Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Rabsases

Rabsases

[mula sa wikang Akkadiano, malamang na nangangahulugang “Punong Katiwala ng Kopa”].

Ang titulo ng isang pangunahing opisyal na Asiryano. (2Ha 18:17) Ganito ang sabi ng inskripsiyon sa isang gusali ng Asiryanong hari na si Tiglat-Pileser III: “Nagsugo ako ng isang opisyal ko, ang rabsaq, sa Tiro.” Gayundin, sa isang tapyas sa British Museum, isang inskripsiyon ni Haring Ashurbanipal ang nagsasabi: “Ipinag-utos ko na idagdag sa aking naunang mga puwersa (sa Ehipto para sa pakikipagbaka) ang rabsaq na opisyal.”​—Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 282, 296.

Samantalang kinukubkob ni Senakerib, na hari ng Asirya, ang tanggulan ng Lakis sa Juda, nagsugo siya ng isang makapal na hukbong militar sa Jerusalem sa ilalim ng Tartan, ang punong kumandante, kasama ng dalawa pang matataas na opisyal, ang Rabsaris at ang Rabsases. (2Ha 18:17; makikita rin sa Isa kab 36, 37 ang buong ulat.) Sa tatlong matataas na Asiryanong opisyal na ito, ang Rabsases ang naging punong tagapagsalita upang pilitin si Haring Hezekias na makipagkasundong sumuko. (2Ha 18:19-25) Tumayo ang tatlong ito sa may padaluyan ng mataas na tipunang-tubig. Ang Rabsases na ito, na hindi binanggit ang pangalan, ay matatas magsalita ng Hebreo at ng Siryano. Sumigaw siya sa wikang Hebreo kay Haring Hezekias, ngunit tatlo sa mga opisyal ni Hezekias ang lumabas upang salubungin siya. Hiniling ng mga opisyal ni Haring Hezekias sa Rabsases na magsalita siya sa kanila sa wikang Siryano sa halip na sa wika ng mga Judio sapagkat nakikinig ang karaniwang mga tao na nasa pader. (2Ha 18:26, 27) Ngunit bilang propagandista, angkop na angkop sa layunin ng Rabsases ang situwasyong ito. Nais niyang marinig ng mga tao ang sinasabi niya upang manghina ang loob nila. Sa pamamagitan ng mga salitang nananakot, ng mga bulaang pangako at mga kasinungalingan, ng pandurusta, at ng panunuya kay Jehova, lalo pang nilakasan ng Rabsases ang pagsasalita niya sa wikang Hebreo, anupat kinukumbinsi ang mga tao na magtaksil kay Haring Hezekias sa pamamagitan ng pagsuko sa hukbong Asiryano. (2Ha 18:28-35) Gayunpaman, nanatiling matapat kay Hezekias ang taong-bayan ng Jerusalem.​—2Ha 18:36.

Inilapit ni Hezekias kay Jehova sa panalangin ang mapanuyang mga salita ng Rabsases, at isang delegasyon ang isinugo sa propetang si Isaias upang malaman ang tugon ni Jehova. (2Ha 18:37; 19:1-7) Samantala, agad na umalis ang Rabsases nang marinig niyang nilisan na ng hari ng Asirya ang Lakis at nakikipagbaka ito laban sa Libna. Bagaman nasa malayo, ipinagpatuloy pa rin ni Senakerib ang kaniyang kampanya ng propaganda laban kay Hezekias at nagsugo siya sa Jerusalem ng mga mensahero na may dalang mga liham na patuloy na nanunuya at mahigpit na nagbabanta upang mapasuko si Hezekias. (2Ha 19:8-13) Dinala ni Haring Hezekias ang mga liham sa templo ng Jerusalem at inilatag niya ang mga iyon sa harap ni Jehova kasabay ng marubdob na panalangin na tulungan sila. (2Ha 19:14-19) Sa pamamagitan ng propetang si Isaias, sumagot si Jehova sa pagsasabing ang hari ng Asirya ay ‘hindi papasok sa lunsod na ito ni magpapahilagpos man siya roon ng palaso ni haharapin man iyon nang may kalasag ni magtitindig man ng muralyang pangubkob laban doon. Sa daan na kaniyang pinanggalingan, siya ay babalik, at sa lunsod na ito ay hindi siya papasok, ang sabi ni Jehova.’ (2Ha 19:32, 33) Nang gabing iyon, sinaktan at pinatay ng anghel ni Jehova ang 185,000 kawal ng mga Asiryano. Dahil sa di-inaasahan at matinding dagok na ito, kaagad na umurong si Senakerib na hari ng Asirya at bumalik sa Nineve, ang kabisera ng Asirya, kung saan pinaslang siya pagkalipas ng ilang panahon. (2Ha 19:35-37) Bilang isang mapamusong na manunuya ng Diyos na buháy na si Jehova, ang mga pagsisikap ng Rabsases ay nawalan ng saysay.