Repidim
[mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “mangalat”; o, “paginhawahin”].
Isa sa mga lugar kung saan nagkampo ang mga Israelita noong naglalakbay sila mula sa Dagat na Pula patungong Bundok Sinai. Pagkaalis nila sa Ilang ng Sin, nagkampo sila sa Dopka, pagkatapos ay sa Alus, at nang dakong huli ay sa Repidim. (Exo 17:1; Bil 33:12-14) Palibhasa’y walang tubig sa Repidim, ang bayan ay nagreklamo at nakipagtalo kay Moises. Sa utos ng Diyos, isinama ni Moises ang ilang matatandang lalaki sa “bato sa Horeb” (maliwanag na ang bulubunduking rehiyon ng Horeb, hindi ang Bundok Horeb) at hinampas niya ng kaniyang tungkod ang isang bato. Umagos mula roon ang tubig, anupat lumilitaw na nakarating ito hanggang sa bayang nagkakampo sa Repidim.—Exo 17:2-7.
Sa Repidim sinalakay ng mga Amalekita ang mga Israelita. Ngunit sa pangunguna ni Josue sa pakikipaglaban, nilupig ng bayan ng Diyos ang mga mananalakay. (Exo 17:8-16) Ipinahihiwatig ng puwesto ng salaysay sa rekord na nasa Repidim ang mga Israelita nang dalhin ng biyenan ni Moises si Zipora at ang dalawang anak nito kay Moises at nang imungkahi niya na pumili si Moises ng mga pinuno na tutulong sa paghatol sa bayan.—Exo 18:1-27.
Hindi tiyak kung saan ang eksaktong lokasyon ng Repidim. Ang iba’t ibang lokasyon na iminumungkahi ng mga heograpo ay napagpasiyahan nila kaayon ng kanilang pagkaunawa sa rutang nilakbay ng mga Israelita mula sa Ilang ng Sin patungong Bundok Sinai. Iniuugnay ng maraming makabagong heograpo ang Repidim sa isang lugar sa Wadi Refayied, di-kalayuan sa HK ng kinikilalang lokasyon ng Bundok Sinai. Karatig ng wadi ang isang burol na may gayunding pangalan. Doon maaaring tumayo si Moises habang nakataas ang kaniyang mga bisig noong nakikipagbaka sila sa mga Amalekita.