Rama
[Mataas na Dako].
Ang salitang Hebreo nito ay tumutukoy sa isang mataas na dako. (Eze 16:24) Ginamit ito bilang pangalang pantangi ng ilang lokasyon sa Israel.
1. Isang lunsod sa teritoryo ng Benjamin. Sa Josue 18:25, nakatala ito sa pagitan ng Gibeon at Beerot. Lumilitaw na malapit ito sa Bethel, isang lunsod na nasa T ng teritoryo ng Efraim. (Huk 4:5) Pagkalampas sa Jerusalem, isang Levita na naglalakbay patungong H ang pumaroon sa Gibeah, at maliwanag na nasa ibayo lamang niyaon ang Rama. (Huk 19:11-15; Os 5:8) Nasa kapaligiran din ng Geba ang Rama. (Isa 10:29) Batay sa mga pagbanggit na ito at sa patotoo ni Eusebius, ang Rama na nasa Benjamin ay iniuugnay sa lokalidad ng makabagong er-Ram, na mga 8 km (5 mi) sa H ng Jerusalem, 3 km (2 mi) sa H ng Gibeah, 5 km (3 mi) sa S ng Gibeon, at 3 km (2 mi) sa K ng Geba. Gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, ang lunsod na ito’y nasa isang mataas na lugar.
Nang mahati ang kaharian, ang Rama ay pinag-ukulan ng pantanging pansin, palibhasa’y malapit sa hanggahan ng Israel at Juda at sa H-T na lansangan ng maburol na lupain. Samantalang nakikipagdigma kay Asa, sinimulan ni Haring Baasa ng Israel na palawakin o patibayin ang Rama na nasa Benjamin. (1Ha 15:16, 17; 2Cr 16:1) Ngunit nang salakayin ng hari ng Sirya ang Israel mula sa H, nailihis nito ang pansin ni Baasa. Kinuha ni Asa ang Rama at ang mga materyales na ginagamit ni Baasa sa pagtatayo roon. Ginamit niya ang mga ito upang itayo ang karatig na Geba at Mizpa. (1Ha 15:20-22; 2Cr 16:4-6) Nang wasakin ang Jerusalem noong 607 B.C.E., lumilitaw na ang mga Judio na kinuhang bihag ay tinipon muna sa Rama bago inilipat sa Babilonya. (Jer 40:1) Pagkatapos ng pagkatapon, muling tinirahan ang Rama.—Ezr 2:1, 26; Ne 7:30; 11:33.
Ipinapalagay ng ilang iskolar na ang pagtitipong iyon sa mga Judio sa Rama bago sila dalhin sa pagkatapon (marahil ay pinagpapatay pa roon ang ilan sa kanila) ay tinukoy sa mga salitang: “Sa Rama ay naririnig ang isang tinig, pagtaghoy at mapait na pagtangis; si Raquel ay tumatangis dahil sa kaniyang mga anak. Siya ay tumangging maaliw dahil sa kaniyang mga anak, sapagkat sila ay wala na.” (Jer 31:15) Gustung-gusto noon ng asawa ni Jacob na si Raquel na magkaroon ng mga anak anupat itinuring niya na siya’y “patay” kung hindi siya magkakaanak. (Gen 30:1) Kaya naman maaaring si Raquel ay makasagisag na tinutukoy na tumatangis dahil sa pagkamatay o pagkabihag ng mga Judio. O, yamang si Raquel ang ina ni Benjamin, maaaring inilalarawan siya ng mga salita ni Jeremias bilang tumatangis dahil sa mga Benjamitang naninirahan sa Rama. Ipinaliwanag naman ni Jeremias na may pag-asa pa, sapagkat ang mga tapon ay babalik. (Jer 31:16) Sa Mateo 2:18, ang makahulang mga salita sa Jeremias 31:15 ay sinipi at ikinapit sa pagpatay ni Herodes sa mga batang taga-Betlehem.—Tingnan ang RAQUEL.
2. Isang nakapaloob na lunsod ng tribo ni Simeon sa Negeb. (Jos 19:1, 8) Ito rin ang Baalat-beer at nakilala ito bilang “Rama ng timog.” Ipinapalagay na ito ay ang Khirbet Ghazzah (Horvat ʽUza), na mga 30 km (19 na mi) sa S ng Beer-sheba.—Tingnan ang BAALAT-BEER.
3. Isang di-matukoy na lunsod sa teritoryo ng Aser at sa Josue 19:24, 29 lamang nakatala. Mahirap matukoy nang eksakto mula sa teksto ang lokasyon ng lunsod na ito sa mana ng Aser, bagaman waring ito’y nasa H patungong Tiro.
4. Isang nakukutaang lunsod sa teritoryo ng Neptali. (Jos 19:32, 36) Ipinapalagay na ito ay ang Khirbet Zeitun er-Rameh (kilala rin bilang Khirbet Jul) na nasa S lamang ng er-Rameh (Rama) at mga 30 km (19 na mi) sa S ng daungang lunsod ng ʽAkko (Aco). Gayunman, hindi sapat ang kaisa-isang pagbanggit ng Josue sa lugar na ito upang matukoy nang tiyakan kung saan ang lokasyon nito.
5. Bayan ng propetang si Samuel at ng kaniyang mga magulang. Sa 1 Samuel 1:1, inilarawan ang ama ni Samuel na si Elkana bilang isang “lalaki ng Ramataim-zopim ng bulubunduking pook ng Efraim.” Sa nalalabing bahagi ng ulat ay ginamit ang pinaikling anyo na “Rama.” (1Sa 1:19) Marahil ay ginamit muna ang mas mahabang pangalan upang ipakita na iba ang Rama na ito sa iba pang mga lugar na may gayunding pangalan, gaya ng Rama na nasa Benjamin. Ganito ang mababasa sa An American Translation: “lalaki ng Rama, isang Zupita.” Ipinakikita ng saling ito ng tekstong Masoretiko na si Elkana ay maaaring inapo ni Zup (Zopai) o kaya’y mula sa distrito ng Zup.—1Cr 6:27, 28, 34, 35; 1Sa 9:5.
Batay sa isang sinaunang tradisyon na iniharap ni Eusebius, ipinapalagay na ang lokasyon ng Rama ay ang makabagong Rentis (Rantis), sa mga burol ng Efraim mga 35 km (22 mi) sa HK ng Jerusalem. Sa gayo’y ito rin ang lugar ng Arimatea (anyong Gr. ng Heb. na Ra·mahʹ) na binanggit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.—Luc 23:50-53.
Sa Rama nanirahan si Elkana, at maliwanag na dito ipinanganak si Samuel. Gayunman, taun-taon ay naglalakbay si Elkana patungong Shilo upang maghain. (1Sa 1:3, 19; 2:11) Bagaman si Samuel ay nanirahan nang ilang panahon sa Shilo kasama ni Eli na saserdote, nang bandang huli ay nanahanan siya sa Rama. Ginamit niya itong himpilan sa paglibot niya sa Israel para humatol. (1Sa 3:19-21; 7:15-17; 8:4; 15:24-35; 16:4, 13; 19:18-24) Nang mamatay si Samuel, siya’y inilibing sa kaniyang bahay sa Rama, na “kaniyang sariling lunsod.”—1Sa 25:1; 28:3.
6. Pinaikling anyo ng Ramot-gilead.—2Ha 8:28, 29; 2Cr 22:5, 6; tingnan ang RAMOT-GILEAD.