Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Rahab

Rahab

1. [sa Heb., Ra·chavʹ, posible, Malawak; Maluwang]. Isang patutot ng Jerico na naging mananamba ni Jehova. Noong tagsibol ng 1473 B.C.E., dalawang tiktik na Israelita ang pumasok sa Jerico at nanuluyan sa tahanan ni Rahab. (Jos 2:1) Hindi sinabi kung gaano sila katagal namalagi roon, ngunit ang Jerico ay hindi gaanong malaki para mangailangan sila ng mahabang panahon upang matiktikan iyon.

Ipinapalagay ng ilan, lalo na ng mga tradisyonalistang Judio, na si Rahab ay hindi talaga isang patutot sa karaniwang diwa ng salitang ito, ngunit waring wala itong matibay na saligan. Ang salitang Hebreo na zoh·nahʹ ay laging nauugnay sa bawal na relasyon, seksuwal man o bilang isang sagisag ng espirituwal na kawalang-katapatan, at sa bawat pagkakataon na ang tinutukoy nito ay patutot, isinasalin ito nang gayon. Hindi ito isinasaling “babaing punong-abala,” “tagapag-ingat ng bahay-tuluyan,” o anumang kagaya nito. Bukod diyan, ang pagpapatutot ay hindi isang masamang hanapbuhay para sa mga Canaanita.

May mga nakahalata na ang dalawang panauhin ni Rahab ay mga Israelita, at iniulat nila sa hari ang bagay na ito. Gayunman, kaagad na itinago ni Rahab ang mga lalaki sa mga tangkay ng lino na pinatutuyo sa bubong anupat nang dumating ang mga awtoridad upang dakpin ang mga ito, naituro niya sila sa ibang dako nang hindi naghihinala. Sa lahat ng ito, nagpakita si Rahab ng higit na debosyon sa Diyos ng Israel kaysa sa kaniyang sariling bayan na hinatulan na.​—Jos 2:2-7.

Hindi matiyak kung kailan nabatid ni Rahab ang layunin ng mga tiktik sa pagparoon at ang intensiyon ng Israel may kinalaman sa Jerico. Ngunit ipinagtapat niya sa kanila ang malaking takot at panghihilakbot ng mga nasa lunsod dahil sa mga ulat tungkol sa mga gawa ng pagliligtas ni Jehova sa Israel sa nakalipas na 40 taon o mahigit pa. Hiniling niya sa mga tiktik na manumpa sa kaniya na iingatan nila siyang buháy at pati ang kaniyang buong pamilya ​—ama, ina, at lahat ng iba pa. Sumang-ayon sila rito, sa kundisyong titipunin niya ang buong pamilya sa loob ng kaniyang bahay, ibibitin ang isang panaling iskarlata mula sa bintana, at hindi niya sasabihin kaninuman ang tungkol sa kanilang pagdalaw, na ipinangako naman niyang gawin. Upang higit pang maipagsanggalang ang mga tiktik, tinulungan niya silang tumakas sa isang bintana (yamang ang bahay ay nasa pader ng lunsod) at sinabi sa kanila kung paano nila maiiwasan ang mga naghahanap na nagtungo sa Jordan sa mga tawiran.​—Jos 2:8-22.

Ibinalita ng mga tiktik kay Josue ang lahat ng nangyari. (Jos 2:23, 24) Pagkatapos, nang bumagsak ang pader ng Jerico, ang bahay ni Rahab na “nasa isang panig ng pader” ay hindi nawasak. (Jos 2:15; 6:22) Nang iutos ni Josue na ingatang buháy ang sambahayan ni Rahab, ang dalawang tiktik ding iyon ang naglabas sa kaniya nang ligtas. Matapos silang panatilihing bukod mula sa kampo ng Israel sa loob ng isang yugto, si Rahab at ang kaniyang pamilya ay pinahintulutang manahanan kasama ng mga Israelita. (Jos 6:17, 23, 25) Nang maglaon, ang dating patutot na ito ay naging asawa ni Salmon at ina ni Boaz sa maharlikang angkan ng Davidikong mga hari; isa siya sa apat na babaing binanggit sa talaangkanan ni Jesus sa Mateo. (Ru 4:20-22; Mat 1:5, 6) Bagaman hindi siya isang Israelita, pinatunayan niya sa pamamagitan ng mga gawa ang kaniyang lubos na pananampalataya kay Jehova, at sa bagay na ito ay isa rin siyang mahusay na halimbawa. “Sa pananampalataya,” ang sabi ni Pablo, “si Rahab na patutot ay hindi nalipol na kasama niyaong mga naging masuwayin, sapagkat tinanggap niya ang mga tiktik sa mapayapang paraan.” “Hindi ba si Rahab na patutot ay ipinahayag din na matuwid sa pamamagitan ng mga gawa, pagkatapos niyang magiliw na tanggapin ang mga mensahero at palabasin sila sa ibang daan?” ang tanong ni Santiago.​—Heb 11:30, 31; San 2:25.

2. [sa Heb., Raʹhav, mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “paulanan ng mga pagsusumamo”]. Isang makasagisag na pananalita na unang ginamit sa Job (9:13; 26:12), kung saan isinalin itong “mananalakay.” (NW) Sa ikalawang tekstong nabanggit, iniuugnay ito ng konteksto at ng ginamit na paralelismo sa isang malaking dambuhalang hayop-dagat. Sa katulad na paraan, iniuugnay ng Isaias 51:9 ang Rahab sa isang dambuhalang hayop-dagat: “Hindi ba ikaw ang lumuray sa Rahab, na umulos sa dambuhalang hayop-dagat?”

Ang Rahab, isang “dambuhalang hayop-dagat,” ay sumagisag sa Ehipto at sa kaniyang Paraon na sumalansang kay Moises at sa Israel. Tinutukoy sa Isaias 51:9, 10 ang pagliligtas ni Jehova sa Israel mula sa Ehipto: “Hindi ba ikaw ang tumuyo sa dagat, ang tubig ng malawak na kalaliman? Ang nagpangyaring maging daan ang mga kalaliman ng dagat upang makatawid ang mga tinubos?” Sa Isaias 30:7 ay muling iniuugnay sa Ehipto ang “Rahab.” Binabanggit sa Awit 87:4 ang “Rahab” kung saan angkop na malagay ang Ehipto, bilang ang una sa talaan ng mga kaaway ng Israel, kasama ang Babilonya, Filistia, Tiro, at Cus. Sa talatang ito ay ginagamit ng mga Targum “ang mga Ehipsiyo,” at sa Awit 89:10 ay isinasalin nila ang “Rahab” sa paraang maiuugnay ang termino sa mapagmataas na Paraon ng Ehipto na hiniya ni Jehova.