Recabita, Mga
[Ni (Kay) Recab].
Mga inapo ni Recab na Kenita sa pamamagitan ni Jehonadab.—Jer 35:6; 1Cr 2:55.
Noong panahon ni Jehonadab, waring may mga Recabita na naninirahan sa hilagang kaharian, sapagkat doon sumama si Jehonadab kay Jehu (hari noong mga 904-877 B.C.E.) sa pakikipaglaban sa pagsamba kay Baal at sa “lahat ng natira kay Ahab sa Samaria.” (2Ha 10:15-17) Nagbigay si Jehonadab ng utos sa kaniyang pamilya (hindi sinasabi kung bago o pagkatapos ng kaniyang pagsama kay Jehu) na manirahan sa mga tolda, huwag maghasik ng binhi, huwag magtanim ng mga ubasan, at huwag uminom ng alak, sapagkat sila ay mga naninirahang dayuhan sa lupain.—Jer 35:6-10.
Noong huling bahagi ng paghahari ni Jehoiakim (628-618 B.C.E.), maraming Recabita ang naninirahan sa Juda. Nang dumating si Nabucodonosor laban sa lupain, ang mga Recabita ay pumasok sa Jerusalem upang maipagsanggalang mula sa mga Caldeo at mga Siryano. Sa utos ni Jehova, dinala ni Jeremias si Jaazanias na kanilang lider at lahat ng mga Recabita sa isang silid-kainan sa templo. (Jer 35:1-4) Yamang nagkasya silang lahat sa isa sa mga silid-kainan sa templo, ipinahihiwatig nito na hindi sila gaanong marami. Gaya ng itinagubilin ng Diyos, si Jeremias ay naglagay ng mga kopa ng alak sa harap nila at nagsabi: “Uminom kayo ng alak.” Bilang paggalang sa utos ng kanilang ninuno, tumanggi silang gawin iyon, at ipinaliwanag nila na kaya lamang sila umalis kamakailan sa karaniwan nilang tirahan at lumipat sa lunsod ay dahil sa mga hukbong sumasalakay.—Jer 35:5-11.
Nalugod si Jehova dahil sa may-paggalang na pagkamasunurin na ipinakita nila. Ang kanilang matatag na pagkamasunurin sa isang ama sa lupa ay kabaligtaran ng pagkamasuwayin ng mga Judeano sa kanilang Maylalang. (Jer 35:12-16) Nagbigay ang Diyos sa mga Recabita ng gantimpalang pangako: “Walang aalisin kay Jonadab na anak ni Recab na lalaking tatayong palagi sa harap ko.”—Jer 35:19.
Noong panahon ng pagkagobernador ni Nehemias pagkatapos ng pagkatapon, kinumpuni ni “Malkias na anak ni Recab” ang Pintuang-daan ng mga Bunton ng Abo. Kung ang Recab na ito ang siya ring ama o ninuno ni Jehonadab, ipinakikita nito na ang mga Recabita ay nakaligtas sa pagkatapon at bumalik sa lupain. (Ne 3:14) Sa 1 Cronica 2:55 si Hammat ay itinala bilang “ama ng sambahayan ni Recab.”