Renda
[sa Ingles, bridle].
Ang kasangkapang nasa ulo ng kabayo na ginagamit bilang pangkontrol at pamigil dito, binubuo ng kabisada, bokado, at mga panaling panghila, kadalasan ay may kasamang iba pang mga kagamitan. Sa Hebreo, ito ay meʹthegh (2Ha 19:28) at reʹsen (Job 30:11), samantalang sa Griego naman, ito ay kha·li·nosʹ.—San 3:3.
Sa Bibliya, ang “renda” ay karaniwang ginagamit sa makasagisag na paraan, o sa mga ilustrasyon. Sinabi ng salmista: “Huwag kayong maging gaya ng kabayo o ng mula na walang pagkaunawa, na ang sigla ay kailangang supilin ng renda o ng preno bago sila lumapit sa iyo.” (Aw 32:9) Ang mga tao ay hindi dapat maging tulad ng walang-katuwirang mga hayop, na walang kakayahang patnubayan nang wasto ang kanilang sarili. Gayunman, kung paanong nangangailangan ng panghagupit at renda ang gayong mababangis na hayop, pamalo naman ang maaaring gamitin sa taong hangal.—Kaw 26:3.
Sa Apocalipsis, ang “punong ubas ng lupa” ay inihagis sa pisaan ng ubas at buong-tinding niyurakan ng mga paa ng mga kabayo na nasasapatusan ng bakal, anupat umabot ang dugo “hanggang sa mga renda ng mga kabayo, sa layo na isang libo anim na raang estadyo [296 na km; 184 na mi].” (Apo 14:18-20) Ang gayon kataas na dugo na umabot nang gayon kalayo ay lumalarawan sa pagkalawak-lawak na pagkapuksang pinangyari ng mga anghel at nagpapahiwatig na ang pisaan ng ubas ay may sapat na laki upang kulungin ang lahat at pigilan ang pagtakas ng sinumang kabilang sa makasagisag na “punong ubas ng lupa” sa panahon ng kalubusan ng pagkakasala nito.
Sinabi ni Jehova kay Haring Senakerib ng Asirya: “Ilalagay ko nga ang aking pangawit sa iyong ilong at ang aking renda sa pagitan ng iyong mga labi, at dadalhin nga kitang pabalik sa daan na iyong pinanggalingan.” (2Ha 19:28; Isa 37:29) Hindi kusang-loob kundi dahil sa kamay ni Jehova, napilitan si Senakerib na talikuran ang pagkubkob sa Jerusalem at bumalik sa Nineve, kung saan nang maglaon ay pinaslang siya ng kaniyang sariling mga anak. (2Ha 19:32-37; Isa 37:33-38) Ipinahihiwatig ng paglalagay ni Jehova ng renda sa mga panga ng mga kaaway na bayan na mapapasailalim sila sa lubusang pagkontrol kung paanong nasusupil ang mga hayop sa pamamagitan ng renda.—Isa 30:28.
Noong nananaghoy si Job dahil sa kaniyang nakapipighating kalagayan na dulot ng pagkakasakit at panunuya, sinabi niya tungkol sa mga nang-uusig sa kaniya: “Ang renda ay iniwan nilang kalag dahil sa akin.” (Job 30:11) Ang mga kaaway ni Job ay dumaluhong nang mabilis at tuluy-tuloy, walang renda, wala ni katiting mang paggalang at pagpipigil, sa pagbubulalas ng pagkapoot nila sa kaniya.
Si Santiago na kapatid sa ina ni Jesus ay nagpayo tungkol sa wastong paggamit ng dila, anupat inihalintulad sa isang renda ang pagsupil dito. Kung ang isa ay may pagpipigil sa sarili dahil sa pagkakapit niya ng mga simulain sa Kasulatan, at sa pamamagitan nito ay nakokontrol niya ang kaniyang dila, makokontrol din niya ang kaniyang buong katawan. (San 3:2, 3) Ang isang nag-aangking mananamba ng Diyos ay kailangang magrenda ng kaniyang dila, kung hindi ay mawawalang-saysay ang kaniyang anyo ng pagsamba.—San 1:26.