikipagbaka ang ilang Ammonita mula sa Raba, napakalapit ni Uria sa labanan anupat napatay siya ng isang mamamana na nasa pader.​—2Sa 11:1-25; 1Cr 20:1.

Sa kalaunan ay nagtagumpay si Joab sa pakikipaglaban sa Raba hanggang sa mabihag na niya “ang lunsod ng mga tubig.” (2Sa 12:27) Waring isang bahagi lamang ng lunsod ang nabihag ni Joab sapagkat matapos niyang ipabatid kay David ang kalagayan ng pagbabaka, sinabi niya sa hari na pumaroon upang tapusin ang labanan at sa gayon ay mapasa kay David ang kapurihan sa pagbihag sa Raba. Ang pananalitang “lunsod ng mga tubig” ay maaaring tumutukoy sa isang bahagi ng pampang ng ilog, na naiiba sa iba pang bahagi ng lunsod, o maaaring nangangahulugan ito na nakontrol niya ang pangunahing suplay ng tubig sa lunsod.​—2Sa 12:26-28.

Dumating si David at nilubos ang pagbihag sa Raba, at “ang samsam sa lunsod na inilabas niya ay napakarami.” (2Sa 12:29-31; 1Cr 20:2, 3) Nang bandang huli ay muling naging independiyente ang mga Ammonita. Noong ikasiyam na siglo B.C.E., inihula ni Amos ang hatol laban sa mga Ammonita at espesipiko niyang binanggit na susunugin ang Raba. (Am 1:13, 14) Kapuwa si Jeremias at si Ezekiel ay bumigkas din ng mga mensahe laban sa Raba. Gaya ng ipinakikita sa artikulong AMMONITA, MGA, maliwanag na natupad ang mga hulang ito noong panahon ni Nabucodonosor.​—Jer 49:2, 3; Eze 21:19-23; 25:5.

Noong ikatlong siglo B.C.E., muling itinayo ni Ptolemy Philadelphus ang Raba at ang pangalan ng lunsod ay pinalitan niya ng Filadelfia. Nang maglaon ay ibinilang ito sa mga lunsod ng Decapolis at lumilitaw na ito’y naging maunlad at matatag. Ang makabagong lunsod ng ʽAmman ay matatagpuan dito, at marami ritong sinaunang mga guho, kabilang na ang isang napakalaking ampiteatro, ngunit karamihan sa mga ito ay mula pa noong mga panahong Romano.

2. Isa sa mga lunsod na ibinigay sa tribo ni Juda bilang bahagi ng teritoryo nito. Hindi alam ang eksaktong lokasyon ng Raba. Sa Josue 15:60, nakatala ito kasama ng Kiriat-jearim, na nasa maburol na lupain ng Juda at 13 km (8 mi) sa KHK ng Jerusalem.

[Larawan sa pahina 1001]

Mga guho sa ʽAmman kung saan dating itinayo ang sinaunang Raba ng Ammon, at nang maglaon, ang Filadelfia ng Decapolis