Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Rehob

Rehob

[Liwasan; Malawak na Dako].

1. Ama ni Hadadezer na hari ng Zoba na laban dito ay matagumpay na nakipagdigma si David.​—2Sa 8:3-12.

2. Isa sa mga Levita o ang ninuno ng isang Levita na nagpatotoo sa pamamagitan ng tatak sa isang tipan noong panahon nina Nehemias at Ezra.​—Ne 10:1, 9, 11.

3. Isang lugar o lunsod na binanggit nang maggalugad sa Canaan ang 12 Hebreong tiktik na isinugo ni Moises. (Bil 13:21) Malamang na ang lugar ding ito ang “Rehob” at “Bet-rehob” na binanggit sa 2 Samuel 10:6, 8.​—Tingnan ang BET-REHOB.

4. Ang pangalan ng isa o marahil ay dalawang lunsod sa teritoryo ng Aser. (Jos 19:24, 28, 30) Bagaman ipinapalagay ng ilang iskolar na ang dalawang pagbanggit ay tumutukoy sa iisang lunsod, waring ipinahihiwatig ng ibang kaugnay na mga teksto na magkahiwalay na mga lugar ang mga ito. Kaya naman sinasabi ng Hukom 1:31, 32 na “hindi pinalayas ng Aser ang mga tumatahan sa . . . Rehob,” anupat ang mga Aserita ay napilitang manahanang kasama ng mga Canaanita sa lupain, samantalang binabanggit sa Josue 21:27, 31 at 1 Cronica 6:71, 75 na ang Rehob ay ibinigay sa mga anak ni Gersom (Gerson) bilang isang lunsod ng mga Levita. Itinuturing niyaong mga pumapabor sa iisang lugar na ang mga tekstong ito ay nangangahulugang ang atas na palayasin ang mga Canaanita mula sa Rehob ay nahadlangan noong una ngunit naisagawa rin nang dakong huli, sa gayon ay napanirahan ito ng mga Levita. Iminumungkahi naman niyaong mga pumapabor sa dalawang lugar na ang isang bayan ay nanatili sa mga kamay ng mga Canaanita, anupat ang isa pa ay kabilang doon sa unang binihag ng Aser at ibinigay sa mga Levita. Para sa dalawang lugar, iminumungkahi ng ilan na iugnay ang Khirbet el-ʽAmri, mga 4 na km (2.5 mi) sa HS ng Aczib, sa Rehob ng Josue 19:28; at para sa Rehob ng iba pang teksto, iminumungkahi nila ang Tell el-Bir el-Gharbi (Tel Bira), mga 10 km (6 na mi) sa STS ng Aco. Ang huling lugar na ito ang pinapaboran niyaong mga nagsasabi na ang pangalang ito ay tumutukoy sa iisang bayan lamang.