Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ribla

Ribla

1. Isang di-matukoy na lokasyon sa silanganing hangganan ng “lupain ng Canaan.”​—Bil 34:2, 10, 11.

2. Isang bayan sa H ng Israel “sa lupain ng Hamat.” (Jer 52:9) Ang lokasyon na karaniwang kinikilala bilang Ribla ay ang lugar ng mga guho malapit sa makabagong Ribleh sa S pampang ng Ilog Orontes, mga 60 km (37 mi) sa HS ng Baalbek, sa libis na nasa pagitan ng mga kabundukan ng Lebanon at Anti-Lebanon. Maliwanag na nagkampo si Paraon Necoh sa Ribla pagkatapos niyang matalo si Haring Josias, noong mga 629 B.C.E. Nang panahong iyon ay humahayo siya patungong H upang makipaglaban sa mga Babilonyo, na noo’y namumuno sa Asirya. Hinalinhan ni Jehoahaz si Josias, ngunit pagkaraan ng tatlong buwan ay ipinalit ni Necoh kay Jehoahaz si Eliakim (Jehoiakim). Iniutos ni Necoh na dalhin sa kaniya sa Ribla si Jehoahaz bago niya dinalang bihag sa Ehipto ang haring ito. (2Ha 23:29-34) Ang Ribla ay isang estratehikong lokasyon para sa isang kampong militar. Kontrolado nito ang isang H-T na rutang pangkalakalan at pangmilitar sa pagitan ng Ehipto at ng Eufrates. Sagana ang tubig dito, at makakakuha ng pagkain at panggatong sa nakapalibot na libis at mga kagubatan.

Nakinabang din nang maglaon ang hukbong Babilonyo sa mga bentahang ito. Noong isang pagkakataon matapos pasimulang kubkubin ni Nabucodonosor ang Jerusalem sa pagtatapos ng 609 B.C.E., lumilitaw na nagtayo siya ng isang kampo sa Ribla upang pangasiwaan mula roon ang mga operasyong militar. Sa posisyong ito’y masasalakay niya ang Damasco o kaya’y mabilis siyang makababalik sa Babilonya kung kinakailangan. Nang mabihag si Zedekias noong 607 B.C.E., dinala siya kay Nabucodonosor sa Ribla, gaya rin ng ibang mahahalagang lalaki ng lunsod di-nagtagal pagkatapos nito.​—2Ha 25:1, 5-7, 18-21; Jer 39:5; 52:9-11, 26, 27.

Ipinapalagay ng maraming iskolar na ang “Dibla” sa Ezekiel 6:14 ay dapat kabasahan ng “Ribla,” anupat tumutukoy sa Ribla na nasa Orontes.​—Tingnan ang DIBLA.